Iniluwal ng inang bayan ang kanyang mga anak. Hinele. Pinatahan. Tinuruang maglakad, tumayo sa sariling mga paa. Tinuruang magsalita. Ang magbilang. Ang maging malakas at matapang. Binigyan mo kami ng tahanan at makakain. Ng mga kailangan namin. Dahil ang sabi mo, kapag kaya na namin, kami na ang bahala sa lupain mo, sa himpapawid, at sa karagatan. Ipinagkaloob mo sa amin ang kalikasan. Kami ang pinagkatiwalaan mong mamamahala sa iyo.
Kaso nakalimot yata ang ibang anak mo, hindi kapatid ang turing sa amin. Kundi mga kalaban. Ilan sa kanila ay piniling maging bulag na panatiko, sinasamba nila ang haring natutuwa kapag may dumadanak na dugo, nananalig sila na ang kanilang poon ang mag-aahon sa kanila. 'Di ba ang sabi mo 'wag na 'wag kaming mag-aaway? Hindi naman kasi sila nakikinig, o tumatanggap ng paliwanag, hinihingan pa nila kami ng ambag. Pero sa totoo lang, pare-pareho lang naman kaming nagdurusa. Inaalipin kami ng mga nasa itaas. Akala ko ba pantay-pantay dapat kami dito? Bakit may ibang nasa palasyo? Silang mga ganid sa kapangyarihan, ayaw umalis sa trono. Pinaliligiran kami ng mga baril at chapa. Sa isa lang kami sigurado, wala kaming kadugong trapo, berdugo, at mamamatay-tao.
Wala na kaming matirhan at makain. Pinagdadamot sa amin ang mga bagay na kailangan namin. Malapit na ring maubos ang lupain, inaangkin na rin ng dayuhan ang himpapawid at karagatan. Hindi na kayang ilista sa papel ang lahat ng inutang. Nawawala ang 15 billion. Patag na ang mga bundok, may kemikal na ang mga ilog.
Kaya papatunayan namin sa 'yo na kaya na namin. Lalaya kami dahil sa lahat ng tinuro mo. Tinuruan mo kaming tumayo sa sariling mga paa para lumaban at ipagtanggol ang mga sarili. Tinuruan mo kaming magsalita hindi para patahimikin. Natuto kaming bumilang ng isa hanggang sampu, at lagpas na sa mga daliri ng kamay at paa namin ang kanilang mga pinaslang, hindi ko na mabilang ang lahat ng pinagbintangang nanlaban. Kaya marami pa rin sa amin ang hindi pa kayang tumahan.
Ihele mo sana kami upang hindi kami mapagod. Mas malakas at mas matapang na kami ngayon. Kakawala kami sa mahigpit na pagkakagapos.
No comments:
Post a Comment