Niyaya kitang manuod ng sumasayaw na fountain pagkatapos ng event natin sa Luneta. Bata pa kasi ako nung huli akong makanuod nun. Hindi rin naman ako nagagawi sa Kalaw nung college ako. Kaya nakiusap ako sa iyong tapusin natin kahit isang kanta. Pero nang matapos yung unang kanta, sabi ko, isa pang kanta. Ang sabi mo, iisa lang ang galaw ng mga ilaw at tubig sa lahat ng kanta. Nagkamali ka, nag-iiba ang indayog sa bawat musika.
Pagharap ko sa iyo, may inabot ka sa aking isang pirasong rosas. Maliit na surpresa. Tinawanan kita. Tinanong kung para saan yun. Kung anong meron. Hindi ko kasi alam kung ano dapat ang maging reaksyon dahil yun ang unang beses na nakatanggap ako ng bulaklak galing sa lalaki. At kilala mo rin ako, ako yung tipo ng babaeng sasabihin sa iyong 'wag ka nang gagastos para lang mabilhan ako ng bouquet. Hindi naman bouquet yun, at hindi rin mahal. Hindi ko rin pala dapat tinanong kung para saan yun, dahil hindi naman palaging kailangang may okasyon para makapagbigay tayo sa taong mahal natin.
Kay Ate ka bumili, kamo. Tinuro mo yung naglako sa iyo. Tinanggap ko yung binigay mo. Hirit mo pa, ngayon ka lang bumili ng bulaklak sa buong buhay mo. Umalis tayong nakangiti kasabay ng iba pang mga tulad nating mayroong bagong kuwento dahil sa rosas. Bagong okasyon. Bagong sandali.
Pagkauwi natin, kinuha mo agad yung bote ng alak na naubos natin nung isang gabi. Inigiban ng tubig. Saka binabad doon ang rosas. Nilagay mo sa tabi ng computer. Para palagi nating nakikita.
Ang rosas ang sumasalubong sa araw-araw natin pagkagising sa umaga. Buháy na buháy. Kaso may isang gabi pagkauwi natin galing sa trabaho, kulay itim na ang dating mapupulang talulot. Bagsak na ang tangkay niya.
Hindi ko pinatapon sa 'yo kasi bigay mo sa akin yan. Hayaan ko na, ang sabi mo. Pwede ka namang bumili na lang. Pero yun kasi yung unang rosas ko, at rosas mo.
Wala nang tubig ang bote. Tuyôt na ang rosas. Ilang araw din yung lumipas saka ako pumayag na itapon mo. May hangganan naman talaga ang bagay na may buhay. Oo nga no, kaya hindi artificial flowers ang binibigay sa mga mahal nila dahil hindi yun totoo. Pero kapag tunay naman, namamaalam.
Kung ganun, patunayan nating rosas lang ang nalalanta, at hindi ang pag-ibig natin.
No comments:
Post a Comment