Monday, November 7, 2022

Sa Mata ng Bata

 

Sa Gitna ng Daan

Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang,

nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw.

Sa akin ay maraming iniutos ang kanilang bibig

habang pilit nagpupumiglas ang aking mga bisig.

Naririnig ang bawat bulong ng hawak nilang mga baril

nakikiusap sa mga balang mamaya’y yayakap sa akin.

Dumanak ang dugo’t unti-unting bumibitaw sa pinanghahawakang pangarap.

Tama na po.

May test pa ako bukas,

Bawal po akong bumagsak –

sa gitna ng daan.

 

Totoy, Bilisan Mo

Kapag ilalatag ang palad sa kalye,

‘di makabibili kahit isang mamon.

Sa halip na ipunin dyaryo at bote,

kayang punuin ng gamit ang kariton –


mula sa bulsa, bag, pitaka ng iba.

Makikita ka, pipituhan ng pulis.

Nakakulong sa kamay ang mga barya,

tatakbo ka’t mauubusan ng bilis.

 

Kinuyog sa tapat ng Simbahang Quiapo,

“Nais lang matustusan pagkalam ng tyan.

Mamang Pulis, ‘sensya na po. ‘Wag po. ‘Wag po.

Hindi ko po pangarap maging tulisan.”

 

Posas ang nagsisilbing kanyang alahas,

nais na tahanan – bato, hindi rehas.

 

Ang mga Barya ni Bea

Palaging sabik si Bea na magsimba.

Kasama niya ang kanyang Mama at Papa.

Isang gabi bago sila pumunta sa simbahan,

Kinuha ni Bea ang alkansya ng kanyang magulang.

Hinulog niya doon ang marami niyang barya.

At nagdasal, “Lord sana po hindi na mahirapan sina Mama at Papa.”

Kaya palaging sabik si Bea na magsimba.

Kasama niya  ang kanyang Mama at Papa.

Sila man ay palaging kapos

Pero hindi nila nakakalimutang magpasalamat sa Diyos.

Habang nakikinig sa pari, inabutan siya ng Mama at Papa niya ng pera.

Ihulog daw sa basket para matupad ang mga dasal niya.

Hindi niya alam kung saan niya ihuhulog ang barya.

Sa basket ba o sa kanyang bulsa? Nalilito siya.

Ang dasal lang naman niya ay sana hindi na mahirapan ang kanyang Mama at Papa.

Hindi niya hinulog sa basket ang mga barya.

Ang pera na nilalagay niya sa alkansya ay ang barya na dinideretso niya sa kanyang bulsa.

Kaya palaging sabik si Bea na magsimba.


Home - DMCI (dmcicorpsales.com)

SBA - Saranggola Blog Awards

Home - Cultural Center of the Philippines









Thursday, April 8, 2021

Lumalabo na rin ang mga Mata Ko

 Inaatake na naman ako ng sakit ng ulo. Lumalabo na naman yung mata ko. Naalala ko, ito yung pakiramdam ko bago mag-pandemic.

-

Palaging nandidilim yung paningin ko. Feeling ko palagi akong matutumba. Magpa-check up na raw ako, sabi nila. Pero makulit ako. Nanghihinayang ako sa ibabayad sa mga doktor. Ang sabi ko, kaya ko pa naman. Kaya ko naman.

Halos kalahating taon na yung ganitong pakiramdam. Ang nangyayari kasi, biglang parang may lilitaw na tuldok sa paningin ko. Maliit na tuldok lang. Tapos, palaki nang palaki. Hanggang sa may mga parte ng paligid na hindi ko na nakikita. O kung nagbabasa, may mga letra o salitang nawawala. Parang may bahagi sa paningin ko na nabablangko. Lilipas ang ilang minuto, yung buong mata ko parang may nakaharang. Cloudy/hazy. Kahit kusutin ko pa. Saka didilim. Masakit sa ulo. Nakakasuka. Mahihiga na lang ako. Hanggang sa maka-recover. Kung nasa bahay.

Madalas akong atakehin nito sa daan. Lalo na kung maaraw o mailaw. Mas masakit sa mata. Titigil lang ako saglit. Maghahanap ng mayuyukuan. Makakaidlip sa sobrang tagal matanggal ng pandidilim at sakit ng ulo. Kawawa kung walang kasama. Minsan naman sa faculty room. Malas kung sa classroom habang nagtuturo.

-

Week before lockdown, hindi ko na talaga kinaya. Gumising ako nang maaga nung Monday para pumasok. Ganun ulit. Wala akong nagawa kundi um-absent. Na nangyari ulit nung Tuesday. Hiniga ko na lang at naghintay hanggang sa maging okay. Hindi ko na pala kaya.

Diagnosed ako na may Vertigo pagkagaling ko sa doktor nung araw na yun. Pinapunta niya rin ako sa opthalmologist para makita raw kung anong nasa mga mata ko. Ayun, may grado na. Kailangan nang magsalamin. Sana nga, yun lang talaga ang problema.



Wednesday, April 7, 2021

Apat na Hakbang

 Sinundan natin ang mga talulot ng rosas na nagsilbing palatandaan ng ating landas. Apat na hakbang patungo sa simula upang balikan ang matatamis na alaala. Apat na hakbang patungo sa dulo upang alamin kung mayroon tayo nito.

Sinubukan kong lumiko ng daan, hindi kita natagpuan sa kaliwa pati sa kanan. Apat na hakbang palayo ngunit nakikita ko ang sarili ko na may apat na hakbang pabalik sa 'yo.

Minapa tayo ng pag-ibig natin sa apat na direksyon at kung maligaw man tayo sa apat na iyon, hindi naman maglalaho ang damdamin nating pareho ang tugon. Apat na hakbang mula sa 'yo patungong hilaga para samahan ako. Apat na hakbang mula sa 'kin patungong timog para samahan ka. Apat na hakbang patungong silangan upang sunduin ang araw na nagmamasid sa ating mga ngiti. At apat na hakbang patungong kanluran upang ihatid ang buwan na sumubaybay sa ating walang kupas na pagtangi.

Nandoon ka sa gitna kaya apat na hakbang patungo sa gitna, kung saan parehong magtatagpo, hindi lamang ang mga mata kundi ang ating mga puso.



Tuesday, April 6, 2021

Late o'Clock

 "Ma'am, bakit late ka po?" tanong sa akin ng mga estudyante nang mahuli ako ng limang minuto sa first period.

Nagtaka siguro sila. Na-late ako dahil hindi ko makita yung projector. Sabi ko kasi sa kanila palagi, pag nauna akong pumasok sa classroom, late sila. Pero pag sila ang nauna, ako yung late. Pero hindi e.

Pagpasok ko, set up agad tapos lesson. Napansin kong may mga blangko pa ring upuan. Nakakalungkot na sa tuwing nakikita ko yung attendance sheet ko, ang daming letter A, marka ng absent. 

Bago ako lumabas, may nakasalubong akong papasok pa lang sa room. Siguro, manhid na rin yung pakiramdam ko para tanungin siya ng "Nak, bakit late ka po?"



Monday, April 5, 2021

Kapag Nababagabag Tayo

 Hi. Gusto ko lang makibalita kung kamusta kayo? Sana e ok kayo at yung mga pamilya niyo. Alam kong nakaka-paranoid ang panahong 'to, palapit nang palapit sa mga bahay natin ang COVID. Parami nang parami. Ito na naman ako sa malalim kong pag-iisip, pag-aalala. Kahit pilitin ang sariling maging ok, kaso hindi ako mapanatag. Isang linggo nang inuumaga ang tulog ko, hindi ko ine-expect na ito ulit yung nararamdaman ko. Hindi na ako dinadalaw ng antok. Nakakatakot na sunod-sunod ang mga kakilala na nawala na.

Sana nasa mabuti kayong kalagayan at hindi magkasakit. Ingatan ang mga mahal sa buhay, magpalakas pa lalo. Kung kelangan niyo ng tulong, tutulong ako hangga't kaya ko. At kung naghahanap kayo ng makakausap, nandito lang ako. Wag kayong mahiya. Tayo-tayo na lang ang magkakatuwang dito. Aminin na natin, pinabayaan tayo ng gobyerno. Dahil sa kapalpakan nila, tayo ang nagdurusa.

Puro itim na yung nasa newsfeed ko, wala pa ring kongkretong plano. Pangalawang week na ng ikalawang taon ng ECQ, marami nang nawalan ng trabaho. Marami nang kumakalam ang sikmura, pero wala pa ring ayuda.

Araw-araw tayong pinapatay ng rehimeng ito, at nakakapagod na.






Sunday, April 4, 2021

Bakit Grade Conscious?

 Magtuturo ka, magrereklamo.

Hindi ka magtuturo, may reklamo.

Agahan mong pumasok, magrereklamo.

Ma-late ka, may reklamo.

Magsusungit ka, magrereklamo.

Maging mabuti ka, may reklamo.

Maraming requirements, magrereklamo.

Walang requirements, may reklamo.

Mababa yung grade, magrereklamo.

Tinaasan yung grade, may reklamo.

At ginawa mo na ang lahat bilang guro, marami pa rin silang reklamo. Huwag ninyong isisi ang lahat sa kanila lalo na kung ikaw yung mag-aaral na:

mahilig um-absent dahil lang sa tinatamad ka;

o kaya naman palagi kang late at pupunta lang sa school kung anong oras mo gustong pumasok;

o kaya naman ikaw itong pumapasok lang para makipagdaldalan;

o kaya naman ikaw itong pumapasok palagi pero hindi ka nakikinig;

o kaya naman ikaw itong laging tingin nang tingin sa papel ng katabi mo tuwing exam;

o kaya naman ikaw itong ni isa walang naipasang sulatin;

o kaya naman ikaw itong kahit kailan ay hindi tumulong sa groupworks;

o kaya naman ikaw itong ni hindi man lang nagawang buklatin yung readings;

o kaya naman ikaw itong kalahating taon nang nakalipas pero hindi mo pa rin alam yung pangalan ng titser mo;

at higit sa lahat baka ikaw itong lahat ng nabanggit tapos grade conscious ka pa.

Teka, hindi ako nagrereklamo ha. Hindi naman kayo bagsak. Ngayon pa lang, binabati ko na kayo. Ang gradong matatanggap ninyo ay para sa mga magulang niyong nagsisikap magtrabaho para lang mapag-aral kayo. At nawa'y mapaunlad niyo pa lalo ang mga potensyal ninyo.



Saturday, April 3, 2021

Bakit Ka Iniwan?

 Madalas itanong sa akin ng mga estudyante ay kung bakit sila iniiwan ng mga taong mahal nila. Ano bang magagawa ko? Iniwan na e. Pero ito na nga, malapit na matapos ang first quarter. Halos isang linggo ko nang kinukuha yung mga paperworks na ginawa nila para mai-record ko na. Hindi naman mawawala sa kada section na hawak ko ang sasabihing "Binibini, naiwan ko po." 

