Nung nagsimula yung lockdown, nakikita ko sa ilang mga co-teacher ko na may mga pinapagawa na sila sa mga estudyante nila sa online. Ako, nagpagawa lang ako ng groupchat sa messenger. Para doon ako mag-a-update kung paano ang magiging sistema ng school. Atleast kahit papaano ay pwedeng freedata sa messenger. Na mayroon pa rin kaming koneksyon kahit wala kaming mga load.
Wala akong pinagawa sa mga estudyante ko na performance tasks at written works. Ang hiningi ko lang sa kanila ay yung requirements nila sa akin bago kami mawalan ng pasok. Ginamit ko lang yung messenger para i-announce sa kanila kung sino na yung mga nakakumpleto. Nangangapa pa ako kung paano kokolektahin ang mga bagay-bagay sa online at paano gagawin ang tambak na paperworks nang nakaharap lang sa computer.
Dahil nga wala akong pinagawa sa mga estudyante ko, nagulat na lang ako na yung isa kong co-teacher nasa loob na ng GC ng mga section na hawak ko. Baka pinakiusapan siya. Nag-iwan ng activities na kailangang ipasa sa binigay na petsa. May ilan ang nagpasa, pero mas maraming nag-chat sa akin ng:
“Ma’am, pwede po bang late magpasa dahil madaling araw lang po kasi mabilis yung data ko.”
“Ma’am, hindi na po kasi ako makapasok sa link. Pwede po bang sa inyo na lang i-send?”
“Ma’am, paano po yung mga hindi nakapagpasa?”
“Ma’am, babagsak po ba ako dahil hindi po kasi ako maka-online?”
Iisa lang naman ang mga daing namin. Pare-pareho ng mga pangamba. Wala kami ng mga materyal na kinakailangan para mairaos ang school year na ito.
Tatlong beses akong pinuntahan sa bahay ng admins para ipatapos sa akin yung trabaho ko. Kasagsagan ng total lockdown kung saan bawal bumisita at pumunta kahit saan, nang tatlong beses nila akong gulatin na nandyan na sila sa tapat ng bahay namin. Noong una, coor ko lang. Nung pangalawa, kasama ng coor ko ang principal. Nung pangatlo, kasama ng principal yung prefect of discipline namin. Hiyang-hiya ako sa mga magulang ko at sa mga kapatid ko, dahil hindi ko naman kailangan pang dalawin pa para lang tapusin ang naiwang trabaho. Ang nasa isip ko pa nun, kahit kailan ay hindi ako pinuntahan ng teacher ko nung nag-aaral pa ako tapos ngayong nagtatrabaho na ako saka pa ako na-home visit.
Tinanong nila ako bakit hindi ko raw magawa-gawa, isang lang naman ang sagot ko sa utak ko, wala akong mabilis na internet at wala akong magandang laptop. Hindi ko naman na kailangan pang sabihin sa kanila. Dahil kung nakakaintindi sila ay sa umpisa palang nauunawaan na nilang nasa krisis tayo. Lahat naman tayo nasa adjustment period pa lang. Paunti-unti, natapos ko naman lahat ng pinagawa nila at naipasa ko na rin sa kanila kahit pa hindi nila ako pinasahod sa huling cut-off ko.
Hindi naman ako umalis sa school dahil nag-apply ako sa ibang school. Gusto ko lang magpahinga. Gusto ko lang ng mapayapa. Gusto ko na makatulog nang mahimbing. Sa dami ng umalis, bakit parang naramdaman ko na ako lang yung hinabol nang ganito?
No comments:
Post a Comment