Hanggang ngayon, sariwa pa rin sa akin yung trauma ko noong unang taon kong magturo sa senior high. Year end na yun actually.
Dumiretso ako sa school pagkatapos kong mag-proctor ng Basic Education Exit Assesment sa ibang school. Pwede naman na akong umuwi na lang pero bumalik pa ako sa school dahil may deliberation. Pagkabukas ko ng laptop para mag-print, nag-crash yung operating system niya. Secondhand lang kasi yun sa Japan Surplus. Pero kahit luma na, siya yung naging katuwang ko sa paggawa ng exams at mga memo. Yun nga lang, hindi siya nakisama nang araw na yun. Nanigas ako nang saglit. Pasahan na ng grades, nasa laptop lahat ng na-encode ko. Nandun lahat ng kopya ko. Para pakalmahin yung sarili, nilapitan ko yung co-teacher ko na maalam sa programming para itanong kung anong nangyari. Ang sabi niya, kelangang baklasin at i-reformat. Literal na gumuho yung mundo ko.
"Aba, hindi ko na problema yan." sabi sa akin ng coor ko nang ibalita ko sa kanya yung nangyari sa laptop ko.
Matagal akong nakatayo sa harap ng table niya pero hindi niya ako inimik. Bilang adviser ng dalawang section, wala namang ibang tutulong sa problema ko, kundi ako. Gumawa ako ng paraan para masolusyunan yung problema ko.
Nagsabi ako sa guidance at sa principal tungkol sa nangyari kaya pinayagan nila akong ipasa ang lahat sa Lunes. Habang sinisimulan lahat ng files, mula academics hanggang guidance, meron pang dalawang advisory class, nagbigay muna ako ng mga grade na sulat-kamay sa mga adviser ng hawak kong subject. Hindi intensyon ng papel na yun na gumawa ng masama. Ginawa ko yun para hindi mahuli sa pagpapasa ng mga requirement yung mga adviser, dahil wala namang may gustong maburá ang lahat ng files. Kahit naman sino, hindi gugustuhin yun.
"Ano ba yung binigay mong mga grade?" sabi sa akin ng coor ko nang makasalubong ko siya paglabas ng faculty room.
"Ma’am, yun po muna binigay ko kasi pinayagan na po ako ng principal." sabi ko.
"Bakit, siya ba coordinator mo?" pasigaw niyang sabi sa akin.
Sa totoo lang, hindi ko na alam kung ano yung aasikasuhin ko. Yung grades, yung laptop, o kung paano ko ipapaliwanag sa kanya na hindi talaga nabubuksan yung laptop ko. Gustuhin ko mang ipakita sa kanya na tapos na ako sa lahat. Hinang-hina na ako. Bagsak na bagsak na yung balikat ko. Ang nagawa ko na lang nang oras na yun ay yumuko sa table at umiyak.
Habang umiiyak, pumasok si Ma’am at sabing, "Ano yung sinasabi mong pinayagan ka ng principal?"
Lumapit ako sa kanya para hindi na siya sumigaw pero malakas pa rin yung boses niya na rinig na rinig sa buong faculty room, na rinig na rinig ng buong teachers doon.
"Tara samahan mo ako, tignan natin kung totoo yang sinasabi mo." pasigaw niyang sabi habang nakasunod ako sa kanya palabas ng faculty room.
"Sumosobra ka na." sigaw niya sa hallway.
"Ma’am, wala naman po akong ginagawa." mahinahon kong sagot.
"Ayus-ayusin mo yang sagot mo sa akin." habol niya.
"Ano po bang ginawa ko?" maayos kong sabi.
"Kahit kailan hindi ko sinagot yung coordinator ko nang ganyan." sabi niya bago kami makapasok sa SHS principal’s office.
Inaamin kong may mali ako, na nagbigay ako ng impormal na papel. Pero hindi naman para mapasamâ ang mga adviser at hindi ko yun gagawin para mapasamâ ang sarili. Ginawa ko yun para hindi sila ma-late sa deliberation. Nagtataas siya ng boses sa office. Nagagalit siya sa akin dahil umiiyak ako.
"Alam mo kung totoong ayaw mo silang ma-late, dapat may backup files ka." sabi niya pagkalabas na pagkalabas namin sa office.
"Ma’am, hindi ko naman po ginusto yung nangyari. Sino po bang may gusto nun?" sabi ko.
Bago pa lang siya pumasok sa faculty, sumisigaw na siya. Kaya hindi na ako pumasok sa loob. Wala namang problema sa akin kung ipahiya niya ako o ipagsigawan niya yung nagawa kong mali. Pero hindi ko kasi alam kung saan nanggagaling yung bawat paglakas ng boses. Alam kong normal lang naman ang may magalit at mapagalitan, pero alam kong hindi normal yung nangyayari.
Para pahupain yung emosyon ko, sa guidance office muna ako nag-stay. Nagpalipas ng oras para patahanin yung sarili. Wala pa sigurong sampung minuto, pumunta siya sa guidance, sumisigaw:
"Bakit nandito yan?"
"Bakit kailangang umiyak?"
Iyakin lang talaga ako, ang pag-iyak ay hindi pagkuha ng simpatya. Pinatutunayan nitong may malalambot lang talaga. Nasasaktan. Natatakot. At may puso. Tumitibok. Buháy. Nakakaramdam.
Saglit na saglit lang yung eksenang yun, pero parang ang tagal-tagal. Pagod na pagod na ako. Hindi ko alam kung saan ako lulugar. Nangangatog yung buong katawan ko, sana panaginip na lang yun. Na pagdilat ko, wala na. Na sana, matapos na yung araw na yun.
Palagi kong dinadasal na sana, makalimutan ko na yung nangyaring yun. Kabisang-kabisa ko pa rin kasi hanggang ngayon, nagpi-picture pa rin sa utak ko. Araw-araw kong naaalala, gabi-gabi akong hindi makatulog kapag biglang sasagì sa isip ko yun, at palaging yun ang dahilan kung bakit gusto ko na lang tumigil magturo.