Sunday, February 14, 2021

Nang dahil sa Drumsticks

 Mautak lang siguro talaga si Rommel para itago yung drumsticks ko. Sabay kaming pumunta sa event. Galing ako sa rehearsal kaya dala ko yung drumsticks. Ang sabi niya, ilalagay niya na muna sa bag niya para hindi ko yun hawak-hawak. Pumayag naman ako para hindi na rin ako mahirapang magbitbit.

Maraming beses ko namang ni-remind sa kanya na kukunin ko yung drumsticks. Pero ang sabi niya kapag bababa na ako sa sinasakyan namin. Hanggang sa nakalimutan ko nang kunin sa kanya.

"Naiwan ko yung drumsticks ko. Gagamitin ko yun sa susunod na araw."

"Ibibigay ko bukas."

"Hala, paano?"

"Kita na lang tayo."

Pumunta ako. Akala ko iaabot niya lang yung gamit ko. Nagulat ako dahil niyaya niya akong kumain sa labas. Sabi ko, sige. May magagawa ba ako? Nandun na ako. Sa sobrang mahiyain ko, hindi ako marunong humindi. Feeling ko kasi nakaka-offend ang tumanggi.

Binigyan niya ako ng maraming libro. Basahin ko raw. Ang daldal niya. Nguya lang ako nang nguya habang nakikinig sa kanya. Ang dami niyang gustong ikuwento at i-share sa akin. Actually, hindi ko alam kung paano ako dapat mag-react sa kanya. Buti na lang masarap yung burger at fries.

"May pumoporma ba sa 'yo?" biglang tanong niya sa akin. Hindi ako prepared. Nalunok ko lahat ng kinakain ko.

Hindi ko naman siya type dati. Kuya ko lang talaga siya. Mataas yung respeto ko sa kanya. Tinitingala ko siya gaya ng mga estudyante niya at ng mga kaibigan namin. Kaya napatigil talaga ako. Hindi ko kasi alam kung saan nanggagaling yung ganung klaseng tanong. Pahiwatig ba yun? May patutunguhan ba 'to? Wala naman talaga dapat ako sa lugar na yun nang oras na yun. Ako yung tipo na kapag niyaya sa labas e hindi sumasama. Nagkataon lang na may kukunin ako sa kanya.

At maraming beses pa kaming nagkita at nagkasama, hindi dahil kumain ulit kami sa labas. Kundi, nagkakataon na pareho kaming speaker sa mga seminar/workshop, at nagkakasabay sa line up. Oo, ang kulit-kulit niya. Pero darating din pala ako sa puntong pagbubuksan ko ng pinto ang kumakatok na pag-ibig.

Sabi sa akin ni Rommel, nagpapasalamat talaga siya sa drumsticks ko. Ibang klase no? May nahahanap tayo sa mga bagay na nawawala.

Happy Valentine's Day, kahit araw-araw naman tayong umiibig.



No comments:

Post a Comment

Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...