Mag-proctor ang pinakaayaw ko sa lahat. Feeling ko ang bagal ng galaw ng mga kamay ng orasan. Katumbas ng isang oras ang isang araw. Parang nag-i-slowmo ang lahat tuwing exam. Ang sakit sa mata ng bawat tagpo.
Ang gagawin ko lang naman ay magbantay. Mag-iikot-ikot. Paulit-ulit na pag-iikot. Lahat na yata ng parte ng sahig natapakan ko na. Matutulala ka na lang. Maski ang isip, mag-iikot-ikot, labas sa loob ng klasrum. Maaalala ang tambak na papel, bayarin, pangarap, kasalanan, pagkukulang. Ito ang panahon para lasapin ang mga problema. Babalik ka na lang sa sarili dahil may narinig kang ingay sa gilid.
"Sinoman ang makita kong nakikipag-usap at lumilingon sa katabi ay kukuhaan ko ng papel." kahit ilang beses mo pang ipaalala pero meron pa ring matitibay na gagawin yun.
"Kung may tanong kayo, sa 'kin niyo itanong, 'wag dyan sa tabi niyo," mataas na tono ko. "Kung gusto niyong itanong yung sagot, lumapit kayo sakin, ibibigay ko." pang-aasar ko.
Sukatan lang naman ang exam kung may natutuhan sila. Yung iba, papasok sa room nang hindi nag-aral o hindi man lang nakinig sa teachers nila, parang mga mandirigmang walang dalang armas sa gyera. May iba namang sasamantalahin kapag may kakatok at hinahanap yung proctor, para silang mga buwayang nag-aagawan sa isang manok. Yung mga leeg biglang nagiging flexible pero kapag tinawag mo hindi naman magawang maiangat ang ulo o hindi makalingon. Ngayon ko nga lang nalaman yung silbi ng glass board, para kahit nakatalikod ka sa kanila, nakikita mo sa repleksyon yung mga batang nagiging giraffe o kaya naman nanghahatak ng papel ng iba. Parang gusto mo na lang pikitan.
Tahimik sa klasrum kapag exam, pero hindi payapa. Tahimik pero matinik. May mga kahulugan ang mga galaw at titig. Kapag tatayo ka sa harap at iiikot ang mga mata, parang may mga konsensyang nakaangkas sa mga estudyante, na anytime na may gawin silang hindi ayos ay may tatapik sa kanila. Pero hindi nila yun papansinin. Marami silang style para makakuha ng mga sagot. Kung nakakapag-video lang ang mga mata, baka may compilations na yung mga teachers ng #BestCheatingTechniques o #StudentsCaughtCheating tapos ia-upload sa YouTube, tapos mapapanood ng mga magulang, kapatid, kaibigan, kakilala nila. Magsu-subscribe yung mga estudyante mula sa iba't ibang schools para makapasa o makagradweyt. Aabot ng million views. Yayaman tayo sa vlogging at hindi sa teaching.
Kaya ayokong mag-proctor e. Kasi imbis na ako ang nagbabantay sa kanila, parang ako pa yung binabantayan nila: kung saan ako pupunta, kung kanino ako lilingon, at kung kelan ako yuyuko.
No comments:
Post a Comment