Nasa labas kami palagi kapag nagbabakasyon sa Badduat. May iba sa pakiramdam. Parang ang layo-layo namin sa Cavite. Malayo naman talaga. Kapag titingala ka sa gabi, parang ang lapit-lapit ng langit. Parang isang angat mo lang ng mga kamay mo, masusungkit mo na ang mga bituin. Kapag tanghali naman, nakaangkas ang araw sa likod namin, sasama kami sa mga pinsan namin para mamitas ng mga tanim.
"Mabubuhay kayo sa Apayao kahit hindi bumibili ng pagkain." sabi nila. Lingon-lingon ka lang sa paligid, sa bawat pagtingala at pagyuko, may pwedeng kainin. May palay para maging kanin, may mga pananim, at may mga isda at alimasag sa ilog. Masusustansyang pagkain. Kaso ang problema, hindi ako kumakain ng gulay, may mga tindahan naman na pwedeng bilhan ng mga pagkaing hindi galing sa kalikasan: noodles, de lata, softdrinks, juice, chips, biskwit. Kapag gusto mo ng hotdog, tocino, burger patty, nuggets, mamimili ka lang kung bababa ka sa Tuguegarao o aakyat sa Sentro.
Pwede namang hindi ako kumain ng gulay, may mga prutas naman.
1. Papanoorin namin yung tita namin kung paano magbalat ng pinya. Hihiwain ang tangkay, hahatiin sa gitna. Paparte-partehin kung ilan kaming may gustong kumain. Masarap na kombinasyon ng asim at tamis.
2. Aakyat yung tito ko sa mataas na punò para ikuha kami ng buko. Ipapatikim nila sa amin yung hindi ko natikman sa lungsod. Yung juice ng buko ilalagay sa pitsel, at saka hahaluan ng condensed milk at evaporated milk, tapos lalagyan ng maraming yelo, bagay na bagay sa panahon ng tag-init. Sa gilid-gilid lang kasi kami ng Maynila nakakabili ng buko juice o kaya sa mga stall ng mall na nagbebenta ng buko shake.
3. Maraming punò ng mangga sa gilid at likod ng bahay namin doon. May native, may indian. Kami na ang umaakyat dahil mas madali. Ang kalaban lang namin ay mga antik. Doon ko na-discover na masarap pala ang sukanh Ilocos.
4. Kahon-kahon yung box namin ng rambutan. Para lang manî sa dami. Hindi ko pa nakikita kung paano pinipitas yun. Hindi ko rin alam kung saan banda yung taniman namin ng rambutan.
5. May tambakan kami ng saging. Kapag gusto mong kumain, kukuha ka lang doon. Nakalagay sa ibabaw ng mga panggatong. Hindi ko alam kung para saan, baka para mahinog? Naalala ko nung nagkasakit ako sa probinsya, saging yung tumulong sa akin. Hindi kasi ako marunong lumunok ng gamot. Ang gagawin ko, mag-i-slice ako ng saging, ipapasok sa loob nun ang tableta, saka ko lulunukin. Solved.
6. Lalabas kaming magpipinsan para pumunta sa old house. Aakyat kami sa taas para lang mamitas ng abokado. Magtutulakan pa kami kung sino ang mauuna dahil sa paligid ng old house, may mga puntod ng mga kamag-anak namin. Sabihin lang daw namin ang "Barre, barre." Tabi-tabi po nila. Magpakilala rin daw kaming anak kami ni ganito at saka dumura sa dahon para hindi kami galawin ng mga elementong nakatira doon.
7. Isa sa paborito ko ang suha. Para siyang orange at dalandan pero malaki. Makapal ang balat, malalaki yung pulp. Kaya mong paghiwa-hiwalayin. Masarap isawsaw sa suka.
8. At ang pinakapaborito ko sa lahat, yung cacao. Mahaba itong kulubot ang balat. Patulis yung magkabilaang kanto. Kulay maroon. Doon ko unang nakita yun. Para siyang nanay na maraming anak. Kapag binuksan mo, maraming bilog-bilog sa loob, yun yung kinakain, at sa bawat bilog may buto. Ang pinakamasaya kapag kumakain ng cacao, iniipon namin yung niluluwang mga buto. Pwedeng itanim ulit, o pwedeng patuyuin at gawing chocolate.
Kapag babalik ulit kami doon, mag-uuwi na ako ng marami. Magpapamigay sa mga kapitbahay. Ang sarap lang alalahanin na libre lang ang mga prutas doon. Hindi ka pa mauubusan. Dito kasi, ang mahal-mahal na. Kalsada na yung dating lupang pwedeng pagtaniman, mga bahay na yung mga punong dating pwedeng pitasan. Para lang maging healthy, dapat may pera ka. Yung mga affordable na lang kasi ditong fruits, kung hindi syrup flavor e mga naka-powder na.
No comments:
Post a Comment