Thursday, April 8, 2021

Lumalabo na rin ang mga Mata Ko

 Inaatake na naman ako ng sakit ng ulo. Lumalabo na naman yung mata ko. Naalala ko, ito yung pakiramdam ko bago mag-pandemic.

-

Palaging nandidilim yung paningin ko. Feeling ko palagi akong matutumba. Magpa-check up na raw ako, sabi nila. Pero makulit ako. Nanghihinayang ako sa ibabayad sa mga doktor. Ang sabi ko, kaya ko pa naman. Kaya ko naman.

Halos kalahating taon na yung ganitong pakiramdam. Ang nangyayari kasi, biglang parang may lilitaw na tuldok sa paningin ko. Maliit na tuldok lang. Tapos, palaki nang palaki. Hanggang sa may mga parte ng paligid na hindi ko na nakikita. O kung nagbabasa, may mga letra o salitang nawawala. Parang may bahagi sa paningin ko na nabablangko. Lilipas ang ilang minuto, yung buong mata ko parang may nakaharang. Cloudy/hazy. Kahit kusutin ko pa. Saka didilim. Masakit sa ulo. Nakakasuka. Mahihiga na lang ako. Hanggang sa maka-recover. Kung nasa bahay.

Madalas akong atakehin nito sa daan. Lalo na kung maaraw o mailaw. Mas masakit sa mata. Titigil lang ako saglit. Maghahanap ng mayuyukuan. Makakaidlip sa sobrang tagal matanggal ng pandidilim at sakit ng ulo. Kawawa kung walang kasama. Minsan naman sa faculty room. Malas kung sa classroom habang nagtuturo.

-

Week before lockdown, hindi ko na talaga kinaya. Gumising ako nang maaga nung Monday para pumasok. Ganun ulit. Wala akong nagawa kundi um-absent. Na nangyari ulit nung Tuesday. Hiniga ko na lang at naghintay hanggang sa maging okay. Hindi ko na pala kaya.

Diagnosed ako na may Vertigo pagkagaling ko sa doktor nung araw na yun. Pinapunta niya rin ako sa opthalmologist para makita raw kung anong nasa mga mata ko. Ayun, may grado na. Kailangan nang magsalamin. Sana nga, yun lang talaga ang problema.



Wednesday, April 7, 2021

Apat na Hakbang

 Sinundan natin ang mga talulot ng rosas na nagsilbing palatandaan ng ating landas. Apat na hakbang patungo sa simula upang balikan ang matatamis na alaala. Apat na hakbang patungo sa dulo upang alamin kung mayroon tayo nito.

Sinubukan kong lumiko ng daan, hindi kita natagpuan sa kaliwa pati sa kanan. Apat na hakbang palayo ngunit nakikita ko ang sarili ko na may apat na hakbang pabalik sa 'yo.

Minapa tayo ng pag-ibig natin sa apat na direksyon at kung maligaw man tayo sa apat na iyon, hindi naman maglalaho ang damdamin nating pareho ang tugon. Apat na hakbang mula sa 'yo patungong hilaga para samahan ako. Apat na hakbang mula sa 'kin patungong timog para samahan ka. Apat na hakbang patungong silangan upang sunduin ang araw na nagmamasid sa ating mga ngiti. At apat na hakbang patungong kanluran upang ihatid ang buwan na sumubaybay sa ating walang kupas na pagtangi.

Nandoon ka sa gitna kaya apat na hakbang patungo sa gitna, kung saan parehong magtatagpo, hindi lamang ang mga mata kundi ang ating mga puso.



Tuesday, April 6, 2021

Late o'Clock

 "Ma'am, bakit late ka po?" tanong sa akin ng mga estudyante nang mahuli ako ng limang minuto sa first period.

Nagtaka siguro sila. Na-late ako dahil hindi ko makita yung projector. Sabi ko kasi sa kanila palagi, pag nauna akong pumasok sa classroom, late sila. Pero pag sila ang nauna, ako yung late. Pero hindi e.

Pagpasok ko, set up agad tapos lesson. Napansin kong may mga blangko pa ring upuan. Nakakalungkot na sa tuwing nakikita ko yung attendance sheet ko, ang daming letter A, marka ng absent. 