Ano bang magagawa ko? Iniwan na e. Sa dinami-rami, talagang yun pa ang naiwan. Hindi naman siguro aabot ng kalahating kilo yun. Ang masaklap pa dito, limang activities ang naiwan. Syempre sasabihin nating ipasa na lang next meeting. Tapos pagdating ng next meeting na yun, naiwan pa rin. Jusko, sana bago nila gawin yun, maisip nila na kahit kailan e hindi ko iniwan yung class record ko. O kaya naman, hindi ko sila iniwan sa ere at sabihing "Iwan ko na lang din kaya ang grades niyo?"

Kaya sana kids, bago natin iwan ang isang bagay, isipin muna natin kung anong pakiramdam ng maiwan. Hindi naman ganoon kadaling iwan ang subject ko hindi ba?



Friday, April 2, 2021

Tatlong Tuldok

 Tayo. Parang isang karagatan na hindi maalon, malayang namamahinga sa nagtatagong mga isla at sumasandal ang malamig na tubig sa mainit at nang-aakit nitong mga buhangin.

Tayo. Hindi basta tuldok na kaydaling wakasan. Kundi pinagtabi-tabing mga tuldok, na tila butil ng buhangin na pag pinagsama-sama ay makabubuo ng kastilyo. Gaya ng dagat na 'di mawari ang lalim at babaw, ang kipot at lawak, at sasagot sa tanong na: "Hanggang saan ito?" Hanapin natin ang dulo, tuklasin natin ang dulo.

Tayo. Sinubukang ayusin ang magulo, iniwasan ang maliit na pagtatalo habang inuunawa ang pasirko-sirkong pagpapasya. Binitawan ang dilim, kumapit sa mga bituin. Kahit imposibleng maabot ng dagat ang ulap ay pinatunayan mo sa akin na nandyan ang repleksyon nito na naging dahilan kung bakit sila naging magkayakap.

Tayo. Matagal nang nagpapalitan ng matatamis na mga talinghaga at gaya ng bawat simula, hindi mawawala ang wakas. Hindi ko tatapusin ang kuwento natin sa iisang tuldok lamang. Ang nais ko'y tatlo sapagkat hindi pa tapos. Tayo'y magpapatuloy pa, hanggang dulo. Magpapatuloy pa, hanggang dulo. Tayo. 

Tayo...



Thursday, April 1, 2021

Frontliner din ang mga Guro

 Maswerte raw ang mga titser dahil wala namang ginagawang trabaho. Sumasahod daw kahit nasa bahay lang. Yun ang sabi nila, dahil yun lang ang alam nila. Maraming almusal ang nilagpasan namin, at ilang mga gabing hindi natutulog para tapusin ang module na gagamitin ng mga estudyante. Pati ang pagpe-prepare ng powerpoint para sa online class. Malaki rin ang ginagastos ng ibang guro para sa mga papel na gagamitin at pang-print. Masipag na hinahatid ang mga module sa bawat bahay ng mga mag-aaral para maiparating ang nais ibigay na dunong. Araw-araw silang matyagang humaharap sa monitor para magturo. Sa mismong Teacher’s Day nagsimula ang klase, dito palang talaga magsisimula ang hamon sa mga guro. Na ang hiling lang namin sa araw namin, wag sayangin ang pinagpaguran namin, at nawa maging maayos na ang daloy ng edukasyon dito.

Kaso lagpas isang taon na ang sistema ng online class, kung saan sa screen na lamang magkakatabi ang mga estudyante na milya-milya ang agwat ng dikit-dikit na kahon ng monitor, pinag-uugnay kami ng mabagal na internet connection. Marami pa ring hindi nakakapag-adjust, marami pa ring mga guro at estudyante ang walang laptop, phone, at wifi. Hanggang kailan pa ba ito? Ni hindi namin alam kung may natututuhan pa ba sila o kung nakikinig ba talaga sila. Masyado nang mahaba ang panahon para wala pa ring ibigay na kongkretong plano, solusyon, at bakuna sa lahat. Napapagod na kaming makinig at maghintay sa wala.



Wednesday, March 31, 2021

Banwa Ko

 Itong Kalumaran, likas sa yaman. Samo't saring ginto, samo't saring tanso. Kaya ba't ito ay pinag-aagawan nitong mga makapangyarihan? Anong ginawa sa lupang tinubuan? Anong ginawa sa sangkatauhan? Ipinasara ang mga paaralan, mga guro ay pinagbantaan.

Doon naman sa Pangantucan, lima ang pinaslang. Umulan ng bala, pumatak ang dugo, bumaha ng luha, hinanging pangako. Kalapastanganan ang ginawa sa mga lider ng bayan. Isang putok kay Tatay Emok, paggapos kay Dionel Campos, isang gatilyo kay Datu Bello. Ipinaglaban lang nila ang karapatan ngunit buhay nila ay winakasan.

Mayroon akong naririnig, malakas na tinig, isang katorse anyos, sumisigaw, kalunos-lunos. "Tatlo silang sundalo, pinagsamantalahan ako. Animnapu't tatlong libo ang halaga ng aking puri? Ang dangal ba ay ipinagbibili? Naalala ko ang mga nangyari, pinagtulong-tulungan, iwinasiwas, binasag ang aking kamusmusan. Winasak, binaboy, ang kinabukasan."

Lupang ipinangako para sa mga katutubo, lupang ipinangako bakit kailangang isuko? Mga Lumad na pinaapuyan ang bahay, mga Lumad na nagbuwis ng buhay.

Kaibigan, ito ang nais nilang ipabatid. Mga ginawa sa kanila ng ganid. Mga kuwentong sa limot ibinaon, muli't muli nating bubuhayin ngayon.


*Alay kina Dionel, Tatay Emok, at Datu Bello, at sa mga Lumad na nagbuwis ng buhay para sa tinubuang lupa, isinulat taong 2016



Tuesday, March 30, 2021

12:00

 Ito na naman. Hindi tayo makatulog. Oras na ng pahinga pero napapagod tayo. Nakatitig lang tayo sa dilim, hinahanap ang kaliwanagan kung bakit tayo humantong dito. 

"Ayoko na."

"Bakit?"

Sabay tayong magbubuntong-hininga­. Pag-uusapan ang ayaw haraping problema, saka tatalikod. Ang lapit natin sa isa’t isa ngunit pinaglalayo tayo ng sama ng loob. Kahit mismong tayo, hindi matukoy kung bakit tayo nagkaganito. 

"Ayoko na e."

"Kung dyan ka masaya."

Alam natin kelangan nang bumitaw kapag mabigat na. Nanahimik tayo pareho. Pinakikiramdaman ang mga ingay natin sa loob. Maya-maya ay may unti-unti nang sasabog.

"Talaga? Pumapayag ka na?"

"May magagawa ba ako?"

Bumibilis ang oras habang pabagal nang pabagal ang pag-uusap natin. Humihina ang mga iyak habang lumalakas ang mga tinig ng panunumbat. Wala nang preno sa mga binibitawang salita. Sa pagkakataong ito, lilitaw pa rin ang pag-ibig.

"Ayoko na."

"Pero ayoko. Tapos."

Ayos naman tayo. Umabot tayo dito nang wala naman talagang problema. Baka napapagod lang tayo sa mga nasa paligid natin. Kaya pinainit ng mga yakap natin ang malamig na espasyo. Tulog na tayo mahal ko, ang kailangan lang naman talaga natin ay magpahinga sa isa’t isa.



Monday, March 29, 2021

Ang Pangarap Kong Birthday

 Excited akong mag-debut. Naka-attend kasi ako ng debut ng Tita ko, sabi ko, gusto ko rin ng ganun. Gusto ko rin namang maranasan maging Disney Princess. Gusto kong maramdaman kung paano ang maging prinsesa kahit sa isang araw lang. Kaya simula nung nag-10 years old ako, taon-taon na akong nagbibilang ng birthday ko. Walong taon pa yung hihintayin ko para makapagsuot ng gown, ng mataas na takong, makapag-makeup, maikulot ang buhok. Lahat ng bisita ay nakasuot ng magagandang damit. May buffet. Gusto ko rin magrenta ng resort para doon gaganapin. Tapos, pagkatapos ng party, magsu-swimming kami. Nakalista na sa likod ng notebook ko lahat ng mga gusto kong 18: 18 candles, 18 gifts, 18 dolls, 18 roses. Kinikilig-kilig pa ako dahil kasama sa mga nilista ko yung pangalan ng mga crush ko.

Elementary palang ako nang pangarapin kong magkaroon ng bonggang debut. Syempre, ang alam lang ng isang sampung taong gulang na bata ay magpantasya. Sa sarili ko lang naman yun, hindi alam nina Mama at Papa. May pag-asa namang magkatotoo, kasi ako yung unang babaeng magde-debut sa aming magpipinsan. 

Taon-taon akong nasasabik sa bawat pagdagdag ng edad ko. Masaya akong tumatanda na ako dahil palapit nang palapit ang 18th birthday ko. Hanggang sa unti-unti nang naglalaho sa isip ko yung gusto kong party. Baka kasi nainip na akong maghintay sa sobrang tagal, o hindi na yun ang gusto ko, o baka hindi na ako bata mag-isip. At nawala na rin yata yung notebook ko na pinagsulatan ko ng mga listahan ng invited.

Nakagradweyt na ako ng hayskul, nasa kalagitnaan na ako ng college, sa totoo lang, nakalimutan ko naman na yun. Naalala ko lang nung mismong 18th birthday ko habang kumakain. Nakatitig ako sa platong nasa harap ko habang hinahalo sa kanin ang toyo. Nakangiti lang ako. Kaytagal ko palang hinintay dumating yung araw na yun. Kung hindi lang siguro ako lumayas sa bahay namin at sumama sa maling tao e baka natupad yung pangarap kong debut.

Ang nagawa ko lang nun ay umiyak. Naaawa ako sa batang ako dahil hindi natupad yung pangarap niya. Bigla ko tuloy na-miss yung 10 years old na ako. Na buti pa siya, nagplano. Na ang gusto niya lang ay tumanda. Hindi katulad ng 18 years old na ako, na basta lang nagdesisyon sa buhay. Hindi pala masaya kapag tumatanda.

Nasa kalahati na ako ng 50 ngayon, at ito pa rin ako. Wala pa ring nararating, wala pa ring napapatunayan. Gusto ko na lang bumalik sa 10 years old na ako kung saan ang problema ko lang ay sana makapagsuot na ako ng gown at heels, makatanggap ng mga regalo, at maisayaw ng mga crush ko. Ang bilis naman lumipas ng taon. Mas marami na akong pangarap na higit pa doon. Pwede bang pahintuin muna yung oras? Pwede bang huwag munang tumanda?



