Ito ang dahilan kung bakit kailangan pang mas maging malakas at matapang ng mga babae. Walang sinisino ang rehimeng ito. Hindi babae ang tingin nila sa atin, hindi tao. Kundi mga bagay lang. Palamuti.
Kanina, binalitang sinabuyan ng ihi ang mga babaeng nagprotesta sa Naga para ipagdiwang ang Pandaigidigang Araw ng Kababaihan. Mga bastos. Mga baboy. Wala sa diksyonaryo nila ang paggalang. Kahit sa mismong araw ng mga babae, pinairal ang kahayupan.
Kanino pa ba magmamana?
Baka nakakalimutan natin kung sino ang nagsabi nito, "Barilin na sila sa kanilang mga puki dahil kung wala silang puki, wala na silang silbi."
Kung sino pa ang inaasahang mag-iingat at magpoprotekta dapat sa atin ay sila pa itong nananamantala at nandadahas. Ginagamit nila ang kapangyarihan para mang-abuso at pumatay.
Kahit ano pang pananakot nila ay hindi kami padadaig. Mananatiling amin ang mga aming puki. Ipaligo niyo sa budhi niyo ang sarili niyong mga panghi. Hindi niyo alam ang kaya naming gawin.
May malaki kaming tungkulin sa bayang ito. Hindi kami mga palamuti lamang dahil kami ay may kanya-kanyang pangalan at sariling kadakilaan. Mananatili kaming lalaban hangga't mayroong inaapi sa aming mga hanay. Hindi kami naririto upang magpaligsahan at magpagalingan. Magsasama-sama kami upang palakasin pa ang isa't isa. Boses din kami ng mga taong walang kakayahang magsalita. Tagapagsiwalat ng katotohanan. Wawakasan namin ang patriyarkal-macho-pasistang lipunang ito. At magluluwal pa kami ng mas maraming anak ng bayan.
No comments:
Post a Comment