Ito na naman. Hindi tayo makatulog. Oras na ng pahinga pero napapagod tayo. Nakatitig lang tayo sa dilim, hinahanap ang kaliwanagan kung bakit tayo humantong dito.
"Ayoko na."
"Bakit?"
Sabay tayong magbubuntong-hininga. Pag-uusapan ang ayaw haraping problema, saka tatalikod. Ang lapit natin sa isa’t isa ngunit pinaglalayo tayo ng sama ng loob. Kahit mismong tayo, hindi matukoy kung bakit tayo nagkaganito.
"Ayoko na e."
"Kung dyan ka masaya."
Alam natin kelangan nang bumitaw kapag mabigat na. Nanahimik tayo pareho. Pinakikiramdaman ang mga ingay natin sa loob. Maya-maya ay may unti-unti nang sasabog.
"Talaga? Pumapayag ka na?"
"May magagawa ba ako?"
Bumibilis ang oras habang pabagal nang pabagal ang pag-uusap natin. Humihina ang mga iyak habang lumalakas ang mga tinig ng panunumbat. Wala nang preno sa mga binibitawang salita. Sa pagkakataong ito, lilitaw pa rin ang pag-ibig.
"Ayoko na."
"Pero ayoko. Tapos."
Ayos naman tayo. Umabot tayo dito nang wala naman talagang problema. Baka napapagod lang tayo sa mga nasa paligid natin. Kaya pinainit ng mga yakap natin ang malamig na espasyo. Tulog na tayo mahal ko, ang kailangan lang naman talaga natin ay magpahinga sa isa’t isa.
No comments:
Post a Comment