Sunday, March 28, 2021

Unang Kabanata

 Paano ko aalayan ng akda ang isang makata at kuwentista na kabisang-kabisa na ang bawat mga letra? Wala akong alam sa mga akdang nabasa mo na, wala akong alam sa mga librong binabanggit mo. Basta ang alam ko, ako ang pinakamaganda mong binasa. At ang tanging alam ko, ako ang pinakapaborito mong libro.

Kaya mas lalo kong inakbayan ang mga titik at salita, niyakap nang mahigpit ang nagtatalik na mga talata, hinalikan ang bawat ponema, morpema, at mga bahagi ng pananalita, at nagawa ko na ring sumiping sa mga tayutay at mga talinghaga.

Para sa 'yo, para lang sa 'yo. Sapagkat nais kong pasukin ang mundo mo. Pinagtabi-tabi ko ang mga tandang padamdam sapagkat hindi mo alam ang sabik sa bawat pangungusap. Pinagsama-sama ko ang mga tandang pananong upang magkaroon ng sagot ang bawat saknong. Inipon ko ang mga kuwit sapagkat magpapatuloy tayo patungong walang hanggan at itinago ko ang mga tuldok upang sabihin sa 'yong hindi totoo ang katapusan.

Kung sakaling maubusan man tayo ng tinta at mga pahina, handa kong gawing hagdan ang mga aklat upang maabot natin ang mga tala. Basta't sabay nating sambitin ang mga katagang:

"Nandito ang aking pluma na nagsisilbing punglo para ipagtanggol ka, kasi akin ka. At nandito ang aking papel na nagsisilbing kalasag para protektahan ka, kasi akin ka."

Dahil ikaw ang pinakaperpekto kong tula. Dahil ikaw ang pinakaiingatan kong likha. Sabay nating ukitin ang pangakong may sukat at tugma. Sabay nating isulat ang napakahaba nating kabanata.



Saturday, March 27, 2021

To be a Writer

 Pangarap ko talaga maging manunulat. Kaya sabi ko nung bata ako, kapag na-publish ako sa libro o nakapag-publish na ako ng libro, pwede na akong mamatay. Feeling ko yun lang ang tungkulin ko sa mundo. At alam ko namang imposible.

Bago ako grumadweyt ng hayskul, hiningan kami ng adviser namin ng sagot sa tanong na "What is your ambition?", sigurado ako sa gusto ko. Gusto kong maging writer. Pero, hindi pala ganun kadaling sabihin yun. Parang mahirap panindigan.

Ako kasi yung inaasahan ni Mama sa tuition fee ng kapatid ko at ng mga kakailanganin nila sa school. Maliit ang sahod ko bilang teacher, hindi ko kakayaning saluhin lahat. Mabuti na lang pinalad na kahit papaano kumikita sa pagsusulat. Ang problema kasi ng mga nagsusulat gaya ko, ano ba talaga ang pagsulat? Hobby or job? Dahil pwede naman tayong magsulat lang nang magsulat para magpalipas ng oras pero palagi nating iniisip na ang manunulat ay nagugutom din, naghihirap, may pangangailangan, inaasahan.

Parang nung kelan lang, tumataginting na 70K ang kailangan ko para mai-enroll yung kapatid ko. Hindi ko alam yung gagawin ko dahil walang-wala ako nung panahon na yun. Alam niyo na, kapag kontraktwal ang guro, walang sahod sa bakasyon. Kaya sinabihan ko si Mama na mangutang muna kahit pang-down lang. May pera akong darating pero sa susunod na linggo pa. Bayad yun sa mga librong tinapos ko. Hindi ko pala kayang mabuhay kung pagsulat lang ang hanapbuhay ko.

Sinamahan kong magbayad si Mama. Natulala ako sa resibo. Kung bakit naman kasi itong mga institusyon, taon-taong nagtataas ng matrikula. Anong tingin nila sa mga nagpapaaral, tumatae ng pera? Mga salita lang naman ang kaya kong iluwal.

Wala e, panganay. Ako lang muna ang pwedeng asahan sa amin. Kaya hindi ako pwedeng magkamali. Mataas ang expectation sa akin. Maraming pangarap sa akin sina Mama at Papa, para balang araw makatulong ako sa kanila. Pero hindi kasama doon ang pagiging writer. Oo nga naman, walang pera sa pagsulat. Hindi naibebenta ang mga salita dahil pagmamay-ari yun ng lahat. Gusto nila akong maging accountant, o architect, o engineer, pero ito ako, nagsusulat. Kung hindi nagsusulat, nagtuturo. Parehong maliit ang pera, mula sa mga gusto kong gawin. Parehong hindi kayang buhayin ang walong myembro ng pamilya.

Kahit ano pang sabihin nila, magsusulat ako. Hindi ako bibitaw. Kung babalikan ko lang yung sinabi koong nung bata ako, babawiin ko. Hindi pa ako pwedeng mamatay. Marami pa akong gustong sabihin. Ang tungkulin ko ay maging boses ng ibang tao. Hindi sa halaga ng makukuha. Magkukuwento ako nang magkukuwento nang libre. Paninindigan ko ang ambisyon ko.



Friday, March 26, 2021

Kasalanan ng Laptop

 Hanggang ngayon, sariwa pa rin sa akin yung trauma ko noong unang taon kong magturo sa senior high. Year end na yun actually.

Dumiretso ako sa school pagkatapos kong mag-proctor ng Basic Education Exit Assesment sa ibang school. Pwede naman na akong umuwi na lang pero bumalik pa ako sa school dahil may deliberation. Pagkabukas ko ng laptop para mag-print, nag-crash yung operating system niya. Secondhand lang kasi yun sa Japan Surplus. Pero kahit luma na, siya yung naging katuwang ko sa paggawa ng exams at mga memo. Yun nga lang, hindi siya nakisama nang araw na yun. Nanigas ako nang saglit. Pasahan na ng grades, nasa laptop lahat ng na-encode ko. Nandun lahat ng kopya ko. Para pakalmahin yung sarili, nilapitan ko yung co-teacher ko na maalam sa programming para itanong kung anong nangyari. Ang sabi niya, kelangang baklasin at i-reformat. Literal na gumuho yung mundo ko.

"Aba, hindi ko na problema yan." sabi sa akin ng coor ko nang ibalita ko sa kanya yung nangyari sa laptop ko.

Matagal akong nakatayo sa harap ng table niya pero hindi niya ako inimik. Bilang adviser ng dalawang section, wala namang ibang tutulong sa problema ko, kundi ako. Gumawa ako ng paraan para masolusyunan yung problema ko.

Nagsabi ako sa guidance at sa principal tungkol sa nangyari kaya pinayagan nila akong ipasa ang lahat sa Lunes. Habang sinisimulan lahat ng files, mula academics hanggang guidance, meron pang dalawang advisory class, nagbigay muna ako ng mga grade na sulat-kamay sa mga adviser ng hawak kong subject. Hindi intensyon ng papel na yun na gumawa ng masama. Ginawa ko yun para hindi mahuli sa pagpapasa ng mga requirement yung mga adviser, dahil wala namang may gustong maburá ang lahat ng files. Kahit naman sino, hindi gugustuhin yun.

"Ano ba yung binigay mong mga grade?" sabi sa akin ng coor ko nang makasalubong ko siya paglabas ng faculty room.

"Ma’am, yun po muna binigay ko kasi pinayagan na po ako ng principal." sabi ko.

"Bakit, siya ba coordinator mo?" pasigaw niyang sabi sa akin.

Sa totoo lang, hindi ko na alam kung ano yung aasikasuhin ko. Yung grades, yung laptop, o kung paano ko ipapaliwanag sa kanya na hindi talaga nabubuksan yung laptop ko. Gustuhin ko mang ipakita sa kanya na tapos na ako sa lahat. Hinang-hina na ako. Bagsak na bagsak na yung balikat ko. Ang nagawa ko na lang nang oras na yun ay yumuko sa table at umiyak.

Habang umiiyak, pumasok si Ma’am at sabing, "Ano yung sinasabi mong pinayagan ka ng principal?"

Lumapit ako sa kanya para hindi na siya sumigaw pero malakas pa rin yung boses niya na rinig na rinig sa buong faculty room, na rinig na rinig ng buong teachers doon.

"Tara samahan mo ako, tignan natin kung totoo yang sinasabi mo." pasigaw niyang sabi habang nakasunod ako sa kanya palabas ng faculty room.

"Sumosobra ka na." sigaw niya sa hallway.

"Ma’am, wala naman po akong ginagawa." mahinahon kong sagot.

"Ayus-ayusin mo yang sagot mo sa akin." habol niya.

"Ano po bang ginawa ko?" maayos kong sabi.

"Kahit kailan hindi ko sinagot yung coordinator ko nang ganyan." sabi niya bago kami makapasok sa SHS principal’s office.

Inaamin kong may mali ako, na nagbigay ako ng impormal na papel. Pero hindi naman para mapasamâ ang mga adviser at hindi ko yun gagawin para mapasamâ ang sarili. Ginawa ko yun para hindi sila ma-late sa deliberation. Nagtataas siya ng boses sa office. Nagagalit siya sa akin dahil umiiyak ako.

"Alam mo kung totoong ayaw mo silang ma-late, dapat may backup files ka." sabi niya pagkalabas na pagkalabas namin sa office.

"Ma’am, hindi ko naman po ginusto yung nangyari. Sino po bang may gusto nun?" sabi ko.

Bago pa lang siya pumasok sa faculty, sumisigaw na siya. Kaya hindi na ako pumasok sa loob. Wala namang problema sa akin kung ipahiya niya ako o ipagsigawan niya yung nagawa kong mali. Pero hindi ko kasi alam kung saan nanggagaling yung bawat paglakas ng boses. Alam kong normal lang naman ang may magalit at mapagalitan, pero alam kong hindi normal yung nangyayari.

Para pahupain yung emosyon ko, sa guidance office muna ako nag-stay. Nagpalipas ng oras para patahanin yung sarili. Wala pa sigurong sampung minuto, pumunta siya sa guidance, sumisigaw:

"Bakit nandito yan?"

"Bakit kailangang umiyak?"

Iyakin lang talaga ako, ang pag-iyak ay hindi pagkuha ng simpatya. Pinatutunayan nitong may malalambot lang talaga. Nasasaktan. Natatakot. At may puso. Tumitibok. Buháy. Nakakaramdam.

Saglit na saglit lang yung eksenang yun, pero parang ang tagal-tagal. Pagod na pagod na ako. Hindi ko alam kung saan ako lulugar. Nangangatog yung buong katawan ko, sana panaginip na lang yun. Na pagdilat ko, wala na. Na sana, matapos na yung araw na yun.

Palagi kong dinadasal na sana, makalimutan ko na yung nangyaring yun. Kabisang-kabisa ko pa rin kasi hanggang ngayon, nagpi-picture pa rin sa utak ko. Araw-araw kong naaalala, gabi-gabi akong hindi makatulog kapag biglang sasagì sa isip ko yun, at palaging yun ang dahilan kung bakit gusto ko na lang tumigil magturo.