Bago ako lumabas, may nakasalubong akong papasok pa lang sa room. Siguro, manhid na rin yung pakiramdam ko para tanungin siya ng "Nak, bakit late ka po?"



Monday, April 5, 2021

Kapag Nababagabag Tayo

 Hi. Gusto ko lang makibalita kung kamusta kayo? Sana e ok kayo at yung mga pamilya niyo. Alam kong nakaka-paranoid ang panahong 'to, palapit nang palapit sa mga bahay natin ang COVID. Parami nang parami. Ito na naman ako sa malalim kong pag-iisip, pag-aalala. Kahit pilitin ang sariling maging ok, kaso hindi ako mapanatag. Isang linggo nang inuumaga ang tulog ko, hindi ko ine-expect na ito ulit yung nararamdaman ko. Hindi na ako dinadalaw ng antok. Nakakatakot na sunod-sunod ang mga kakilala na nawala na.

Sana nasa mabuti kayong kalagayan at hindi magkasakit. Ingatan ang mga mahal sa buhay, magpalakas pa lalo. Kung kelangan niyo ng tulong, tutulong ako hangga't kaya ko. At kung naghahanap kayo ng makakausap, nandito lang ako. Wag kayong mahiya. Tayo-tayo na lang ang magkakatuwang dito. Aminin na natin, pinabayaan tayo ng gobyerno. Dahil sa kapalpakan nila, tayo ang nagdurusa.

Puro itim na yung nasa newsfeed ko, wala pa ring kongkretong plano. Pangalawang week na ng ikalawang taon ng ECQ, marami nang nawalan ng trabaho. Marami nang kumakalam ang sikmura, pero wala pa ring ayuda.

Araw-araw tayong pinapatay ng rehimeng ito, at nakakapagod na.






Sunday, April 4, 2021

Bakit Grade Conscious?

 Magtuturo ka, magrereklamo.

Hindi ka magtuturo, may reklamo.

Agahan mong pumasok, magrereklamo.

Ma-late ka, may reklamo.

Magsusungit ka, magrereklamo.

Maging mabuti ka, may reklamo.

Maraming requirements, magrereklamo.

Walang requirements, may reklamo.

Mababa yung grade, magrereklamo.

Tinaasan yung grade, may reklamo.

At ginawa mo na ang lahat bilang guro, marami pa rin silang reklamo. Huwag ninyong isisi ang lahat sa kanila lalo na kung ikaw yung mag-aaral na:

mahilig um-absent dahil lang sa tinatamad ka;

o kaya naman palagi kang late at pupunta lang sa school kung anong oras mo gustong pumasok;

o kaya naman ikaw itong pumapasok lang para makipagdaldalan;

o kaya naman ikaw itong pumapasok palagi pero hindi ka nakikinig;

o kaya naman ikaw itong laging tingin nang tingin sa papel ng katabi mo tuwing exam;

o kaya naman ikaw itong ni isa walang naipasang sulatin;

o kaya naman ikaw itong kahit kailan ay hindi tumulong sa groupworks;

o kaya naman ikaw itong ni hindi man lang nagawang buklatin yung readings;

o kaya naman ikaw itong kalahating taon nang nakalipas pero hindi mo pa rin alam yung pangalan ng titser mo;

at higit sa lahat baka ikaw itong lahat ng nabanggit tapos grade conscious ka pa.

Teka, hindi ako nagrereklamo ha. Hindi naman kayo bagsak. Ngayon pa lang, binabati ko na kayo. Ang gradong matatanggap ninyo ay para sa mga magulang niyong nagsisikap magtrabaho para lang mapag-aral kayo. At nawa'y mapaunlad niyo pa lalo ang mga potensyal ninyo.



Saturday, April 3, 2021

Bakit Ka Iniwan?

 Madalas itanong sa akin ng mga estudyante ay kung bakit sila iniiwan ng mga taong mahal nila. Ano bang magagawa ko? Iniwan na e. Pero ito na nga, malapit na matapos ang first quarter. Halos isang linggo ko nang kinukuha yung mga paperworks na ginawa nila para mai-record ko na. Hindi naman mawawala sa kada section na hawak ko ang sasabihing "Binibini, naiwan ko po." 

