Nakaka-miss bumyahe, sumakay sa jeep. Ilang taon na rin palang nakakalipas. Naalala ko itong senaryo na 'to.
Palagi akong nabubuwiset sa mga tao kapag nasa byahe. Sila ang sinisisi ko kapag naiirita ako sa oras. Maaga naman akong umaalis pero palagi akong nagmamadali. Kung meron lang sanang makapagbibigay ng solusyon sa trapik, tatanawin kong utang na loob, hindi lang ako, lahat ng tao.
Maarte ako sa pagpili ng jeep na sasakyan ko. Ayoko sa masikip. Ayoko sa hindi pinapasukan ng hangin. Ang gusto ko, yung komportable ako. Na kahit sa byahe man lang, hindi ako alipin. Sa likod ng drayber ang paborito kong pwesto. Doon ako sasandal saka iidlip. Para makapagpahinga.
“Bayad po.” May narinig akong boses sa malayo. Sa dulo ng jeep. Sa malapit sa babaan. Magkalayo kami. Dalawa lang kaming pasahero. Anong gagawin ko? Nakita niyang wala nang ibang tao maliban sa amin. Tumingin ako sa paligid. Baka kasi namamalik-mata lang ako. At baka sakaling umatras ang braso niya at mahiyang makisuyo. Pero hindi. Natalo ako. Edi ako, isang split para makuha ang bayad niya. At isa pang split para maiabot sa drayber ang barya. Habang siya, nakangisi, padungaw-dungaw na lang sa bintana. Sa sobrang arte ko, nasobrahan yata sa luwag itong jeep, hindi ako naging komportable.
Si Manong Drayber, chill lang. Mabagal ang andar. Pakarag-karag. Parang namamasyal sa kalsada. Lahat ng subdivision, hihintuan. Hindi lang pala basta hihinto, tatambay. Dalawa palang kasi kaming pasahero niya kanina, kailangan niyang punuin. At ako, punong-puno na.
“Manong, hindi na kasya. Hindi pa ba tayo aalis?” iritang sabi ko pero tinignan niya lang ako. Ang ginawa niya, inandar naman niya. Kaso lumiko sa gasolinahan. Kung hindi ba naman nang-aasar. Nagawa pang bumili ng kendi at nakipagdaldalan sa takatak boy. Sabagay, wala naman itong pakialam sa oras. Ang trabaho lang naman niya ay bumyahe, magsakay ng pasahero, kumita ng pera at hindi magmadali para maihatid kami sa mga pupuntahan namin.
Alam ko namang late na ako. Naipit na kami sa matinding trapik. Ngayong oras pa kasi nila napiling maglagay ng aspalto sa daan. Meron namang gabi, merong madaling araw, merong tanghali, merong hapon. Maraming oras para gawin iyon, pero alam kong hindi ito ang perpektong oras sa pag-aaspalto. Lahat ng mga manggagawa, ito ang oras ng pagpasok; lahat ng estudyante, ganitong oras pumapasok. Hindi ba nila iniisip na mas marami kami kaysa kanila? O baka ako lang din ang hindi nag-iisip? Na ang oras na iyon ang simula ng trabaho nila? Na nagtatrabaho lang din sila. At baka sabihin nila sakin, bakit hindi ka pumasok nang gabi? O madaling araw? Tanghali? Hapon? Oo nga, pare-pareho lang pala kaming alipin. Wala kaming choice, kundi magpaalipin.
Habang naghihintay ng pag-usad, ito ako tagaabot ng bayad at sukli ng mga pasahero. Pinili kong umupo sa likod ng drayber, kaya dapat piliin ko rin na maging instant assistant niya. Hindi ko naman na kailangang mag-split pa para kunin ang mga barya. Ang gagawin ko lang naman, iabot. Hindi naman talaga ako nakapagpahinga. Wala pa ako sa trabaho ko, pero pagod na agad ako.
Ito na yata ang pinakamalas na araw. Tumirik pa ang jeep ni Manong. Malayo-layo pa kami. May bumaba nang dalawang pasahero para itulak ang jeep, kaso may humarang. Isang traffic enforcer. Tiniketan niya yung drayber. Kung bakit daw nagbaba ng pasahero sa hindi naman babaan. Hindi naman bumaba, nagtulak lang, sabi ng drayber.
“Kuya hindi mo pa kami nasusuklian.”
“Kukunin ko na rin po yung pera ko.”
“Ibalik mo na lang yung bayad namin.”
Kitang-kita ang pagkairita at pagmamadali ng mga pasahero. Yung braso kong kanina lang ay nag-aabot ng barya, ngayon ay nagbabalik na ng bayad.
Yung drayber at enforcer, parehong kailangang kumota. Hinayaan ko na lang silang magkotahan ng mga hanapbuhay. Parehong nagtatrabaho. Parehong alipin. Gaya ko.
Hindi naman pala nakakabuwiset ang mga tao sa byahe. Sa pagmamadali kasi ang dami nating nilalagpasan. Pero kapag binagalan, mas marami pala tayong napapansin. At isa na sa napansin ko, na hindi lang pala ako ang alipin sa mundo. Hindi lang ako ang gustong maging komportable. At hindi lang ako ang gustong makapagpahinga.
No comments:
Post a Comment