Marami na namang bata dito sa bahay: si Flesha, Shanelle, Anisha, Em-Em, Precious, at Vaineber. Sayang si Carly lang ang kulang. Kaya gumawa kaming magkakapatid ng pakulo. Ang gulo na naman kasi, ang kalat ng mga laruan, at nagtuturuan sila kapag pinagliligpit. Bumili kami ni Rommel kanina ng mga gamit na magugustuhan nila. Laruan, school supplies, pangtali sa buhok, tsinelas. Para sipagin sila, ginaya namin ang Tom's World at Quantum. Kailangan nilang magkolekta ng points para makabili ng gusto nila.
Para na rin hindi sila mabagot sa bahay dahil lockdown na naman. Last year kasi, nagtanong na lang bigla si Anisha kung bakit nawalan na ng pasok. Bakit hindi pwedeng lumabas at makipaglaro? Ano yung COVID? Walang bang gamot dun? Sa tagal nating kinulong sa kanya-kanyang tirahan, bakit daw bawal pa rin pumunta sa school. O sa mall. O mag-commute. Boring daw. Wala na na raw siyang magawa sa bahay. Baby Shark lang ang alam nilang isayaw ni Precious dati, ngayon nasa tiktok na.
Kaya ito ngayon, ginawan namin sila ng bagong pagkakaabalahan. Matagal-tagal nilang gagawin 'to. Bawat gawaing bahay, may points na pwede nilang ipunin para pang-redeem. Maghugas, magwalis, magligpit ng laruan, mag-ayos ng mesa, gumising nang maaga, bibili sa tindahan, at kusang mag-module. Mas mataas yung points ng pagsagot sa module para ganahan naman sila, lalo na si Anisha. Para hindi na rin ma-highblood si Mama at Papa sa kanya. Minus naman kapag ginawa nila ang mga bawal: mag-away, mag-tablet, mag-TV, at magturuan. Dinagdag namin na kapag may iiyak e minus 10. Pagkasimula palang kasi nila, may umiyak na. Inagawan daw ng trabaho.
Yung time card yung magsisilbing tickets nila, wala kasi kaming nahanap na toy money. Dun isusulat yung mga nagawa nila at yung points na nakuha nila. Pag tapos na sila, lalapit lang sila sa akin o kaya kay Maria o kay Buninay para magpalista. Sakto din naman 'tong ginagawa nila, hindi ko na sila nadala sa ulit Kidzania dahil nagka-COVID na. Doon, tuturuan silang magtrabaho para sumahod. Magluto, mag-alaga ng baby, maging model, bumbero, mag-design ng cupcake, gumawa ng coke, ng ice cream. At meron din silang day-off: pwede silang pumunta sa salon, sa art gallery, kumain, at babayaran naman nila yung staff/crew na naglingkod sa kanila mula sa nakuha nilang sweldo.
Day 1 palang, ang aliwalas nang tignan ng bahay. Malinis. Nakaayos ang mga gamit. Nakatabi ang mga laruan. Ginagawa nila nang kusa yung gawaing bahay. Nag-e-enjoy. Hati-hati sa trabaho para lahat may puntos. Ito na lang muna yung pwede naming ituro at ipagawa sa loob ng bahay hangga't hindi pa ayos sa labas. Sino kaya unang magke-claim ng reward?
No comments:
Post a Comment