Thursday, March 25, 2021

First Movie Date

 Inabutan tayo ng traffic sa Taft. Sakto lang naman yung alis natin kaso Biyernes pala nang araw na yun, rush hour pa. Tumatawag na sa akin yung organizer ng event, tinatanong kung nasaan na ako. Natataranta ako. Mahigpit kasi yung oras nila sa program. Meron na lang daw akong 10 minutes para makahabol. Sa Pedro Gil palang hindi na umaabante yung bus na sinasakyan natin. Tinanong din nila ako kung makakahabol pa ba ako, hindi ako sure. Hindi kakayanin yung palugit na oras para makarating sa Espanya. Nasa na Kalaw saka ako nakapag-decide. Kaya sinabi ko sa organizer na hindi na ako makaabot. Mabuti na lang naintindihan nila ako.

"Tara, ikot na tayo." sabi ko sa 'yo.

"Oh bakit? Hindi na tayo tutuloy?" tanong mo.

"Nagsabi na ako sa kanila." sagot ko.

Pumara ako saka tumayo, sinundan mo ako. Binaba tayo ng driver sa Lawton. Napansin mong medyo nanghinayang ako dahil malapit na tayo pero hindi na talaga kakayanin ng panahon. Baka mas traffic sa Quiapo, o baka pagdating natin dun e tapos na. Naiinis ako sa sarili ko. Dapat hindi ka na lang sumama. Humingi na rin ako ng sorry sa 'yo kasi nagsayang lang tayo ng pamasahe. At hindi ko rin naman kasi alam kung bakit palagi mo akong gustong samahan sa mga event na nai-invite ako.

Sabi mo, gusto mo lang. Ikaw rin naman nagsabi sa aking hindi ka sanay pumunta sa malalayo. Tapos lahat pa ng events ko, talagang malalayo. So, paano mo naging gusto yun? E ikaw naman yung kasama ko, hirit mo.

Niyaya na kitang dumaan sa underpass para tumawid, para doon na tayo sasakay ng FX pabalik. Kaso ang sabi mo, huwag na akong mag-alala dahil itwala namang sayang sa araw na yun. 

Hinawakan mo yung kamay ko. Alam kong gusto mong pakalmahin yung isip ko. Tinanong mo ako kung may gusto ba akong puntahan. Wala naman akong alam na pwedeng tambayán. Ikaw rin, walang ideya. Kaya naglakad-lakad muna tayo hanggang sa nakarating tayo sa Bonifacio Shrine. Nadaanan din natin ang SM Manila. Wala pa rin tayong gustong puntahan. Humakbang ulit tayo. Nalagpasan na rin natin ang PNU, TUP, Adamson. Wala talaga. Nagpasya na tayong kumain na lang, nang may nakita tayong guard na nagpapapasok ng mga tao sa building nila. Tinignan natin kung anong meron.

Sinehan. Cinematheque. Nagtinginan lang tayo. Mga matang nagsasabing, tara nood tayo. Nagkataon pang may exhibit para kay Lino Brocka. May maganda naman palang kapalit yung pagka-badtrip.

Nasaktuhan natin yung screening ng Maynila sa mga Kuko ng Liwanag, limang minuto na lang bago mag-start. Manghang-mangha ako dahil fifty pesos lang yung bayad. Naghahalo ang saya at luha ko. Masyado namang mabait yung pagkakataon sa akin. Sa atin.

Umupo na tayo. Patay na ang lahat ng ilaw. Liwanag na lang ng screen ang tumatama sa mga mukha natin. Bumulong ka sa akin, "'Di ba sabi ko sa 'yo, hindi sayang yung lakad natin."

Nginitian kita. Hiniling nang sandaling iyon, sana palagi kitang kasama.



Wednesday, March 24, 2021

Pageant: Objectifying, not Empowering

"As a result, the Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Free Movement of New Women), or MAKIBAKA, was founded in 1970 by none other than Maria Lorena Barros. The first action of MAKIBAKA was to hold a picket in front of the Araneta Coliseum where the Binibining Pilipinas beauty pageant was taking place. The protest brought together women from various youth orgs to rally against the commodification of women."

(https://redvoice.news/makibaka-the-legacy-of-lorena-barros-and-militant-feminism-in-the-philippines/)

Noon pa man, alam na natin na ang layunin ng beauty contest ay i-objectify ang mga babae at hindi para i-empower. Kung meron mang magsasabing empowering yun, sino muna? Paano? At para kanino?

Imagine, para makasali sa pageant, kailangang pasok ka sa standards nila. Kasama sa form na sasagutan mo ay kung ano ang weight at height mo. Lalakipan mo rin ng isang close-up at whole body picture mo. Saka magkakaroon ng screening sa lahat ng nagpasa. At ilan pang mga elimination. 

Ite-train ang lahat para maging maganda ang tindig at postura. Kung paano ang tamang paglakad gamit ang 6-inch heels nang hindi natitisod, kung paano humawak sa baywang sa paraang nakapatong lang ang mga ito sa iyong balat at hindi naninigas ang mga kamay, kung paano igalaw ang balakang para makuha ang perpektong ikot, ituturo din ang tamang pagtalikod sa mga nanunuod, mauunang umikot ang mga balikat kaysa ang mukha. May mga araw na gugutumin ang sarili at mapapagod para lang mapalabas ang muscles at abs. Hindi ka pwedeng tumigil sa pagngiti at pagkaway kahit nangangalay ka na.

Sinala nang sinala ang mga napili, hanggang sa iilan na lang ang nasa entablado. Sila itong kailangang maging mahusay sa talent na pinili nila, sa pagsasalita, maging matalino sa pagsagot ng tanong, magkaroon ng sariling tatak na rampa, kayang dalhin ang brands at sponsors ng contest, maging paborito ng crowd, hanggang wala nang natira para sa sarili. Dahil hindi naman ito para sa sarili.

Hindi dapat ginagamit ang mga babae para maging dekorasyon lang sa entablado. Pararampahin para pagpilian. Nagdusa. Hindi kailangang magpaligsahan ang mga babae para patunayan na mayroong isang higit na babae. Kailangang igalang at tanggapin ang mga babae hindi dahil lang sa matangos ang ilong niya, o maputi ang kanyang balat, o tuwid ang buhok, o maganda, matangkad, balingkinitan.

Higit pa sa korona, titulo, tropeo, at sash ang pagiging babae. Nasa baba ng entablado ng beaucon ang tunay na laban. Ang laban natin ay para wakasan ang diskriminasyon, hindi pantay na pagtingin sa kasarian, pang-aabuso, at inhustisya. Gamitin natin ang pula nating lipstick para isulat ang ating mga panawagan. 

Hindi natin kailangang rumampa para sa kanila para makaabante. Hindi mga kapwa babae ang ating kalaban, kundi ang pasista, patriyarkal at macho-pyudal na lipunan. Silang mga nagdikta ng pamantayan ng pagiging babae.




Tuesday, March 23, 2021

Sa Iyo Lang Ako Nakatanggap ng Rosas

 Niyaya kitang manuod ng sumasayaw na fountain pagkatapos ng event natin sa Luneta. Bata pa kasi ako nung huli akong makanuod nun. Hindi rin naman ako nagagawi sa Kalaw nung college ako. Kaya nakiusap ako sa iyong tapusin natin kahit isang kanta. Pero nang matapos yung unang kanta, sabi ko, isa pang kanta. Ang sabi mo, iisa lang ang galaw ng mga ilaw at tubig sa lahat ng kanta. Nagkamali ka, nag-iiba ang indayog sa bawat musika.

Pagharap ko sa iyo, may inabot ka sa aking isang pirasong rosas. Maliit na surpresa. Tinawanan kita. Tinanong kung para saan yun. Kung anong meron. Hindi ko kasi alam kung ano dapat ang maging reaksyon dahil yun ang unang beses na nakatanggap ako ng bulaklak galing sa lalaki. At kilala mo rin ako, ako yung tipo ng babaeng sasabihin sa iyong 'wag ka nang gagastos para lang mabilhan ako ng bouquet. Hindi naman bouquet yun, at hindi rin mahal. Hindi ko rin pala dapat tinanong kung para saan yun, dahil hindi naman palaging kailangang may okasyon para makapagbigay tayo sa taong mahal natin.

Kay Ate ka bumili, kamo. Tinuro mo yung naglako sa iyo. Tinanggap ko yung binigay mo. Hirit mo pa, ngayon ka lang bumili ng bulaklak sa buong buhay mo. Umalis tayong nakangiti kasabay ng iba pang mga tulad nating mayroong bagong kuwento dahil sa rosas. Bagong okasyon. Bagong sandali.

Pagkauwi natin, kinuha mo agad yung bote ng alak na naubos natin nung isang gabi. Inigiban ng tubig. Saka binabad doon ang rosas. Nilagay mo sa tabi ng computer. Para palagi nating nakikita.

Ang rosas ang sumasalubong sa araw-araw natin pagkagising sa umaga. Buháy na buháy. Kaso may isang gabi pagkauwi natin galing sa trabaho, kulay itim na ang dating mapupulang talulot. Bagsak na ang tangkay niya.

Hindi ko pinatapon sa 'yo kasi bigay mo sa akin yan. Hayaan ko na, ang sabi mo. Pwede ka namang bumili na lang. Pero yun kasi yung unang rosas ko, at rosas mo.

Wala nang tubig ang bote. Tuyôt na ang rosas. Ilang araw din yung lumipas saka ako pumayag na itapon mo. May hangganan naman talaga ang bagay na may buhay. Oo nga no, kaya hindi artificial flowers ang binibigay sa mga mahal nila dahil hindi yun totoo. Pero kapag tunay naman, namamaalam.

Kung ganun, patunayan nating rosas lang ang nalalanta, at hindi ang pag-ibig natin.


Monday, March 22, 2021

May Fruit Salad sa Bahay-Kubo

 Nasa labas kami palagi kapag nagbabakasyon sa Badduat. May iba sa pakiramdam. Parang ang layo-layo namin sa Cavite. Malayo naman talaga. Kapag titingala ka sa gabi, parang ang lapit-lapit ng langit. Parang isang angat mo lang ng mga kamay mo, masusungkit mo na ang mga bituin. Kapag tanghali naman, nakaangkas ang araw sa likod namin, sasama kami sa mga pinsan namin para mamitas ng mga tanim.

"Mabubuhay kayo sa Apayao kahit hindi bumibili ng pagkain." sabi nila. Lingon-lingon ka lang sa paligid, sa bawat pagtingala at pagyuko, may pwedeng kainin. May palay para maging kanin, may mga pananim, at may mga isda at alimasag sa ilog. Masusustansyang pagkain. Kaso ang problema, hindi ako kumakain ng gulay, may mga tindahan naman na pwedeng bilhan ng mga pagkaing hindi galing sa kalikasan: noodles, de lata, softdrinks, juice, chips, biskwit. Kapag gusto mo ng hotdog, tocino, burger patty, nuggets, mamimili ka lang kung bababa ka sa Tuguegarao o aakyat sa Sentro.

