May nakapagsabi sa akin, na kapag daw sasali ka sa pageant e dapat diyosa ka. Ang ibig sabihin niya ng diyosa, perfect. Hindi ko alam kung pinapatamaan niya ba ako, kasi hindi naman ako perfect. Parang gusto niyang sabihing hindi ako bagay dun. Hindi naman ako sumali sa beauty contest dahil maganda ako. Put yourself in someone's shoes, ika nila. Fan kasi ako dati ng Victoria's Secret Fashion Show at Asia's Next Top Model, dati lang ah. Sumali ako dahil gusto ko. Bawal ba yung mga tulad kong hindi maganda? Ano ba talaga yung maganda? Sa kaninong mata?
Totoong mahirap yung trainings. Ituturo sa iyo yung tamang lakad, ikot, postura, at kung paano dapat magsalita at kumilos. Praktisado ang bawat pagbigkas. Bakit kasi dapat ingles? Bakit tinatawanan yung mga candidates na nauutal o nabablangko sa pagsagot ng Q&A? May masama ba dun? Wala.
Oo nga pala, kailangang ma-meet mo rin pala yung gusto nilang fit na katawan, balingkinitan. Nakakaiyak. Mapapatanong ka na lang sa sarili, na kapag hindi ko ba nagawa yun nang tama e hindi na ako ganap na babae? Para saan ba 'tong ginagawa ko? Para kanino? Bakit kailangang sumayaw at kumanta sa intermission kahit hindi ako marunong? Ano bang gustong patunayan ng mga heels at gown na suot ko? Wala. Hindi nakaka-boost ng pagkatao.
Para sa akin, niloloko lang ng mga beauty contest ang mga babae. Ginagamit. Na batay sa lipunan, lisensya ng pagiging maganda ang mapapanalunang korona. Kung ang Bb. Pilipinas at Miss Universe ay para sa mga babae, bakit hindi lahat pwedeng sumali? Bakit may qualifications? Bakit dapat maganda, payat, maputi, at matangkad lang yung pwede? E magkakaiba naman kaming mga babae.
Bakit ba nila kami hinahati? Pinaglalaban-laban? Basta para sa akin, hindi na kailangan pang magpagandahan at magpagalingan ng mga babae. Lahat kami diyosa.
No comments:
Post a Comment