Makapangyarihan ang mga kamay. Maraming salitang kilos para dito sa dami ng kaya nitong gawin: hawak, bitbit, karga, buhat, pulot. Ang mga kamay ang kumukuha, ang sumasalo, ang kumakapit, ang bumibitaw. Ang dahilan ng ating paghatak at pagtulak. May kumpas din na hindi natin alam kung kumakaway ba o namamaalam.
Sa lahat ng ginagawa ng tao, kamay ang kaagapay natin. Sa pagluto, sa pagsulat, sa pagpinta, sa pagtugtog. Sa paghawak ng mikropono, ng tisa, ng kamera. Sa pagboto.
Kamay ang nandyan sa tuwing napapagod ang ibang parte ng katawan: kinakapa nito ang noo sa tuwing sumasakit ang ulo, nangangalumbaba tayo tuwing nalulugmok, tinatakpan nito ang mga mata kapag umiiyak, at tinatapik ang balikat ng mga kaibigang pinanghihinaan ng loob.
Ngunit may iilan na ginagamit ang kamay upang pumitik, mangurot, manampal, manuntok, manduro, magbulsa ng kaban ng bayan, manghampas ng batuta, kalabitin ang gatilyo. Na ang kayang gawin ay bahiran ng dugo ang mga kamay mula sa dahas. Ang sabi nga ng iba, singhugis ng ating kamao ang ating puso. Na kung ano ang ginagawa ng ating mga kamay ay iyon ang nasa ating kalooban. Hindi na ako magtataka doon.
May mabigat na responsibilidad ang ating mga kamay. Kaya siguro hindi ito nangangalay. Dahil marami pa tayong laban na ipapanalo mula sa mga kamay na bakal ng mga pasista at berdugo, at ng mga politikong walang ibang ginawa kundi maghugas-kamay. Maghahawak-hawak pa tayo sa picket line. Iaangat natin ang ating mga panawagan. Ikukuyom natin ang kaliwang kamay upang magprotesta. Ibubukas ang palad upang mag-abot ng tulong.
May higit pang kayang gawin ang ating mga kamay. Huwag sana tayong mapagod sa pagkuyom at pag-abot.
No comments:
Post a Comment