2010 nung una akong maoperahan. May kinuhang taba sa likod ko. Kasinglaki ng puso ng manok. Gising ako dahil minor operation lang naman pero inabot ng 2-3 hours bago tuluyang naalis ng mga doktor yung bukol. Mas nauna pang natanggal yung anaesthesia kaya ramdam na ramdam ko yung tusok ng karayom sa likod ko at kung paano dumadaan yung sinulid sa balat ko. Kahit tinurukan ulit ako ng pampamanhid nang dalawang beses, e hindi na tumalab.
1-inch lang ang pilat. Pwede naman daw wag nang ipatanggal, sabi ng doktor. Masisira lang daw ang likod ko dahil magkakapeklat. Kapag nagdalaga raw ako, hindi ako makakapag-swimsuit. Sa isip ko, gusto ko nang maalis yun baka delikado at nasa isip ko rin noon, hindi naman ako magbi-bikini.
Nung baby palang ako, color violet/green lang daw yun. Parang bálat lang. Pero habang lumalaki raw ako, e lumalaki rin daw yung nasa likod ko. Tapos kumikirot depende sa panahon. Mas masakit kapag mas malamig. Palagi akong pinapa-check up ni Mama at Papa pero hindi matukoy lahat ng doktor kung ano ba yung bukol na yun. Mabuti na lang libre kami sa ospital kaya kahit ilang beses pa kaming magpakonsulta sa mga doktor.
2016 nang makapa kong parang may tumutubo ulit. Kasinglaki ng palad ko, parang mas malaki pa. Kaya mas masakit lalo kapag tag-ulan. Pinaasikaso na sa akin ni Mama at Papa lahat ng papel ko dahil kelangan daw maoperahan ako bago mag-21 years old para walang gagastusin sa operation ko. Kung ano na mga tinurok sa akin, ipinasok ako sa kung anong mga makina, pero hindi pa rin nila matukoy kung ano ba talaga yung taba na yun.
Days before my birthday, nasa operating room ako. Malamig sa loob. Nanginginig yung buong katawan ko. Ang huling naaalala ko, may nilagay silang mask sa akin tapos nawalan na ako ng malay. Nagising na lang akong wala na yung bukol sa likod ko. Ilang buwan din yung lumipas bago humilom yung sugat at bago ako naka-recover. 4-inch na yung pilat.
Tama nga yung doktor. Masisira yung balat ko. Matagal din bago ako nakapag-bikini. Dahil nga, may ayaw akong ipakita sa iba. Yung nakaumbok at maitim na peklat ko. Ang nagawa ko lang ay tapalan yung bagay na matagal kong tinago. Kung paano ko naramdaman yung karayom nung unang opera sa akin e ganun ko naramdaman yung karayom habang nilalagyan ako ng tattoo.
Ang tagal ko ring angkas sa likod kung anoman yung bagay na yun, mabuti na lang kahit papaano e wala na yung alaala niya. Kapag tatalikod ako at titingin sa salamin, hindi ko na makikita kung ano yung bigat at kirot na naramdaman ko noon. Wala na.
No comments:
Post a Comment