Nung bata ako, atat na atat akong tumanda. Lagi akong sinasabihang "Bata ka pa, marami ka pang kakaining bigas." Na nangangahulugang may mga bagay na 'di pa pwede o kayang gawin ng mga bata. Pero nung lumaki ako, may mga bagay din palang 'di na kaya o pwedeng gawin ng matatanda. Na hindi na ako pwedeng maglaro ng patintero't tumbang preso kasi iba na yung nilalaro ko, yung tinatakasan ko, yung buhay. Na hindi ko na pwedeng kantahin yung "Nanay at tatay..." para sundin lahat ng gusto ko. At hindi na ako pwedeng magtrick-or-treat o mamasko dahil hindi palaging may magbibigay ng pera o hindi palaging nandyan si ninong at ninang, kasi kailangan ko rin palang tumayo sa sarili kong mga paa.
Nung bata ako, marami akong paulit-ulit na tanong gaya ng mga nakakasalamuha kong mga bata. Tatanungin nila ako ng:
Ano po ba ang mauuna, itlog o manok?
Kung bakit nauunang isuot ang pants kesa brief ng mga super heroes?
Kung kamag-anak ba ni Spongebob ang mga Minions?
Kung tomboy ba ang asawa ni Marie kasi nagpa-panty?
Kung may buko ba talaga ang papaya?
O kung paano naging anak ni Mr. Krab ang balyenang si Pearl?
Ngayon, nauunawaan ko na kung bakit kahit kailan hindi sinagot ng mga magulang ko ang mga tanong ko. Marahil hindi nila alam ang sagot o marahil wala talagang sagot.
Nung bata ako, naiinggit sakin yung kaklase ko dahil may relo ako. Lagi siyang nagpapabili sa yaya niya kahit hindi siya marunong bumilang. Hindi ko alam kung bakit interesado talaga siya. Pero nung lumaki ako, nalaman kong nanlilimos pala siya ng oras sa mga magulang niya at ang relong iyon ang simbolo na sana kahit sa materyal na bagay man lang, may oras ang mga ito sa kanya.
Nung bata ako, ang tanging problema ko lang ay kung anong tsokolate ang aking bibilhin, kung ilang kendi pa ang kaya kong kainin, at kung ilan pang matatamis na sisira sa aking mga ngipin. Pero nung lumaki ako, nalaman kong hindi lahat kayang bilhin, na hindi lahat may nakakain, at higit sa lahat marami pang bagay ang nasisira, hindi lang ang mga ngipin.
Nung bata ako, lagi ko sinasabing gagalingan kong mag-aral para maraming tatak na star ang ibibigay sakin ng mga teachers ko. Dumating pa sa puntong sana permanente na lang yun parang tattoo. Dahil kung balang araw na hindi na ako magaling, atleast may star pa rin. Pero nung lumaki na ako, hindi pala talaga yun ang sukatan ng pagiging matalino at magaling. Napagtanto kong hindi pala basta-basta nakukuha ang bituin.
At ngayong nasa pagitan na ako ng "Papunta ka pa lang" at "Pabalik na ako", napagtanto kong ang mga binibigay na aral ng matatanda ay pilosopo sa mga bata at ang mga binibigay na pilosopo ng mga bata ay aral sa matatanda. Ganun pala talaga, napagtanto kong pagiging guro din pala ang pagiging bata.
*Paborito kong isinulat taong 2016, 25 years old na ako at totoo ngang nasa pagitan na ako ng "Papunta ka pa lang" at "Pabalik na ako"
No comments:
Post a Comment