Tuesday, March 2, 2021

Tungkol sa Buhok

 1. Naalala ko nung bata ako, palagi akong nagtitingin ng mga brochure na inuuwi ni Mama. Nililipat ko sa pages ng mga sapatos at damit na pangbata. Syempre may model na bata doon. Nagtataka talaga ako kung bakit hindi ako balbon gaya ng batang yun. Na bakit hindi ako balbon gaya ng mga kalaro at kaibigan ko. Bakit naiiba ako, kako. Kaya inahit ko yung mga balahibo sa braso at binti ko. Ang nasa isip ko kasi nun, para humaba. Pero hindi naman. Kaya inahit ko ulit. Gusto ko lang din naman maging balbon. Pero hindi pa rin kumapal ang mga balahibo. Hindi ko na ulit inulit dahil baka mahuli pa ako ni Mama.

2. First year high school nang tubuan ako ng balahibo sa kilikili. Ang sabi ni Mama, huwag ko raw susubukang tanggalin para hindi kumapal. Hindi ako nakatiis nung fourth year high school ako. Kailangan kong alisin dahil magsusuot ako ng sleeveless. Hindi naman makapal, nahihiya lang akong makita ng iba yung maninipis na buhok sa kilikili ko. 

3. Sakit ko na bunutin yung mga pilikmata ko kapag walang ginagawa. Kaya panipis nang panipis. Hayskul ako nung pinagalitan ako ni Papa dahil ginupit ko naman yung mga pilikmata. Akala ko kasi aangat kapag maikli na. 

4. Palagi akong inaasar ng mga kaklase ko na Mona Lisa. Wala kasi akong kilay. Kahit ako, tuwing tinitignan ko ang sarili ko sa salamin. May kulang talaga sa mukha ko, yun nga, yung kilay. Actually, meron naman. Color grey lang. Tapos hindi pa makakapal yung hibla. Parang balahibo lang.

5. Buhaghag talaga yung buhok ko. Kapag nakalugay, hindi ko maintindihan kung saan yung direksyon nito. Kumbaga, palaging bad hair day. Ang takaw-pansin pa e yung mga baby hair ko na palaging nakaangat.

6. Sinama ako ni Papa. Ang sabi niya, may pupuntahan kami. Ipapa-rebond niya pala ako non. Dalaga na raw kasi ako.

7. Napapadalas ang pagtatanggal ko ng buhok sa kilikili kahit hindi naman ako naka-sleeveless, basta makita ko lang na may tumubo, shave agad, yun nga lang napansin kong kumakapal yung mga hibla kaya tinigil ko. Sinubukan kong magtsani kahit nakakaduling, nagkaroon naman ng chicken skin. Bumili ako sa Watson's ng cold wax, makalat, ang hirap linisin. Lumipat ako sa laser, dito, wala akong naging problema, mabigat nga lang sa bulsa. Pumunta ako sa mas mura, yung wax sa mga salon, problema pa rin dahil kelangan din ng maintenance. Last try, bumili ako ng hot wax, nangitim lang yung kilikili ko. Ang ending, pinagpahinga ko na lang, hindi naman nakakahiya na may buhok sa kilikili.

8. Inahit ko yung kilay ko. Sabi kasi nila, mas kakapal at hahaba, pero hindi naman tumalab. Nawalan na ako ng pag-asa. Napapagod na akong sayangin ang 30 minutes ng araw ko para lang mag-drawing ng kilay na hindi pantay. Kaya nagpa-microblade ako.

9. Nagsisisi ako kung bakit ko ginupitan at binubunot yung pilikmata ko. Nagpa-perming ako pero hindi tumatagal. Nagpakabit ako ng false eyelashes, natatanggal din.

10. Ilang taon din akong naka-rebond, tapos na-trip-an kong magpakulot. Tapos nung nagsawa na ako, gusto ko namang paikliin. Pinaikli ko, para pahabain.

11. Apat na taon na akong nagtatrabaho nang maisipan kong magpakulay ng buhok. Hindi naman bawal sa school na pinagtuturuan ko, kako. Kaya nagulat ako nang biglang maglabas ng bagong school policy na bawal na ang may kulay na buhok sa teachers. Nagbaba ng memo. Lahat ng may kulay na buhok sa amin, nagpaitim. Hindi ako sumunod. Ngayon na nga lang ako nagpakulay at gumastos nang mahal sa buhok, ipapabura pa.

12. Bata palang ako hanggang ngayon, naglalagas yung buhok ko. Kung bibilangin mula paggising, pagligo, pagsuklay, at paghiga, halos 100 yata. Pero hindi nauubos.

13. Ang hindi ko maintindihan, tumutubò yung buhok sa parte ng katawan na gusto kong tubuan pero tubò nang tubò sa ayaw ko.

14. Kahit na ganun, binibigyan ako ng bagong mukha ng bawat hibla ng buhok ko.

15. Sining ang buhok. Ang haba, ikli, tuwid, kulot, kapal, at nipis nito ang nagbibigay ng kulay at tatak sa akin.



No comments:

Post a Comment

Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...