Sunday, March 7, 2021

Si Buloy at ang Sapatos na de-Gulong

 Kung meron siguro akong ikukuwento tungkol kay Buloy, ito yun. Nung bata kami, hiniram niya minsan sa akin yung rubber shoes kong may gulong. Ito yung pipindutin mo lang yung button sa gilid ng sapatos e may lalabas na mga gulong.

Minsan lang talaga kami magkasundo. Mas madalas kaming mag-agawan ng trumpo, text, at beyblade. Alam niyo na, kahit maliliit na bagay pinag-aawayan ng magkapatid. Kaya nagulat ako nung niyaya niya akong maglaro sa labas para turuan siyang magbalanse sa sapatos na yun. Sa street lang namin kami nagpapraktis. Nung una, hawak-hawak ko pa siya para hindi siya matumba. Lumipat ako sa likod niya para itulak naman siya. At nang matuto siya, nasa gilid na lang ako, nakaabang baka sakaling bumagsak siya.

Dahil marunong na siya, tumakbo ako palayo. Tinignan ko kung kaya niya na akong habulin. Pero iba yung nangyari. May batang lalaki sa likod niya. Pinagbabato kami ng graba. Hindi ako natamaan dahil nasa malayo ako. Si Buloy, oo. Hindi siya nakatakbo dahil sa taranta, o kahit nakaiwas. Lumapit ako, hinarangan ko siya para hindi mabato. Sinubukan kong awatin yung bata pero hindi pa rin siya tumigil. Kahit sumisigaw na ako. Umiiyak na rin ako. Hanggang sa may mga tumamang matutulis na bato sa ulo ni Buloy. Bumukol at nagdugo. Nung umiyak na yung kapatid ko, pumasok yung bata sa loob ng bahay nila.

Hindi ako mapakali nun. Kasalanan ko. Kung hindi ko lang siya tinakbuhan. Dapat hindi ko na lang siya pinahiram. O tinuruan. Ako na naman ang papagalitan nina Mama at Papa, ako yung Ate pero wala akong nagawa. Takot na takot ako habang hila-hila ko siya hanggang sa bahay. Kinaya naming makauwi.

-

Ngayon, hindi ko alam kung nasaan si Buloy. Matagal na siyang umalis dito sa amin. Matagal na nung huli namin siyang nakita at nakausap. May sarili na siyang buhay. Madaya, tumakbo din siya palayo.

Kung pwede lang sigurong ibalik yung panahong laruan lang ang pinag-aawayan namin. Ako pa rin naman ito, yung Ate na nakaabang baka sakaling bumagsak siya.

-

Sana kayanin mo pa ring makauwi dito.





No comments:

Post a Comment

Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...