Pwede namang hindi ako kumain ng gulay, may mga prutas naman. 

1. Papanoorin namin yung tita namin kung paano magbalat ng pinya. Hihiwain ang tangkay, hahatiin sa gitna. Paparte-partehin kung ilan kaming may gustong kumain. Masarap na kombinasyon ng asim at tamis.

2. Aakyat yung tito ko sa mataas na punò para ikuha kami ng buko. Ipapatikim nila sa amin yung hindi ko natikman sa lungsod. Yung juice ng buko ilalagay sa pitsel, at saka hahaluan ng condensed milk at evaporated milk, tapos lalagyan ng maraming yelo, bagay na bagay sa panahon ng tag-init. Sa gilid-gilid lang kasi kami ng Maynila nakakabili ng buko juice o kaya sa mga stall ng mall na nagbebenta ng buko shake.

3. Maraming punò ng mangga sa gilid at likod ng bahay namin doon. May native, may indian. Kami na ang umaakyat dahil mas madali. Ang kalaban lang namin ay mga antik. Doon ko na-discover na masarap pala ang sukanh Ilocos.

4. Kahon-kahon yung box namin ng rambutan. Para lang manî sa dami. Hindi ko pa nakikita kung paano pinipitas yun. Hindi ko rin alam kung saan banda yung taniman namin ng rambutan.

5. May tambakan kami ng saging. Kapag gusto mong kumain, kukuha ka lang doon. Nakalagay sa ibabaw ng mga panggatong. Hindi ko alam kung para saan, baka para mahinog? Naalala ko nung nagkasakit ako sa probinsya, saging yung tumulong sa akin. Hindi kasi ako marunong lumunok ng gamot. Ang gagawin ko, mag-i-slice ako ng saging, ipapasok sa loob nun ang tableta, saka ko lulunukin. Solved.

6. Lalabas kaming magpipinsan para pumunta sa old house. Aakyat kami sa taas para lang mamitas ng abokado. Magtutulakan pa kami kung sino ang mauuna dahil sa paligid ng old house, may mga puntod ng mga kamag-anak namin. Sabihin lang daw namin ang "Barre, barre." Tabi-tabi po nila. Magpakilala rin daw kaming anak kami ni ganito at saka dumura sa dahon para hindi kami galawin ng mga elementong nakatira doon.

7. Isa sa paborito ko ang suha. Para siyang orange at dalandan pero malaki. Makapal ang balat, malalaki yung pulp. Kaya mong paghiwa-hiwalayin. Masarap isawsaw sa suka.

8. At ang pinakapaborito ko sa lahat, yung cacao. Mahaba itong kulubot ang balat. Patulis yung magkabilaang kanto. Kulay maroon. Doon ko unang nakita yun. Para siyang nanay na maraming anak. Kapag binuksan mo, maraming bilog-bilog sa loob, yun yung kinakain, at sa bawat bilog may buto. Ang pinakamasaya kapag kumakain ng cacao, iniipon namin yung niluluwang mga buto. Pwedeng itanim ulit, o pwedeng patuyuin at gawing chocolate.

Kapag babalik ulit kami doon, mag-uuwi na ako ng marami. Magpapamigay sa mga kapitbahay. Ang sarap lang alalahanin na libre lang ang mga prutas doon. Hindi ka pa mauubusan. Dito kasi, ang mahal-mahal na. Kalsada na yung dating lupang pwedeng pagtaniman, mga bahay na yung mga punong dating pwedeng pitasan. Para lang maging healthy, dapat may pera ka. Yung mga affordable na lang kasi ditong fruits, kung hindi syrup flavor e mga naka-powder na.



Sunday, March 21, 2021

Hashtag Earth Day Jam

 Pumunta kami ng bespren ko sa Earth Day Jam, 5 years ago. Akala ko kasi, para sa advocacy. Maganda naman sana na may mga event para pag-usapan ang pag-aalaga sa kalikasan. Na maganda sana yung pagkakataong yun para hikayatin ang lahat na ingatan ang mundo.

Pagdating namin sa MOA, punô ang seaside. May pamilya, magkakapatid, magtotropa, magjowa. Halo-halong tao. Siniksik lang namin yung sarili namin para makalapit kahit kaunti sa stage. Maliban sa gusto naming makinig ng music, e gusto rin naming makinig sa guest speakers. Pero wala akong naintindihan sa ingay ng nasa paligid, dahil hindi naman interesado yung mga tao. Aminin natin, banda ang pinunta nila doon.

Mahabang gabi ang tugtugan. May nagyoyosi at nagve-vape sa kaliwa't kanan. May mga bokalista sa stage na ibubuhos ang inuming tubig sa audience, at ginaya na rin ng ibang mga nanunuod. May nagpapalipad ng inihipang condoms. May pa-fireworks. Wow, Earth Day.

Hindi na namin tinapos yung gig. Umupo muna kami para ipahinga yung binti at tuhod namin bago umuwi. Tanaw ko sa malawak na kalsada ang maraming balat ng sitsirya, ng mga bote at lata. Mga iniwang kalat ng mga taong nanuod ng Earth Day Jam.

Kaya, hindi na ulit ako pumunta sa ganung klaseng program. Nang sumunod na taon nun, nabalitaan kong binanggit sa Earth Day Jam na suportahan daw ng mga nanunuod ang Clark New City. Galing yun sa isang guest speaker. Saan naman tayo nakakita ng Earth Day Jam pero pinapayagang kalbuhin ang palayan, ang patagin ang mga bundok, at putulin ang mga puno?

Marami namang paraan para i-celebrate ang Earth Day. At hindi sa event na pagmumulan ng usok ng yosi at vape, o ng sinasayang na tubig, o ng lobo at mga paputok, o ng mga nakakalat na plastic, bote, at lata, lalong hindi para i-promote ang mga infrastructure at ibang proyekto ng mga korporasyon na patuloy na sumisira sa kalikasan at nagpapalayas ng mga katutubo.

Simulan natin sa simpleng alam natin, ibulsa ang kalat kapag walang basurahan. Hindi sa lupa o sa dagat. Iwasan ang paggamit ng plastic. Hanggang sa, hikayatin natin ang iba na protektahan ang mundo. Tutulan ang mga kompanyang patuloy na nagtatayo ng subdivision, gusali, at dam nag nagdudulot ng pinsala sa kalikasan pati sa mga tao. At panagutin ang lahat ng kapitalistang patuloy na winawasak ang mga anyong lupa at anyong tubig.



Saturday, March 20, 2021

Baka Hindi talaga Tayo Compatible sa Isa't Isa?

 "Libra is a talker, and some are constantly fishing for feedback, which will surely drive Taurus crazy. To relax, Taurus likes to chill and not respond, and this can become a source of conflict for this pair." (https://www.liveabout.com/taurus-and-libra-love-compatibility-207185)


Yan yung lumabas sa internet nang i-search ko kung compatible ba tayo sa isa't isa. Hindi naman ako naniniwala sa mga ganyan at sa mga binibigay sa atin ng mga horoscope sa dyaryo, pero bakit palaging malapit sa totoo? Alam kong hindi nakasalalay sa araw ng kapakanakan, o ng mga posisyon ng bituin sa kalawakan, o ng mga guhit sa palad ang mangyayari sa buhay natin. Dahil tayo naman talaga ang gumagawa ng sarili nating kapalaran. Pero sa oras na ito, gusto kong maniwala sa sinagot sa akin ng google.

-

"Kelan ba tayo lilipat?" tinanong kita. Hindi mo ako pinansin. Kaya inulit ko yung tanong ko. Hindi mo pa rin ako sinasagot.

"Narinig mo ba yung sinabi ko?" kako. Oo ang sabi mo. "E bakit hindi ka sumasagot?"

Iniisip mo pa, kamo. Habang naglalaro ka ng NBA sa cellphone mo. Hinintay kong matapos kang mag-isip pero hindi ka na nagsalita. 

"Ano na?" ulit ko. Hindi ka ulit umiimik. "Nananadya ka ba?" hindi ko nakontrol yung sarili ko. Naglalaro ka pa rin.

"Ayaw mo ba? Kasi ako, ok lang naman ako dito. Hindi ko naman kelangang sumama sa 'yo." Hindi ko na maitikom yung bibig ko. "Ikaw lang naman may gusto nun 'di ba? Nahihiya lang ako sa 'yo."

"Kilala kita, sasagot ka naman e. Kaso tuwing ayaw mo ng tanong, palagi kang nagpapanggap na walang naririnig." at tuluyan na akong sumabog.

-

Ang problema talaga namin, hindi namin pinag-uusapan yung problema namin. Para sa akin, meron. Para sa kanya, wala. Maraming beses na akong nag-open sa kanya pero pumapasok lang sa isang tenga niya saka lumalabas sa kabila. Palagi akong walang nakukuhang solusyon. Dahil ang gusto niya lang, dapat masaya lang kami. Ako palagi ang humaharap sa problema kapag tinatalikuran niya. Kapag hindi siya ok, sinasalo ko siya. Kapag ako naman ang hindi ayos, hindi ko siya malapitan kaya sa iba ako pumupunta. Hanggang sa hindi ko na kayang buhatin. Ganito pala kapag wala kang kasamang magdala ng problema. Hindi pa nga naaayos yung una, meron na ulit, parami nang parami. Pabigat nang pabigat. Naipon na ang lahat ng bagahe sa dibdib.

-

Kanina, tinanong kita, "Kung pasusulatin ka tungkol sa zodiac signs, anong isusulat mo?" hindi mo ulit ako pinansin. Inulit ko. Tumingin ka. Hanggang sa nakaidlip na lang ako.

Sa huling pagkakataon, tinanong ulit kita. Sumagot ka. Marami. Mahaba. Tinawag mo ako. Hindi ako lumingon. O nagsalita. Tinawag mo ulit ako.

Wala na akong naririnig.

Ayoko nang magsalita.



Friday, March 19, 2021

Mga Tunay na Anak ni Inang Bayan

 Iniluwal ng inang bayan ang kanyang mga anak. Hinele. Pinatahan. Tinuruang maglakad, tumayo sa sariling mga paa. Tinuruang magsalita. Ang magbilang. Ang maging malakas at matapang. Binigyan mo kami ng tahanan at makakain. Ng mga kailangan namin. Dahil ang sabi mo, kapag kaya na namin, kami na ang bahala sa lupain mo, sa himpapawid, at sa karagatan. Ipinagkaloob mo sa amin ang kalikasan. Kami ang pinagkatiwalaan mong mamamahala sa iyo.

