Tuesday, March 16, 2021

Kung Paano Siya Nakinig

 Tinanong ako ng prof ko dati kung kumakanta daw ba ako, sabi ko, hindi. Hindi siya naniwala sa akin. Maganda raw kasi ang boses ko. Pinakanta niya ako, pero hindi ako kumanta. Hindi naman talaga ako kumakanta.

Marami na rin akong naging estudyanteng nagtanong sa akin kung singer daw ba ako. Hindi ulit ang sagot ko. Dahil hindi naman talaga. Hindi daw halata sa boses ko.

Siguro, dahil gusto nila ang boses ko? Magaan. Manipis. Malumanay. Hindi tunog ng nabasag na pinggan, o ng hinahampas na tambol, o ng latang walang laman. Ang hindi kasi nila alam, wala ako sa tono.

Bata palang kami, palagi na kaming pinapakanta ni Papa sa harap ng buong kamag-anak namin, o minsan ng mga bisitang kaibigan nina Mama. Marami akong alam na kanta. Tinuturuan ko yung mga kapatid at pinsan ko, pero tinatawanan lang nila ako kasi hindi naman ganun ang pagkanta. Maggitara na lang daw ako.

May final project kami sa Music nung hayskul ako, pumili raw kami ng paborito naming kanta, at kailangang i-perform yun. Mabuti na lang, sa teacher lang namin ire-recite. Mahinang-mahina ang boses ko para hindi marinig ng mga kaklase ko.

Nung audition sa pageant nung college ako, ang talent na ginawa ko ay singing. Kinanta ko yung compose ko habang naggigitara. Malakas yung loob ko dahil wala namang magsasabi sa aking wala ako sa tono, e sarili kong kanta yun e.

Kumakanta naman ako pero sa sarili ko lang. Mas maraming beses na umawit ako sa utak ko at minsan sa CR. Natatakot kasi akong mahusgahan ulit ang boses ko. Ang tono ko.

-

Nung unang taon ng trabaho ko, sa SPED ako nagturo. Meron akong estudyanteng may cerebral palsy. Hirap siyang maigalaw ang katawan niya. Kapag ihahatid na siya, kailangan ko siyang buhatin papasok sa room. Singbigat ko siya. Papaupuin ko muna siya. Huhubarin ang sapatos. Saka isusunod ang occupational therapy.

Noong una, hindi ko talaga alam kung bakit hindi niya ginagawa yung activities niya. Inaalalayan ko muna yung naninigas at nanginginig na mga kamay niya. Kinakausap ko siya palagi, nakatingin lang siya sa akin. Hindi siya nakakapagsalita, mga mata niya lang ang nagpapahiwatig na may gusto siyang sabihin.

Sabi ng co-teacher ko, kantahan ko raw siya. Kaya nung sumunod na araw, kinantahan ko siya. Nakangiti siyang hawak-hawak ang shape na ipapasok sa box na singhugis ng hawak niya habang nakikinig ng The Wheels on the Bus. Sinunod ko ang Johny, Johny, Yes Papa. Ang ABC. Tumigil ako. Naubusan na ako ng kanta. Huminto rin siya sa activity niya. Kaya, kinanta ko agad ang Twinkle Twinkle Little Star kahit alam kong pampatulog sa mga bata yun. Ngumiti ulit siya saka tinuloy ang ginagawa. Para sa kanya, uyayi sa gabi ang boses ko.

Naghanap ako ng mas maraming nursery rhymes sa youtube, ayokong makitang mawala yung saya niya. Inalala ko yung mga dating alam na kantang pambata, kinabisa. Row, Row, Row Your Boat, Humpty Dumpty, Old Mac Donald had a Farm, Incy Wincy Spider, Rain, Rain Go Away. Pinarinig ko rin sa kanya ang mga Filipino para hindi mahinto yung activities namin, Chikading, Ang mga Ibon na Lumilipad, Ako ay May Lobo, Ang Pusa, Tatlong Bibe, Sampung mga Daliri, Paa, Tuhod, Pen Pen de Sarapen, Sitsiritsit, Leron-leron Sinta, Bahay-Kubo, Kung Ikaw ay Masaya, Tong Tong Pakitong-kitong, Paruparong Bukid.

Pareho kaming nakangiti habang tinatapos yung therapy niya. Pinalakpakan niya ako pagkatapos. Palakpak na galing sa puso. Palakpak na hindi nanghuhusga. Kahit pala wala ako sa tono, meron pa ring gustong makinig sa boses ko.


No comments:

Post a Comment

Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...