Nagtanggalan ng teacher sa dating school na pinagtuturuan ko. Hindi lang pala teachers, pati mga maintenance. Nagbawas sila ng mga empleyado. Ang sabi, konti lang daw ang mawawalang faculty dahil mas madaling tanggalin ang mga janitor kasi nga hindi naman daw nagtuturo. Hindi ko alam kung bakit pa kailangang sabihin yun. Pampalubag-loob? Kahit kailan ay hindi ko tatanawing utang na loob iyon. Dahil sa totoo lang, parehong mababa ang tingin nila sa janitors at teachers. Bihira lang ang institusyong mayroong pagpapahalaga sa mga empleyado nila. Hindi ko maipinta yung mga mukha ng co-teachers ko nang sandaling iyon. Nakakunot ang mga noo, bakas ang inis at pangamba. Mga nakatikom yung mga labi pero maraming gustong sabihin. Nagtitinginan lang kami. Mga mata lang namin ang nag-uusap. Walang nagtaas ng kamay. Walang tumayo. Walang gustong kumontra dahil baka kung sino ang magsalita ay siya ang mauuna. Ang tanging nagawa lang namin ay makinig. Ganun naman ang mga may pwesto sa taas, ang gusto lang nila ay makinig tayo pero kahit kailan naman hindi nila tayo pinakinggan.
Ang dahilan ng tanggalan, konti lang ang nag-enroll. Malaki ang nawalang estudyante kaya malaki rin daw ang lugi. Kalagitnaan ng June sinabi sa amin yun habang may inset kami. June na pero inset palang namin. Sana sinabi nila nang maaga para nakapaghanap-hanap na ako ng pwedeng apply-an. Paano naman ako makakakita ng bagong pagtuturuan kung lahat ng school nagsimula na? Kaya lahat kami nabigla sa announcement. Sino namang hindi mawiwindang? Baka isa sa mga katabi ko ang mawala o baka ako mismo ang alisin.
Dapat daw tanggalin na yung maraming late, pala-absent, at yung hindi magaling magturo. Hindi na raw kailangan ng school yung mga ganun. Tatanggalin ka na, pinagsalitaan ka pa. Parang basura lang ang tingin sa mga guard, canteen staff, janitor, at teacher, itatapon na lang kapag hindi na kailangan. Hindi nila alam na yung mga lakas ng mga manggagawa ang nagpapayaman sa kanila. Nakayuko lang ako habang pinapakinggan yung sermon. Ang alam ko ay nasa inset ako, nandito ang mga guro para ma-develop kami, hindi para dautin ang propesyon namin. Sinisisi nila ang kakayahan ng teachers kung bakit maraming estudyanteng hindi na nag-enroll sa school namin. Hindi nila alam na maraming nawalang estudyante dahil taon-taon tumataas ang tuition.
Sa Filipino Department ang maraming tinanggal, tatlo. Sa lima o anim na nawalang faculty, kalahati ang mula sa kagawaran namin. Patlang ang mga mukha ng co-teachers ko. Lahat kaming naiwan hindi nagpasalamat na hindi kami inalis. Wala ni isa sa amin ang may gusto sa nangyari. Nakita ko yung tatlo kong kaibigan sa CR. Umiiyak. Wala akong binigkas na kahit anong salita, pinili kong manahimik na lang kaysa mali pa ang masabi. Hindi ko pwedeng sabihing ayos lang yan, o hayaan niyo na, dahil may mga pamilyang umaasa sa kanila. May mga kapatid o mga anak na magugutom sa mga susunod na buwan. Mga yakap lang ang kaya kong ialok. At alam kong wala namang silbi yun para sa kanila sa oras na iyon.
Wala akong nasagot sa tanong nilang, bakit kami ang tinanggal? Sa dami nga naman namin, bakit sila pa? O bakit kasi kailangan pang may alisin? Wala naman yatang iniwang sagot sa kanila ang admin. Sa dalawa lang ako sigurado: dahil Filipino subject lang naman o baka Filipino teacher lang. Palaging karugtong ng Filipino ang salitang “lang”. Kasi nga ito lang daw kami.
Baka pwede silang magturo ng ibang subject, sabi ko sa coor ko. Para dito pa rin sila. Bakit hindi sila bigyan ng PE (Physical Education), MIL (Media and Information Literacy) o FCL (Filipino Christian Living)? Baka kaya naming ituro yan sa wikang Filipino. Kaso, ang sabi sa akin, hindi raw yun pwede. Dapat daw ang hawak nila ay major nila. Ang pinagtataka ko ay, bakit noong mga nakaraang taon, pinagtuturo nila ng Filipino subject ang hindi naman Filipino major? Ganoon ba yun, hindi pwedeng magturo ng kahit anong subject ang Filipino teacher pero kayang ituro ang Filipino ng kahit sinong teacher? Maliit ba talaga ang espasyo sa paaralan ng asignaturang Filipino at ng mga guro sa Filipino?
Tatlong taon din ako sa Senior High bago ako tuluyang mapagod. Madaling iwasto yung mga batang makukulit dahil yun naman ang trabaho ko, pero mahirap ituwid ang sistema. Nagtanggal sila ng mga empleyado tapos ibabato nila sa mga natirang teacher ang dapat teaching load ng mga inalis. Palagi nila kaming sinisilaw sa mga katagang, may bayad naman yan. Aanhin naman namin ang pera kung unti-unti na kaming namamatay. Sinubukan ko namang humindi. Hindi ko naman yata kayang magtiis sa lugar kung saan masama ang magpaliwanag at mali ang tumanggi. Wala naman akong nagawa. Yung pasok ko, 7am hanggang 6pm, meron akong walong section na hawak, 50 students sa isang klasrum, meron akong dalawang class advisory. Ginawa nila akong coor ng community service na hindi ko naman na nagawa. Oo nga naman, mas makakatipid sila na magdagdag lang ng sahod kaysa magbayad ng bagong basic salary. Tapos sasabihin ng iba na, bakit yung iba kaya, ikaw hindi? Hindi naman kami pare-pareho ng lakas. Hiwalay pa dyan yung mga paperworks na pinapagawa, na mas niraranggo nila ang teacher ayon sa bilis at dami ng mga natatapos na papel kaysa sa kanyang pagtuturo.
Dati, hinahabol ko yung perfect attendance at ang hindi ma-late, pero ngayon, ang hinahabol ko na lang ay pahinga. Gusto ko na lang magpahinga. Nakakatawang isiping kapag late, may kaltas. Pero kapag overtime, thank you lang. Kaya tuwing sahod, automatic na may bawas na yun, pero yung ilang buwan naming sub at overload wala pa rin. Kay bilis nilang magkaltas, kay tagal nilang magdagdag. Kaya kapag may half day ako, talagang umuuwi agad ako. Dahil gusto ko ring magpahinga. Makabawi man lang sa sarili.
Saludo ako ngayon at nagpupugay sa mga kaibigan at kasamahan ko doon dahil marunong silang makinig. E kailan naman kaya sila papakinggan?
No comments:
Post a Comment