Sa Gitna ng Daan
Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang,
nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw.
Sa akin ay maraming iniutos ang kanilang bibig
habang pilit nagpupumiglas ang aking mga bisig.
Naririnig ang bawat bulong ng hawak nilang mga baril
nakikiusap sa mga balang mamaya’y yayakap sa akin.
Dumanak ang dugo’t unti-unting bumibitaw sa pinanghahawakang
pangarap.
Tama na po.
May test pa ako bukas,
Bawal po akong bumagsak –
sa gitna ng daan.
Totoy, Bilisan Mo
Kapag ilalatag ang palad sa kalye,
‘di makabibili kahit isang mamon.
Sa halip na ipunin dyaryo at bote,
kayang punuin ng gamit ang kariton –
mula sa bulsa, bag, pitaka ng iba.
Makikita ka, pipituhan ng pulis.
Nakakulong sa kamay ang mga barya,
tatakbo ka’t mauubusan ng bilis.
Kinuyog sa tapat ng Simbahang Quiapo,
“Nais lang matustusan pagkalam ng tyan.
Mamang Pulis, ‘sensya na po. ‘Wag po. ‘Wag po.
Hindi ko po pangarap maging tulisan.”
Posas ang nagsisilbing kanyang alahas,
nais na tahanan – bato, hindi rehas.
Ang mga Barya ni Bea
Palaging sabik si Bea na magsimba.
Kasama niya ang kanyang Mama at Papa.
Isang gabi bago sila pumunta sa simbahan,
Kinuha ni Bea ang alkansya ng kanyang magulang.
Hinulog niya doon ang marami niyang barya.
At nagdasal, “Lord sana po hindi na mahirapan sina Mama at Papa.”
Kaya palaging sabik si Bea na magsimba.
Kasama niya ang
kanyang Mama at Papa.
Sila man ay palaging kapos
Pero hindi nila nakakalimutang magpasalamat sa Diyos.
Habang nakikinig sa pari, inabutan siya ng Mama at Papa niya
ng pera.
Ihulog daw sa basket para matupad ang mga dasal niya.
Hindi niya alam kung saan niya ihuhulog ang barya.
Sa basket ba o sa kanyang bulsa? Nalilito siya.
Ang dasal lang naman niya ay sana hindi na mahirapan ang
kanyang Mama at Papa.
Hindi niya hinulog sa basket ang mga barya.
Ang pera na nilalagay niya sa alkansya ay ang barya na dinideretso
niya sa kanyang bulsa.
Kaya palaging sabik si Bea na magsimba.
Home - DMCI (dmcicorpsales.com) |
SBA - Saranggola Blog Awards |
Home - Cultural Center of the Philippines |