Itinayo ko ang sarili. Puno ng dugo at putik yung siko, tuhod, at tagiliran ko. Kung minamalas nga naman, hindi ko na nga nabalanse ang katawan, tumilapon pa ako sa medyo baha na gutter. Nakatingin sa akin lahat ng taong sakay ng mga jeep na nagdaraan, may ibang nagulat, nagtaka, tumawa. Sa isip-isip siguro ng mga iyon, tatanga-tanga ako dahil nalaglag ako sa sinasakyan ko. Pinagpag ko lang ang mga dumi at saka naglakad. Wala akong pakialam kung nakatingin sa akin lahat ng mga estudyanteng nakakasalubong. Ang naiisip ko lang ng oras na iyon, pinaghandaan ko ang quiz bee, pero hindi ang sitwasyong ito.
Nung may nakita akong guard na naka-duty, nakiusap ako kung pwede bang makihugas. Tinanong niya ako kung anong nangyari. Hindi ko alam yung isasagot ko. Hindi naman yun ang inaasahan kong tanong. Hindi kasama yun sa nirebyu ko. Kaya ang sinabi ko na lang, tumalon ako sa jeep dahil hinoldap kami. Nataranta siya sa narinig niya. Pinahiram niya ako ng extra t-shirt. Inabót niya rin sa akin yung cellphone niya para tawagan ko raw yung Mama ko. Tumawag na rin siya ng mga pulis.
Nasa loob ako ng sasakyan ng pulis. Marami-rami din silang tanong pero pagod na akong sumagot dahil baka mawala sa utak ko yung mga inaral kong sagot para sa quiz bee. Dinala nila ako sa presinto para magpa-blotter. Hindi ko naman na kailangan non, kako. Ang kailangan ko ay makapunta sa school dahil may laban pa ako. Hinatid nila ako hanggang PUP pero hindi sa venue ng contest, sa university clinic.
Sunod-sunod yung tanong ng mga nurse at doctor sa clinic kung anong nangyari sa akin habang fine-first aid nila ako. Akala nila nung una sinaksak ako sa tagiliran. Lumilipad na yung isip ko nang sandaling iyon. Nanghihinayang ako sa lahat ng inaral ko dahil hindi na nila ako pinapunta sa quiz bee. Sayang dahil hindi ako nakalaban. Pero parang nakalaban na rin, dahil nakakota ako sa dami ng mga tinanong sa akin tungkol sa nangyari.
Ginawan na nila ako ng endorsement sa ospital. Kailangan ko raw magpa-medical. Wag raw akong manghinayang sa laban na hindi natuloy, mas manghinayang daw ako kung may mangyaring masama sa akin. Magpahinga na lang daw ako at hintayin si Papa na dumating. Sa emergency room ako dinala. Akala naman nila, nahulog ako sa jeep habang tulog. Iisa lang din ang tanong nila sa akin ng mga nasa ospital, kung anong nangyari. Kung nasa quiz bee ako, malamang ay perfect na ako.
Sinisisi ko ba yung guard, mga pulis, mga nurse at doktor dahil hindi ako natuloy yung laban ko sa quiz bee? Hindi. Tumulong lang naman sila. Sabi nila, sana raw hindi na lang daw ako tumalon. Aanhin ko naman daw yung laptop, camera, phone, at pera kung nabagok o nasagasaan ako.
Sinisisi ko ba yung mga holdaper? Hindi. Tama ba yung ginawa nila? Hindi rin. Kung isasalang sila sa quiz bee, alam nilang mali yun, yun nga lang, baka kasi wala namang binigay sa kanilang choices. Kaya yun lang ang naging sagot nila.
Sinisisi ko ba yung sarili ko? Kung hindi lang ako nag-inarte sa pagsakay? O kung hindi ko inagahan? O kung hindi ko na pinilit sarili kong makaupo sa unahan? Hindi. Pinili ko naman yun. Kung tatanungin ulit ako kung gagawin ko ulit yung pagtalon sa jeep, siguro oo. Baka kasi yun talaga ang sagot sa pagkakataong iyon. Yung hindi pinaghandaan. Yung hindi nirebyu. Kahit alam kong mali. Hindi ko na hinintay pang tumunog ang buzzer. Iniangat ko agad ang board. Naging sigurado ako sa sagot nang hindi pinag-isipan kung maaari ko bang ikamatay yon. Pressured naman tayo palagi tuwing sumasagot. Natataranta. Minsan hindi naman kailangang palaging tama yung sagot lalo na sa mga biglaang sitwasyon.
No comments:
Post a Comment