Kaso nakalimot yata ang ibang anak mo, hindi kapatid ang turing sa amin. Kundi mga kalaban. Ilan sa kanila ay piniling maging bulag na panatiko, sinasamba nila ang haring natutuwa kapag may dumadanak na dugo, nananalig sila na ang kanilang poon ang mag-aahon sa kanila. 'Di ba ang sabi mo 'wag na 'wag kaming mag-aaway? Hindi naman kasi sila nakikinig, o tumatanggap ng paliwanag, hinihingan pa nila kami ng ambag. Pero sa totoo lang, pare-pareho lang naman kaming nagdurusa. Inaalipin kami ng mga nasa itaas. Akala ko ba pantay-pantay dapat kami dito? Bakit may ibang nasa palasyo? Silang mga ganid sa kapangyarihan, ayaw umalis sa trono. Pinaliligiran kami ng mga baril at chapa. Sa isa lang kami sigurado, wala kaming kadugong trapo, berdugo, at mamamatay-tao.

Wala na kaming matirhan at makain. Pinagdadamot sa amin ang mga bagay na kailangan namin. Malapit na ring maubos ang lupain, inaangkin na rin ng dayuhan ang himpapawid at karagatan. Hindi na kayang ilista sa papel ang lahat ng inutang. Nawawala ang 15 billion. Patag na ang mga bundok, may kemikal na ang mga ilog.

Kaya papatunayan namin sa 'yo na kaya na namin. Lalaya kami dahil sa lahat ng tinuro mo. Tinuruan mo kaming tumayo sa sariling mga paa para lumaban at ipagtanggol ang mga sarili. Tinuruan mo kaming magsalita hindi para patahimikin. Natuto kaming bumilang ng isa hanggang sampu, at lagpas na sa mga daliri ng kamay at paa namin ang kanilang mga pinaslang, hindi ko na mabilang ang lahat ng pinagbintangang nanlaban. Kaya marami pa rin sa amin ang hindi pa kayang tumahan. 

Ihele mo sana kami upang hindi kami mapagod. Mas malakas at mas matapang na kami ngayon. Kakawala kami sa mahigpit na pagkakagapos.



Thursday, March 18, 2021

Ang mga Babae ay hindi Babae Lang

 "Ang pagkatao ng isang babae ay hindi nasusukat sa kanyang pagiging birhen, sa haba ng kanyang biyas, sa halina ng kanyang ngiti, o sa indayog ng kanyang balakang. Ang tunay na sukatan ng kanyang pagkatao ay ang kakayahang ibahagi ang sarili sa paglilingkod sa kapwa at palayain hindi lamang ang kanyang kasarian kundi ang lipunang kanyang ginagalawan." -Lorena Barros, manunulat, guro, aktibista

Ang sabi ng ibang tao, dapat maganda ka, pati ang hubog ng katawan, para tanggapin it ng kalalakihan. Sa loob ng bahay namin, sinabi sa akin ni Papa noon nung hindi pa kami okay, hindi kita kailangan, hindi ikaw ang magdadala ng apelido ko.

Na ayaw kong paniwalaan sa mga lalaki. Dahil palagi silang may pamantayan ng pagiging babae. Na dapat ito ka o iyan ka, at kapag hindi, hindi ka kinikilala. Kilalanin man pero asawa ni ganito o kapatid ni ganyan. Maliit ang tingin nila sa mga gaya namin.

Ang mga babae ay mga babae, at hindi babae lang. Hindi kami para lang sa runway o sa harap ng lente ng kamera, hindi namin kailangang hulmahin ang hubog ng katawan at ayusin ang itsura ayon sa idinidikta ng lipunan. Hindi namin trabaho ang ngumiti at kumaway para maging kahali-halina. Lalong hindi kami para lang sa kusina, o sa lababo, o sa harap ng planggana at balde. Higit pa doon ang kayang gawin ng mga babae, kaya naming umangat, manguna, at mamuno. Hindi kami mga dekorasyon sa entablado at sa sariling tahanan. 

Marami kaming kayang patunayan. Kami rin ay mga guro, magsasaka, inhinyero, arkitek, doktor, mga manggagawa, ina, anak, kapatid, mabuting tao. 

At, hindi tungkulin ng mga babae ang magdala ng apelido dahil kaya naming gumawa ng sariling pangalan. Gagamitin namin ang aming mga tindig para kondenahin ang bulok na sistema, ang aming mga labi para magbigay ng opinyon at maging boses ng mga taong hindi pinagsasalita, ang aming mga kamay para ikuyom ito at iangat ang mga panawagan, at ang aming mga paa para maglakad sa mahabang kalsada. Ang kalsada ang aming entablado. Hindi para rumampa, o magpaligsahan, o magpahabaan ng buhok, o magpataasan ng takong, magsasama-sama kami, nakakapit-bisig, para palakasin pa ang isa't isa. Para sa aming mga karapatan. Para makalaya. Para sa bayan. Aabante palagi ang mga babae!



Wednesday, March 17, 2021

Tom's World, Quantum, o Kidzania?

  Marami na namang bata dito sa bahay: si Flesha, Shanelle, Anisha, Em-Em, Precious, at Vaineber. Sayang si Carly lang ang kulang. Kaya gumawa kaming magkakapatid ng pakulo. Ang gulo na naman kasi, ang kalat ng mga laruan, at nagtuturuan sila kapag pinagliligpit. Bumili kami ni Rommel kanina ng mga gamit na magugustuhan nila. Laruan, school supplies, pangtali sa buhok, tsinelas. Para sipagin sila, ginaya namin ang Tom's World at Quantum. Kailangan nilang magkolekta ng points para makabili ng gusto nila.

Para na rin hindi sila mabagot sa bahay dahil lockdown na naman. Last year kasi, nagtanong na lang bigla si Anisha kung bakit nawalan na ng pasok. Bakit hindi pwedeng lumabas at makipaglaro? Ano yung COVID? Walang bang gamot dun? Sa tagal nating kinulong sa kanya-kanyang tirahan, bakit daw bawal pa rin pumunta sa school. O sa mall. O mag-commute. Boring daw. Wala na na raw siyang magawa sa bahay. Baby Shark lang ang alam nilang isayaw ni Precious dati, ngayon nasa tiktok na.

Kaya ito ngayon, ginawan namin sila ng bagong pagkakaabalahan. Matagal-tagal nilang gagawin 'to. Bawat gawaing bahay, may points na pwede nilang ipunin para pang-redeem. Maghugas, magwalis, magligpit ng laruan, mag-ayos ng mesa, gumising nang maaga, bibili sa tindahan, at kusang mag-module. Mas mataas yung points ng pagsagot sa module para ganahan naman sila, lalo na si Anisha. Para hindi na rin ma-highblood si Mama at Papa sa kanya. Minus naman kapag ginawa nila ang mga bawal: mag-away, mag-tablet, mag-TV, at magturuan. Dinagdag namin na kapag may iiyak e minus 10. Pagkasimula palang kasi nila, may umiyak na. Inagawan daw ng trabaho.

Yung time card yung magsisilbing tickets nila, wala kasi kaming nahanap na toy money. Dun isusulat yung mga nagawa nila at yung points na nakuha nila. Pag tapos na sila, lalapit lang sila sa akin o kaya kay Maria o kay Buninay para magpalista. Sakto din naman 'tong ginagawa nila, hindi ko na sila nadala sa ulit Kidzania dahil nagka-COVID na. Doon, tuturuan silang magtrabaho para sumahod. Magluto, mag-alaga ng baby, maging model, bumbero, mag-design ng cupcake, gumawa ng coke, ng ice cream. At meron din silang day-off: pwede silang pumunta sa salon, sa art gallery, kumain, at babayaran naman nila yung staff/crew na naglingkod sa kanila mula sa nakuha nilang sweldo.

Day 1 palang, ang aliwalas nang tignan ng bahay. Malinis. Nakaayos ang mga gamit. Nakatabi ang mga laruan. Ginagawa nila nang kusa yung gawaing bahay. Nag-e-enjoy. Hati-hati sa trabaho para lahat may puntos. Ito na lang muna yung pwede naming ituro at ipagawa sa loob ng bahay hangga't hindi pa ayos sa labas. Sino kaya unang magke-claim ng reward?


Tuesday, March 16, 2021

Kung Paano Siya Nakinig

 Tinanong ako ng prof ko dati kung kumakanta daw ba ako, sabi ko, hindi. Hindi siya naniwala sa akin. Maganda raw kasi ang boses ko. Pinakanta niya ako, pero hindi ako kumanta. Hindi naman talaga ako kumakanta.

Marami na rin akong naging estudyanteng nagtanong sa akin kung singer daw ba ako. Hindi ulit ang sagot ko. Dahil hindi naman talaga. Hindi daw halata sa boses ko.

Siguro, dahil gusto nila ang boses ko? Magaan. Manipis. Malumanay. Hindi tunog ng nabasag na pinggan, o ng hinahampas na tambol, o ng latang walang laman. Ang hindi kasi nila alam, wala ako sa tono.

Bata palang kami, palagi na kaming pinapakanta ni Papa sa harap ng buong kamag-anak namin, o minsan ng mga bisitang kaibigan nina Mama. Marami akong alam na kanta. Tinuturuan ko yung mga kapatid at pinsan ko, pero tinatawanan lang nila ako kasi hindi naman ganun ang pagkanta. Maggitara na lang daw ako.

May final project kami sa Music nung hayskul ako, pumili raw kami ng paborito naming kanta, at kailangang i-perform yun. Mabuti na lang, sa teacher lang namin ire-recite. Mahinang-mahina ang boses ko para hindi marinig ng mga kaklase ko.

Nung audition sa pageant nung college ako, ang talent na ginawa ko ay singing. Kinanta ko yung compose ko habang naggigitara. Malakas yung loob ko dahil wala namang magsasabi sa aking wala ako sa tono, e sarili kong kanta yun e.

Kumakanta naman ako pero sa sarili ko lang. Mas maraming beses na umawit ako sa utak ko at minsan sa CR. Natatakot kasi akong mahusgahan ulit ang boses ko. Ang tono ko.

-

Nung unang taon ng trabaho ko, sa SPED ako nagturo. Meron akong estudyanteng may cerebral palsy. Hirap siyang maigalaw ang katawan niya. Kapag ihahatid na siya, kailangan ko siyang buhatin papasok sa room. Singbigat ko siya. Papaupuin ko muna siya. Huhubarin ang sapatos. Saka isusunod ang occupational therapy.

Noong una, hindi ko talaga alam kung bakit hindi niya ginagawa yung activities niya. Inaalalayan ko muna yung naninigas at nanginginig na mga kamay niya. Kinakausap ko siya palagi, nakatingin lang siya sa akin. Hindi siya nakakapagsalita, mga mata niya lang ang nagpapahiwatig na may gusto siyang sabihin.