Ano bang magagawa ko? Iniwan na e. Sa dinami-rami, talagang yun pa ang naiwan. Hindi naman siguro aabot ng kalahating kilo yun. Ang masaklap pa dito, limang activities ang naiwan. Syempre sasabihin nating ipasa na lang next meeting. Tapos pagdating ng next meeting na yun, naiwan pa rin. Jusko, sana bago nila gawin yun, maisip nila na kahit kailan e hindi ko iniwan yung class record ko. O kaya naman, hindi ko sila iniwan sa ere at sabihing "Iwan ko na lang din kaya ang grades niyo?"

Kaya sana kids, bago natin iwan ang isang bagay, isipin muna natin kung anong pakiramdam ng maiwan. Hindi naman ganoon kadaling iwan ang subject ko hindi ba?



Friday, April 2, 2021

Tatlong Tuldok

 Tayo. Parang isang karagatan na hindi maalon, malayang namamahinga sa nagtatagong mga isla at sumasandal ang malamig na tubig sa mainit at nang-aakit nitong mga buhangin.

Tayo. Hindi basta tuldok na kaydaling wakasan. Kundi pinagtabi-tabing mga tuldok, na tila butil ng buhangin na pag pinagsama-sama ay makabubuo ng kastilyo. Gaya ng dagat na 'di mawari ang lalim at babaw, ang kipot at lawak, at sasagot sa tanong na: "Hanggang saan ito?" Hanapin natin ang dulo, tuklasin natin ang dulo.

Tayo. Sinubukang ayusin ang magulo, iniwasan ang maliit na pagtatalo habang inuunawa ang pasirko-sirkong pagpapasya. Binitawan ang dilim, kumapit sa mga bituin. Kahit imposibleng maabot ng dagat ang ulap ay pinatunayan mo sa akin na nandyan ang repleksyon nito na naging dahilan kung bakit sila naging magkayakap.

Tayo. Matagal nang nagpapalitan ng matatamis na mga talinghaga at gaya ng bawat simula, hindi mawawala ang wakas. Hindi ko tatapusin ang kuwento natin sa iisang tuldok lamang. Ang nais ko'y tatlo sapagkat hindi pa tapos. Tayo'y magpapatuloy pa, hanggang dulo. Magpapatuloy pa, hanggang dulo. Tayo. 

Tayo...



Thursday, April 1, 2021

Frontliner din ang mga Guro

 Maswerte raw ang mga titser dahil wala namang ginagawang trabaho. Sumasahod daw kahit nasa bahay lang. Yun ang sabi nila, dahil yun lang ang alam nila. Maraming almusal ang nilagpasan namin, at ilang mga gabing hindi natutulog para tapusin ang module na gagamitin ng mga estudyante. Pati ang pagpe-prepare ng powerpoint para sa online class. Malaki rin ang ginagastos ng ibang guro para sa mga papel na gagamitin at pang-print. Masipag na hinahatid ang mga module sa bawat bahay ng mga mag-aaral para maiparating ang nais ibigay na dunong. Araw-araw silang matyagang humaharap sa monitor para magturo. Sa mismong Teacher’s Day nagsimula ang klase, dito palang talaga magsisimula ang hamon sa mga guro. Na ang hiling lang namin sa araw namin, wag sayangin ang pinagpaguran namin, at nawa maging maayos na ang daloy ng edukasyon dito.

Kaso lagpas isang taon na ang sistema ng online class, kung saan sa screen na lamang magkakatabi ang mga estudyante na milya-milya ang agwat ng dikit-dikit na kahon ng monitor, pinag-uugnay kami ng mabagal na internet connection. Marami pa ring hindi nakakapag-adjust, marami pa ring mga guro at estudyante ang walang laptop, phone, at wifi. Hanggang kailan pa ba ito? Ni hindi namin alam kung may natututuhan pa ba sila o kung nakikinig ba talaga sila. Masyado nang mahaba ang panahon para wala pa ring ibigay na kongkretong plano, solusyon, at bakuna sa lahat. Napapagod na kaming makinig at maghintay sa wala.



Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...