Saturday, March 6, 2021

Sino ba kasing Nagsabing sa Kusina lang dapat ang mga Babae?

 Wala akong alam na gawaing bahay. Tuwing may ginagawa ako, palagi akong nagkakamali. Kaya minsan nanunuod na lang ako sa mga kapatid kong kumikilos dito. Hindi na nila ako pinaglilinis at pinaghuhugas kasi ang sabi nila, graduate na ako doon. Syempre panganay, kailangan mong hintaying lumaki yung mga nakakabatang kapatid para ipasa sa kanila yung dati mong ginagawa.

Ang pansin ko lang, kapag tinatamad si Mama na magluto, si Buninay at Maria ang inuutusan niyang mag-prepare ng ulam namin, na kahit kelan hindi niya pinagawa sa akin. Siguro, nadalá na si Mama. Tuwing ako yung pinag-iikot niya ng pritong isda e nadudurog, nawawasak. Kaya kapag ilalapag na sa mesa, nagmumukhang giniling. Hindi naman kasi ako marunong magluto. Kahit yung simpleng adobo, sinigang, o nilaga.

Kapag nagsasaing ako, minsan latâ, minsan tuyô. Sinusunod ko naman yung instructions na binigay sa akin. Yun na nga lang maiaambag ko, madalas pa akong talakan ni Mama. Magugulat na lang kaming nangangamoy sunog na, nawawala kasi minsan sa isip ko na may sinalang pala ako. Pagbukas ng kaldero, itim na yung kanin. Sa sobrang takot kong mapagalitan, minsan pinapatay ko kaagad yung rice cooker, kaya nakakapaghain ako ng hilaw.

Kahit yung pinakamadaling lutuin, hindi ko kaya. Nakapagprito rin naman ako ng hotdog at itlog, pero bakit hindi kasinglasa ng mga binebenta sa labas? Sinubukan ko ring magluto ng noodles at pancit canton, bakit hindi katulad nung mga nasa canteen? Kaya siguro sarap na sarap ako sa mga simpleng ulam na mabibili sa labas kasi ako mismo hindi yun kayang gawin.

Buti na lang may boyfriend akong masarap magluto. Kaya naiinis ako kapag kinukumpara ako sa kanya. 

Sasabihin nila, "Kababae mong tao, ikaw dapat yung nagluluto."

Sino ba kasing nagsabing babae dapat ang nagluluto at lalaki ang pinaghahainan? Sinong nagtakda na dapat sa kusina lang yung mga babae?

Hindi naman dapat sinusukat ang babae sa kanyang pagluluto, paghuhugas, at paglalaba. Kaya rin naman naming magmartilyo, maglagari, magbarena, magpalit ng bumbilya, magtrabaho, maging malakas.

E ano kung kababae naming tao? Babae kami at kaya rin naming gawin ang ginagawa ng mga lalaki.


*Ang picture ay isa sa mga gawa kong cake, not cooking related



No comments:

Post a Comment

Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...