Sabi ng co-teacher ko, kantahan ko raw siya. Kaya nung sumunod na araw, kinantahan ko siya. Nakangiti siyang hawak-hawak ang shape na ipapasok sa box na singhugis ng hawak niya habang nakikinig ng The Wheels on the Bus. Sinunod ko ang Johny, Johny, Yes Papa. Ang ABC. Tumigil ako. Naubusan na ako ng kanta. Huminto rin siya sa activity niya. Kaya, kinanta ko agad ang Twinkle Twinkle Little Star kahit alam kong pampatulog sa mga bata yun. Ngumiti ulit siya saka tinuloy ang ginagawa. Para sa kanya, uyayi sa gabi ang boses ko.

Naghanap ako ng mas maraming nursery rhymes sa youtube, ayokong makitang mawala yung saya niya. Inalala ko yung mga dating alam na kantang pambata, kinabisa. Row, Row, Row Your Boat, Humpty Dumpty, Old Mac Donald had a Farm, Incy Wincy Spider, Rain, Rain Go Away. Pinarinig ko rin sa kanya ang mga Filipino para hindi mahinto yung activities namin, Chikading, Ang mga Ibon na Lumilipad, Ako ay May Lobo, Ang Pusa, Tatlong Bibe, Sampung mga Daliri, Paa, Tuhod, Pen Pen de Sarapen, Sitsiritsit, Leron-leron Sinta, Bahay-Kubo, Kung Ikaw ay Masaya, Tong Tong Pakitong-kitong, Paruparong Bukid.

Pareho kaming nakangiti habang tinatapos yung therapy niya. Pinalakpakan niya ako pagkatapos. Palakpak na galing sa puso. Palakpak na hindi nanghuhusga. Kahit pala wala ako sa tono, meron pa ring gustong makinig sa boses ko.


Monday, March 15, 2021

Hindi Ko Naranasan ang Prom

 Hindi naman ako marunong sumayaw. Hindi ko nga naranasan yung prom kaya hindi ko naranasang maisayaw ng lalaki. Hindi ako nakapagsuot ng mahaba at kumikinang na gown nung nag-aaral pa lang ako. Na lagyan ng make-up ang mukha, maglagay ng pekeng pilikmata, at magsuot ng matataas na takong para maghanda sa mga grand ball. 

Lumapit ka sa akin para ialok ang kamay mo. Tinignan ko lang muna, at saka inabot ang pinagpapawisan kong palad. Nasa gitna tayo ng kwarto. Inilagay mo ang mga kamay ko sa balikat mo, at ang iyo naman ay sa bewang ko. Sumabay lang ako sa ‘yo, ang sabi mo. Kinakabahan ako dahil baka matapakan ko ang mga paa mo. Mas rinig ko pa ang tibok ng puso ko kaysa ang musika.

Hinakbang mo ang iyong kanan, isinunod ang kaliwa. Kinukutuban ko lang ang maliliit mong hakbang. Sinabayan ko nang marahan ang iyong mga galaw. Unti-unti, nasa himig na ang ating mga galaw. Dahan-dahan mo akong iiikot, sasaluhin ang likod, ilalapit sa iyo. May sarili nang mundo ang ating mga paa. 

“Ikaw lang ang nakasayaw ko.” binulungan kita. Nakita ko sa kinang ng mga mata mo ang ngiti ko. Para akong prinsesa. Para na rin akong nasa JS prom at grand ball. Salamat sa munting karanasang ito. 

Mas malapit na tayo sa isa’t isa. Wala na tayong sinabi. Tanging mga galaw na lang natin ang mga nag-uusap. Mas malakas na ang ritmo ng ating mga puso. Pwede bang huwag na tayong huminto? Pwede bang huwag na tayong bumitaw?



Sunday, March 14, 2021

Gaano na Tayo Katagal Nakadungaw sa Bintana?

 Eksakto isang taon ngayong araw simula nang mag-lockdown dito sa atin. Ikinulong nila tayo sa kanya-kanyang bahay. Isinara natin ang mga pinto at maski tayo ay binalot ng takot kaya hindi na natin sinubukang tumapak sa labas. Ang nagawa lang natin ay dumungaw sa bintana. Hanggang sa maging maayos ang lahat. Umaasa tayo na sa mga susunod na buwan ay wala na ang virus.

Wala naman talagang problema sa quarantine, sa totoo lang. Kung provided lahat ng gobyerno. Kung binigyan lang nila ang bawat pamilya ng pangangailangan sa araw-araw: pagkain, bigas, alcohol, face masks, mga vitamins. Hindi yung ayuda na pang-isang araw lang. Ipinaramdam sana sa atin ang 15 billion at lahat ng kanilang inutang. Edi lahat sana nasa loob ng tahanan. Habang hinihintay gumaling ang mga nasa isolation area.

Umpisa palang naman, hiningan na natin sila ng kongkretong plano. Na hanggang ngayon ay wala pa rin. Ang solusyon nila para puksain ang virus ay curfew, lockdown, liquor ban, magbantà, at pumatay. Dahas at pagkulong ang pinairal nila ngayong pandemya. Hindi na tuloy natin alam kung ano na ba talaga ang sakit na kumakalat sa lipunan.

Lahat naman ng tao sumusunod. Pero bakit galit na galit sila dahil nga pasaway daw ang mga taong lumalabas para mamalengke o kinailangang bumalik sa trabaho o maglakô ng kung ano-ano sa kanto, pero hindi sila nagalit kina Koko, Sinas, at Roque. Maawa na lang daw tayo. Hindi rin bakasyon ang pandemya para sabihing masarap ang buhay sa panahong ito. May mga pamilya nang walang maihain sa hapag, nabaon sa utang at bayarin, namatayan ng mga mahal sa buhay, walang hanapbuhay, nanlimos sa daan. Nasaan doon ang compassion?

Nakadungaw pa rin tayo sa bintana habang nakikinig ng balita. Minumura ng hepe at pinaghahampas ang mga lalaking gustong lumabas sa compound. Binilad sa araw at pinagpapalo ng yantok ang mga kamay ng tinatawag nilang pasaway. Pinarurusahan kahit ang mga nasa loob ng kanilang bakuran. Wala naman silang hakbang para matapos na yung COVID. Ang kaya lang naman nilang gawin ay arestuhin at pagmultahin ang quarantine violators. Nagtutulungan sila at nagsasaluhan ng kapalpakan habang tayo ang pinag-iinitan.

Nakadungaw pa rin tayo sa bintana. Binibilang ang pataas na pataas na kaso ng COVID. Nakaabang sa ayuda na hindi naman na dumating. Hinihintay pa rin ang bakuna. Bakuna na may isang daang porsyentong ligtas at tiyak na tatalab.

Napapagod na kaming dumungaw sa bintana. Hindi pa nga tapos sa unang COVID e mayroong na namang mga bagong variant. Lagpas kalahating milyon na ang may sakit. Ilang pamilya na ang namatayan. Ang nawalan ng trabaho. Ang nawalan ng tahanan. Pero wala pa ring kumikilos sa administrasyon. Hindi na namin kaya pang maghintay hanggang sa susunod na taon.



Saturday, March 13, 2021

Bansag Nila ay Bruha

 Nung bata ako, madalas akong biruing bruha. Dahil sa kayumanggi kong kulay at buhaghag kong buhok. Nasanay silang tawagin akong bruha kapag hindi ako maayos tignan. Ano ba yung bruha? 

Kung pagbabasehan ang kahulugan na binigay ng internet, ang bruha ay mga babaeng gumagamit ng kapangyarihan mula sa masama. Masama ba talaga sila? Sinong nagsabing masama sila?

Hindi naman talaga masasama ang mga bruha. Sila ay mga diyosa ng mahika. Makapangyarihan. Bruha ang bansag sa babaeng malalakas. Sa lakas nila ay hindi sila kayang talunin ng institusyon ng mga kalalakihan. Hindi nila kayang higitan ang kapangyarihan kaya ginawa silang masama ng patriyarkal na lipunan. Pinapangit. Dahil kahit kailan ay hindi piniling tumahimik ng mga babae sa panahong hindi sila pinagsasalita. Sa takot ng mga lalaki sa kakayahang mamuno ng mga babae, pinaratangan silang mayroong masamang intensyon. Gaya ng mga pinapanood sa atin noong bata tayo.

Kaya siguro walang bruho. Walang lalaking witch sa fairy tales. Palaging ang magkatunggali ay prinsesa at bruha. Isang maganda, isang pangit. Isang mabuti, isang masama. Parehong babae ang pinagbabangga, nagtatalo para sa lalaki. Sa huli, may isang magwawagi, at ang mga bruha ay binabato, binibigti, sinusunog. Pinapatay. Pinatatahimik. Winawakasan ang kapangyarihan.

Kaya doon sa mga nanlait sa aking isa akong bruha dahil pangit daw ako at mahina, walang mukha ang pagiging bruha. Wala sa kulay. Hindi kulubot ang balat. Hindi mahaba ang mukha. Hindi sabog-sabog ang buhok. Hindi itim. Hindi halimaw. Hindi masama.

Sa panahong bruha ang tingin kina Leni Robredo, Maria Ressa, Leila de Lima, Angel Locsin, Liza Soberano, Catriona Grey, at sa lahat ng babaeng patuloy na lumalaban para sa sariling karapatan ay may mga bruhong nasobrahan sa paggamit ng kapangyarihan, ng special powers. Silang mga gumamit ng kapangyarihan mula sa masama para pumatay at magpatahimik, para wakasan ang kapangyarihan ng mga babae na mamuno at magsalita.

Kaming mga bruha ay mananatiling makapangyarihan, malalakas, matatapang, at magiging boses ng aming mga nasasakupan.

“We are the granddaughters of the witches you weren’t able to burn.” (Tish Thawer, 2015)



Friday, March 12, 2021

Hindi Kasalanan ng Aming mga Damit

 Tuwing jogging, hinahabol ako ni Rommel para masabayan ako sa pagtakbo. Napapansin niya kasi, kapag nasa unahan niya ako, sinisipolan ako ng mga dumadaan, o binubusinahan ng mga sasakyan.

Napansin ko rin. At naiilang ako sa ganung sitwasyon. Kaya kapag may nakakasalubong ako, sa sama ng kanilang mga titig, hihilain ko agad yung laylayan ng shorts at top ko para pahabain, ibabagsak ang balikat, iiiwas ang tingin, at saka yuyuko. Tititigan ang katawan, ang sarili. Wala namang mali at masama sa damit ko. Pangtakbo ang outfit ko. 

May araw din na napadaan kami sa nakaparadang sasakyan ng rumorondang task force dito sa amin. May isang lalaki doon, sinundan ang katawan ko ng tingin, kinalabit ang mga katabi, itinuro ako, bumulong sa mga kasama. At kung ano man yun, tiyak na kabastusan ang lumabas sa bibig niya. 

Minsan na rin akong nasabihan ng kakilala:

"Ayusin mo nga yang suot mo."

