Sinubukan akong turuan ni Mama na mag-cross-stitch. Bata pa ako nun, baka napansin niyang nakikitingin ako sa tuwing gumagawa siya.
Base sa alaala ko, una raw, dapat meron akong pattern, aida cloth, sinulid, at karayom. Aliw na aliw yung mga mata ko nun dahil sari-sari yung kulay ng sinulid ni Mama. Hindi mo lang basta pwedeng sabihing red, blue, o yellow. Dapat alam mo yung tawag sa shades ng bawat color. Nagagalit siya kapag ginagamit namin yun sa pagpapalipad ng saranggola, hindi daw kasi tulad yun ng ordinaryong sinulid. Kumbaga, apat o anim na hibla na sama-sama yung sa cross stitch. Sa karayom, mas malaki ang butas at mas makapal kaysa dun sa normal, pansin ko rin na hindi ganun katulis dahil may mga butas na yung tela na pagdadaanan ng sinulid at karayom. Nilalagyan din pala ni Mama ng tape yung gilid ng aida cloth, para hindi maghimulmol.
Sa pattern, color pencil ang gamit niya. May katumbas na kulay ang bawat number sa loob ng box. Matiyaga niyang binibilang at kinukulayan ang pattern, at saka niya bibilangin at kukulayan sa tela. Mahabang proseso. Hiwalay pa dun yung actual na pagtahi. Kaya nung sinabi niyang subukan ko, ang yabang ko. Akala ko kaya ko na. Akala ko madali lang. Hindi pala.
Hindi ko alam kung saan ko sisimulan. Hindi ko rin alam ang teknik. Kapag kasi hindi mo inaayos yung paghila sa sinulid, maaaring bumukol sa tela. May malagpasan ka lang na box, uulitin mo yung hilera. O kung sumobra o magkulang ka sa isang cross, mag-iiba ang itsura ng pattern mo. Ang maayos ko lang yatang nagawa ay yung pagbuhol. Suko ako e. Hindi yata para sa akin ang pagtatahi. Sapat na sa akin na ang trabaho ko kay Mama ay tagalusot ng sinulid sa karayom.
Dahil housewife si Mama, buong buhay yata niya ay nag-cross-stitch lang siya. Kapag tapos niya na kaming asikasuhin, ayun siguro ang ginagawa niyang pahinga. Pinakita niya pa sa akin yung una niyang ginawa, nasa maliit na aida cloth yung batang nakasakay sa bangka tapos may nakalagay na Ansherina sa ilalim. Hanggang sa parami nang parami yung kulay, palaki nang palaki, at pahirap nang pahirap yung kinokopyahan niya.
Pero matagal nang tumigil si Mama, sa dami naming magkakapatid e baka hindi niya na naasikaso. Nakatago lang yung mga ginawa niya. Nung nagsimula yung quarantine, nung may nakuha siyang ayuda, nilabas niya lahat ng natapos niyang tinahi. Binilhan niya ng tig-iisang frame ang gawa niya, saka niya isinabit sa mga blangkong espasyo ng pader namin.
No comments:
Post a Comment