Tuesday, February 9, 2021

Kapag Nawalan ng Papel ang Manunulat

 Walang papel ang manunulat sa loob ng isang tahanan. Yung isa kong kapatid, masipag maglinis ng bahay. Yung isa, masipag maghugas. Yung isa, masipag maglaba. Kapag ipagmamalaki kong masipag akong magsulat, malamang ay titingin lang sila sa akin at ipapamukhang wala iyong ambag sa pamilya namin. Bakit naman wala? Pareho lang namang kumikilos ang mga kamay namin. May ginagawa. May nililikha. At kapag idadahilan ko yun, sasabihin lang sa akin nina Mama at Papa, “Gawa, hindi puro salita.”

Ako lang naman kasi itong walang naitutulong sa bahay namin. Hindi ako marunong sa mga gawaing bahay. Kapag sinabi kong ako na ang bahala, sigurado akong palpak pa. Hindi rin ako masyadong inaasahan dahil alam nilang mahina ang katawan ko, hindi ko kayang bumuhat ng mabibigat na bagay at allergic ako sa alikabok. Nakakatawang isiping akala ng iba ay dahilan ko lang yun, pero totoo yun. At sa totoo lang, may mga pagkakataon namang nagsisipag ako sa gawaing bahay, ayoko lang nang may nakatingin. Dahil ayokong pinapanood nila yung mga maling kilos ko.

Sa aming magkakapatid, ako yung wala talagang ginagawa sa bahay. Ako ang madalas pagalitan nina Mama at Papa, kahit yung mga kapatid ko nagagalit din sa akin dahil wala naman talaga akong naitutulong. Hindi ko naman pwedeng gawing walis ang lapis, gawing sponge ang papel, at gawing sabon ang pambura. Lahat ng gamit ko sa pagsulat ay walang ambag sa paglilinis ng bahay namin.

Ang sabi ng iba, walang halaga ang mga materyal na bagay na bigay ng ibang tao. Wala raw hihigit kapag inalayan ka ng akda ng isang manunulat. Dahil ang isang sulat ay mula sa puso at pagpapatunay na ikaw ang nasa isip niya. Sa dami ng naging sulat ko, kahit kailan hindi ko naging paksa sina Mama at Papa. Mahirap isulat ang hindi kabisado. Hindi ko sila ganoon kakilala. Ayokong magkamali. Paano ko nga naman sila susulatan kung tatlong salita hindi ko man lang naibigay sa kanila sa buong buhay ko?

“Mahal ko kayo.”

Hindi rin naman nila ako kilala. Dahil hindi rin naman ako nagpakilala. Kung papaano ko hinuhubaran ang sarili ko sa mga sulat ko ay katumbas ng pagtatago ng pagkatao ko sa kanila. O baka naman kasi, ako lang ang hindi naging totoo sa kanila?

Sina Mama at Papa ang kritik ko. Hindi ng mga sulat ko, kundi ng buhay ko. Palagi silang may komento sa bawat maling pagpapasya at pagkabagsak ko. Ang hirap nilang basahin. Hindi ko alam ang teoryang ilalapat. Nauubusan ako ng kuwit dahil kulang na lang ay bawal huminga sa tahanang ito. Batugan ang turing nila sa akin dahil wala raw akong ibang ginawa kundi humilata. Sa isip-isip ko, marami. Sa mga akda ko, kaya kong maglinis, kaya kong maghugas, at kaya kong maglaba. Higit pa roon, kaya kong lumipad, at kaya kong pumunta kahit saan. Pero ako lang ang may alam nun. Tamad pa rin ang tingin nila sa akin.



No comments:

Post a Comment

Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...