"Hindi ka naman maganda, hindi ka naman sexy."

"Iayon mo yung damit ayon sa itsura mo."

Kapag ba hindi mahaba at makapal ang tela ay hindi na maayos? Hindi na ba presentable? Bakit ba sila ang nagsasabi kung ano ang dapat nating isuot sa ating mga katawan? Baka nakakalimutan nating may mga batang naka-pajama, dalagang naka-long sleeve at pantalon, at mga lolang nakabestida ang minolestya. Kahit maayos naman ang mga suot nila. Hindi kasalanan ng aming mga damit, kundi ng inyong mga titig, kindat, at sipol.

Mula sa:

"Palitan mo nga yang suot mo."

"Kinulang ka ba sa tela?"

"Malandi ka ba?"

Hanggang sa:

"Hi, miss."

"Anong number mo?"

"Pwede ka ba mamayang gabi?"

Takot ang maidudulot nito sa mga babae, kapag dadaan sa tahimik na kalsada o sa madilim na eskinita, mayroong nakaabang na pagnanasa. Ang iba ay lantaran pa nga. Gusto naman naming mapanatag, gusto naming magkaroon ng ligtas na lugar para sa amin. Na hindi na kami matatakot araw-araw o gabi-gabi. Hindi kailangang mag-adjust ng mga babae para sa mga bastos, manyak, at masasahol na tao. Isusuot namin ang mga damit kung saan kami palagay at komportable. Hindi ang ikli ng shorts o nipis ng tela ang magdidikta kung anong klaseng babae kami. Ang mga lalaki ang turuan nating pumikit. Sitahin sila sa kanilang pagkindat at pagsipol. Ang itigil ang pang-aabuso. Ang kanilang mga mata, utak, at libog ang may tunay na sala. Hindi kaming mga babae. Hindi kami.



Thursday, March 11, 2021

Singsing Lang 'Yan

 Inaawitan ako ni Anisha na bilhan siya ng singsing. Sabi ko, oo. Pagkatapos naming kumain, pinaalala niya ulit sakin na bilhan siya. Kaya pumunta agad kami sa shop. Joined force pa ang tatlo niyang ate para sa design na babagay sa kanya.

Hindi pa namin nababayaran, suot-suot na niya yun. Nasa loob pa lang kami, tatlong beses na niyang tinanggal.

"Huwag mong huhubarin sa daliri mo kasi mahuhulog yan. Kahit maliligo ka, 'wag mong tatanggalin para di mawala." sabi ko. Kaya isinuot ko ulit sa kanya yung singsing. Tapos hinubad ko, sinubukan ko lang kung maluwag sa kanya. Saktong-sakto naman. 

Pagkatapos bayaran, inabot ko sa kanya at siya ang nagsuot sa daliri niya. Aba, pagkalabas na pagkalabas namin sa shop, hinubad niya ulit at inulit ko na naman ang paalala ko sa kanya.

Bago kami sumakay sa kotse, tinignan ko ulit ang kamay niya. Nasa ibang daliri na yung singsing. At pinaalala ko ulit sa kanya yung sinabi ko. Paulit-ulit ako kahit nakakapagod. Kilala ko pa naman siya, lalong ginagawa kapag sinisita mo. Hindi ako nagkamali.

Yun na pala yung huling sulyap ko sa pinabili niya. Nagulat na lang kami nang sabihin niya sa loob ng sasakyan na nahulog yung singsing. Nagulat kaming lahat. Wala pang sampung minuto na nasa kanya.

Bigla kong naalala lahat ng gamit na binigay ko sa kanya: yung coloring book na naiwan niya sa grocery, yung laruan sa mcdo na naiwan niya sa mesang kinainan namin, yung mga kuwentong pambata na di ko na alam kung nasaan, marami na siyang naiwawala.

Hindi ko alam kung totoo yung sinasabi ng iba na kapag hinubad mo yung singsing na suot ng isang tao, magkakatampuhan kayo. Kasi, magkaaway na kami ni Anisha.

Lumilipas ang inis, oo. Dahil sa mga susunod na araw, meron na naman siyang hihilingin. At susunod na naman ako. Ngingiti pa lang siya sa bigay ko, alam ko sa sarili kong hindi ko na maaalala yung mga bagay na naiwala niya.



Wednesday, March 10, 2021

Ang mga Palay ang Kanilang Supling

 Tuwing gumigising kami sa umaga sa Apayao, makikita na namin si Amang na papasok sa bahay. Huhubarin ang suot niyang boots, long sleeves, at buri hat at saka susubo ng ngangà. Nagtanim siguro o tinignan ang palay.

Lahat kasi ng Amang doon, nagsasaka. Kasama nila ang kani-kanilang asawa sa kani-kanilang lupa. Pare-pareho sila ng suot. Pangproteksyon sa init ng araw at sa putik.

Kaya nilang pagsabayin ang pag-aasikaso sa kanilang mga anak o apo. Si Amang, kukuha ng kumot, itatali sa katawan, ipapasan doon yung pinsan ko para maisama niya. Lahat naman yata ng amang ginagawa yun.

Sabay nilang inaalagaan at binabantayan ang supling at ang lupa.

Kapag nagbabakasyon kami doon, nasa bukid o ilog lang kami. Namimitas lang kami ng prutas na gusto naming kainin. Tinuruan din kami ni Amang magbayó ng palay, magpakain ng baboy, baka, kambing, at kalabaw. Paborito naming gawin ay ang magpatuyo ng mais: maglalatag ng trapal sa kalsada, ibubuhos doon ang butil ng mga mais na nasa sako, saka ikakalaykay. Naranasan din namin ang biglang pagbuhos ng ulan, dali-dali naming isinako lahat ng nasa sahig pero mayroong mga butil na nabasâ na ng tubig. Tubig ang isa sa mga kinatatakutan nila Amang. Pinapanalangin nila na 'wag tumama ang bagyo tuwing panahon ng ani.

At madalas, tuwing malapit na ang ani, saka nga darating ang bagyo. Back to zero na naman. Wala nang kità, nalugi pa. Totoong mura nilang ibinebenta yung bigas at mga gulay, pambawi na lang sa binayó ng bagyo, magbabayad pa sila ng trak na magkakarga ng mga sako-sakong pananim pababa sa Tuguegarao. Tapos pagdating dito sa Maynila, doble o triple na yung presyo.

Mayroon pa palang isang delubyo, parang mga peste sa tanim, halimaw sa bukid. Mas malala sa tagtuyot at sa tag-ulan. Hindi na kami pinayagang maligo sa ilog dahil may mercury na raw dulot ng pagmimina. May petisyon din ang mamamayan doon sa pagpapatigil ng itatayong dam. Liblib na lugar ang Kabugao, nasa mataas na bundok, at sakaling unti-unting pasukin ng mga korporasyon, tiyak, hindi papayag ang mga ina na anihin at angkinin ng masasamang tao ang kanilang itinanim at matagal nang pinagtatamnam.


*Amang - tawag nila sa kanilang mama




Tuesday, March 9, 2021

Lola's Girl

 1. Ako raw ang paboritong apo ng Lola ko, sabi ng mga tita at tito ko. Sa dami raw naming magpipinsan, palaging ako yung gustong isama niya. Baka dahil ako palang yung pwedeng ibyahe, o ako yung batang hindi nagpapabili kapag lumalabas kami.

2. Dinadala ako ni Lola sa school na pinagtuturuan niya. Minsan, nandun lang ako sa table niya sa faculty room nila, at minsan pinapapasok niya ako sa loob ng klasrum niya. Sing-edad ko yung mga estudyante niya. Doon ko unang nakita ang lagpas na 50 na bata sa loob ng silid. Sa gulo at ingay nila, bumilib ako kung paano niya i-handle ang ganon karami. Ngayon, tulad niya rin akong Filipino teacher.

3. Marami kaming naging secret ni Lola. Tahimik lang ako kapag tinatanong ako ng mga tita at tito ko kung saan kami galing. Ang sabi kasi niya, 'wag akong maingay. 'Wag kong sasabihin kung saan kami pumunta. Sinama niya kasi ako nung nag-loan siya. Nabuking lang kami dahil pinagkalat kong maraming pera si Lola. 

4. Minsan naman, dinadahilan ni Lola sa mga anak niya na wala na siyang pera pero ang totoo meron. Kapag nagkakapera siya nasha-shopping kami e, at kumain ng mga gusto naming kainin. Ayun ang bonding namin.

5. Ako lang ang niregaluhan niya ng sapatos na de-gulong. Hindi ko yun hiniling sa kanya. Yung sapatos na yun ang isa sa mga pangarap ng kaedaran ko. Sinama niya ako sa Toy Kingdom para sakto ang sukat at para makapili ng design.

6. Kapag bumibisita si Lola sa bahay namin, hindi ko siya pinapayagang umuwi. Umiiyak talaga ako. Kaya ang ginagawa niya, doon siya natutulog. Nagdadala na lang siya ng mga damit at gamit niya para doon siya manggagaling sa amin bago pumasok sa trabaho. Madaling araw siya umaalis, habang tulog pa ako.

7. Minsan lang ako mag-request kay Lola. Gusto ko ng Nickelodeon lunch box sa Jollibee. Oo raw, sabi niya. Tuwing hapon, nakaabang na ako na ipapasalubong niya yun, pero wala. Halos isang linggo. Isang araw nakatulog na lang ako sa kakahintay sa kanya. Paggising ko ng umaga, inabot niya sa akin ang complete set ng Nickelodeon lunch box. Ang pagkakaalam ko, naghanap pa siya ng pera para mabili yun kaya ginabi siya ng uwi.

8. Pinaligo at pinagbihis ako ni Lola dahil sabi niya may pupuntahan kami. Tapos nagulat akong sabi niya, hindi na niya ako isasama. Kunwari, ok lang sa akin. Nasa sulok ako, nakayuko. Tinitiis na hindi maiyak. Pero hindi kinaya ng mga luha ko. Gusto kong sumama kay Lola e. Kaya sinama niya na ako.

9. Ang pinakamalungkot na gabi sa akin nung bata ako ay yung paalis na siya papuntang Amerika. Ang sabi niya, saglit lang siya doon. Ang sabi niya, dadalhin niya ako doon.

10. Dalaga na ako nang bumalik ulit siya dito sa Pilipinas. Nagbakasyon lang siya. Bumalik din ulit siya sa Amerika. Yung sunod niyang uwi dito ay nagtatrabaho na ako. Marami na akong bagong pinsan. Mas marami na siyang isasama kung saan-saan, at dadalhin sa mga lugar na gusto niyang kainan. Mas marami na siyang apo na makaka-bonding. Kung pwede nga lang naming hindi na siya pabalikin sa Amerika e. Kaso umalis ulit siya. Hindi na siya nakabalik ulit dito dahil inabutan ng lockdown dahil sa COVID.



Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...