Hindi ko naman talaga gustong maging teacher. Kahit ilang beses pang sinabi sa akin ng mga tito at tita ko na magiging teacher daw ako paglaki. Sigurado na sila. Na nakikitaan daw nila ako. Kaya ko raw magpasunod ng mga bata. Pero, hindi ko talaga gustong maging teacher. Siguro dahil marami na akong naririnig na kuwento kina Papa at sa mga kapatid niya tungkol sa pagiging teacher ng Lola ko sa Masbate.
Hindi raw nag-i-stay si Lola sa bahay nila, hindi ako sigurado kung sa bayan ba siya nagtuturo o sa liblib na lugar. Iniiwan daw sila kahit bata pa sila. Umuuwi lang daw si Lola tuwing weekend. Iisa lang ang kuwento ng mga tito at tita ko, na nasasabik sila kapag umuuwi si Lola. Hindi ko alam kung saan sila nasasabik, sa yakap ng isang ina o sa kartong may lamang pancit kanton at mga de-lata na dala-dala ni Lola para may makain sila sa buong linggo. Yun lang daw kasi yung inaasahan nila para hindi magutom. Masuwerte na raw kung may dalang karton, dahil minsan daw, wala.
May araw na umuwi si Lola. Atat na atat silang buksan yung karton. Lahat sila nakapalibot. Pagtanggal ng takip, sanggol yung nasa loob. Bangkay ng bunso nilang kapatid. May karton din palang hindi nakakasabik. Mga ilang linggo rin siguro silang hindi nakaramdam ng gutom.
Dahil bata pa ako noon nang marinig yung paulit-ulit nilang kuwento, pwede kong itanong na, bakit hindi na lang iniwan sa magkakapatid yung baby? Bakit kailangan pang isama? At saka, pwede namang hindi muna magturo si Lola dahil kakapanganak lang ‘di ba? Na ako rin naman ang nakasagot sa mga tanong ko, dahil walang magpapadede, walang mag-aalaga nang maayos, at kapag titigil sa trabaho ay may sandosenang anak na kakalam ang sikmura. Kalunos-lunos sa isang nanay na mawalay ulit sa huling anak. Kaya ayokong maging teacher dahil mabigat pala yung responsibilidad. Isa kang ina na piniling malayô sa mga anak para magpakaina sa loob ng paaralan.
Nagkapamilya na at nagkaanak yung mga anak ni Lola, teacher pa rin siya. Nung lumipat sila dito sa Maynila, palagi niya akong sinasama sa pinagtuturuan niya sa Parañaque. Grade 2 ako nang first time kong makatuntong sa public school. Masikip yung klasrum, sira-sira yung mesa at upuan, hindi gumagana yung electric fan. Sumisingaw ang asim, nakaririnding sigawan, masakit sa tenga ang tunog ng dumadaang eroplano, may tumatakbo sa harap, may nagbabato ng chalk, may umiiyak sa sulok, may nakatuntong sa mesa, mga batang isiniksik sa maliit na silid. Mga estudyanteng sabik sa kahon ng karunungan.
Paano nga ba maging ina sa lagpas pa sa sandosena?
No comments:
Post a Comment