Mahirap naman kasi talagang kabisaduhin ang mga mukha ng mga estudyante lalo na yung mga pangalan nila. Sa apat na daang bata ba naman yung hawak mo, yung iba dyan magkakamukha pa. Minsan, napagbabaliktad ko pa yan. May panahon pang magtatawag ako sa klase, nakailang ulit na ako wala pa ring sumasagot. Yun pala yung binanggit kong pangalan ay taga-kabilang section. Masarap din magpalamon sa lupa kapag ganung pagkakataon. Sinusubukan ko rin namang huwag tumingin sa class record pero ayoko nang magkamali. Idagdag mo pang may lalapit na bata sa akin para magpaalam.
Sasabihin kong "Walang problema. Magpaalam ka sa adviser mo." Tapos sasagot yung bata ng "Ma'am, ikaw po yung adviser ko."
O 'di ba? Aminado naman akong mahina talaga akong magkabisa ng pangalan at itsura pero marami naman na akong kilala. Bawat mag-aaral, may tatak. Kilala ko kung sino yung laging maaga, laging late, mga maingay, at mga tahimik. Markado bawat isa.
Kaya kung sasabihin mo sa sarili mong hindi ka naman kilala nina mam at ser, nagkakamali ka. Kilala ka nila. Ikaw ba, paano ka nagpakilala sa kanila? Sa pagiging mahusay o sa pagiging pasaway?
No comments:
Post a Comment