Wednesday, March 3, 2021

Nabibili ba ang Dagat?

 Lagpas isang taon na nung huling swimming naming magpipinsan. Matagal naming pinagplanuhan yun. Ang gusto kasi nila e dagat, at yung affordable sana. At dahil ako naman ang ate nilang lahat, ako ang naghanap. Napakaraming resort na pwedeng pagpilian. Kung saan-saang profile ako napunta bago ako nakakita ng mura at maganda. Ang hirap kasi kapag lahat ng kasama ko nag-aaral pa tapos ako lang yung nagtatrabaho. Dun tayo sa budget-friendly.

Tuwang-tuwa ako pagdating namin sa Laiya. Iba yun sa lahat ng dagat na napuntahan ko. Ang sumalubong sa amin e yung caretaker ng rerentahan naming building. Nagulat ako dahil akala namin private resort. Hindi pala. Kumbaga, ang binayaran lang talaga namin e yung pagtutulugan namin. 

Maraming nakatira sa lugar na yun. Napapalibutan ng mamahaling resort ang komunidad na nandun. Kapag susubukan mong lumingon-lingon, marami kang makikitang signboard na may nakasulat na "for rent". Ibig sabihin, maraming pinaparentahang rooms para sa mga katulad naming naghahanap ng mura. May maliit kung kaunti lang kayo, may malaki, merong may 2nd floor at 3rd floor, kung marami naman kayo. Kung gusto mong may videoke meron din dun. Choice mo rin kung gusto mo sa beach front. May mga sari-sari store din. May mabibilhan ka ng yelo at isang galon na tubig. Nang hindi mahal ang mga paninda. Tapát magpresyo ang mga ordinaryong tao. Hindi tulad ng mga kapitalista.

Bago kami lumangoy, naglibot-libot muna kami. May mga cottage, at may mga bangka sa pampang. Napansin din naming napagigitnaan ng dalawang private resort yung lugar na tinutuntungan namin. Naisip ko lang bigla, sinubukan kayang bilhin ng kompanya o business owner yung lugar nila pero hindi sila pumayag? O may nangahas angkinin ang lupa nila pero hindi sila umalis? Ang galing. Dahil sa dami ng resort sa Laiya, may komunidad pa rin pala sa tabi ng dagat.

Nung lumublob na kami sa dagat, enjoy na enjoy kami sa alon at sa sunset. Hindi namin napansing nakatawid na kami sa kabila, sa tabing resort. Nagulat na lang kaming pinituhan kami ng guard. Pinapaalis kami. Pag-aari pa ba nila ang dagat? Tali lang ang palatandaan ng hangganan, pero hindi naman ibig sabihin nun e pwede na nilang hatiin ang yamang tubig. Alam kong lupa lang ang nabili nila. Nasa iisang dagat lang naman kami lumalangoy ng mga nag-book sa kanila. Ang kaibahan lang, nagbayad sila nang mahal. Pinayaman nila ang may-ari. Masaya na akong kahit papaano e nakatulong kami sa mga tagadito.

Siguro yung hindi ko malilimutan, yung paggising ko, pumunta agad ako sa terrace. Gusto ko lang i-feel yung vibes. Malamig, malakas ang alon. Umagang-umaga, buhay na buhay agad ang baybayin. Ngayon lang ako nakakita nun. Ang daming taong nag-aabang sa mga bangkang parating. Parang palengke, may bentahan ng mga isda. May naghihiwa at nagtatanggal ng hasang sa gilid. May iba naman na nagbebenta ng souvenir na gawa sa mga shell. Parating din yung mga pamilya na gusto lang lumangoy.

Sana marami pa akong mapuntahang tulad ng pinuntahan namin sa Laiya. Sana marami pang tabing-dagat na hindi pagmamay-ari ng mayayaman, yung para sana sa lahat ng tao. Dahil, para naman talaga yun sa lahat ng tao.



No comments:

Post a Comment

Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...