Sunday, February 28, 2021

What if maging Writer din si Anisha?

 Palagi kaming pinapanuod ni Anisha kapag nagsusulat. Nandyan siya sa tuwing naghahabol kami ni Rommel ng deadline. Tinatanong niya kung anong pangalan ng karakter. Kung anong nangyari sa kuwento. O kung bakit minsan may nagmumura sa conversation. Binabasa niya rin nang malakas, paulit-ulit, kapag natatagalan siya sa amin dahil ang tagal naming dugtungan.

Mahilig siyang magbasa e. Meron pa siyang halos sampung librong hiniram kay Rommel na hindi pa rin niya binabalik hanggang ngayon. At halos makabisado na niya ang mga yun.

Kapag nakaharap kami sa laptop, bigla siyang magsasalita. Siya mismo ginagawan niya ng title yung mga kilos niya, "Si Anisha na Tamad", "Si Anisha na Hindi Mahilig Kumain", at "Si Anisha na Spoiled". Siguro, epekto ng mga binabasa niyang kuwentong pambata.

Nung isang araw kinuwento niya kay Rommel ang Alamat ng Nanay at Tatay, hindi ko alam kung inimbento niya lang. Hindi ko mapigil yung tawa ko. Hindi ko alam kung horror o comedy o transgressive. 

Itong picture niyang ito, inutusan siya ni Rommel na magsulat ng kuwento. Kapag nakagawa siya ay may ibibigay sa kanya. 30 minutes na siyang nakaharap sa laptop at ito na ang itsura niya ngayon. Nagalit pa siya sa mga pinsan niya dahil iniistorbo raw siya.

What if maging writer din si Anisha?



Saturday, February 27, 2021

Anisha the Spoiler

 May na-discover akong bago sa kay Anisha. Hindi lang pala siya mahilig magbasa ng mga kuwento. Mahilig din siyang manuod ng film. Hindi ko nahawakan yung laptop simula nung lockdown dahil palagi siyang nanunuod.

Kapag may gusto siyang kuwentong pambata, paulit-ulit niya itong binabasa. Ganun din sa panunuod. Kahit ilang beses pa, hindi siya nagsasawa. Iba-ibang genre. Local at foreign. May mga binabanggit siyang title ng pelikula, tinatanong kung alam ko raw ba yun. Sabi ko, hindi. May mga napanuod na pala siyang hindi ko pa napapanuod.

Kabisado niya ang mga lines gaya ng pag-memorize niya sa mga story book. Kaya naiinis ako kapag nanunuod ako at spoiler siya. Nagsusumbong na lang ako kay Mama. Pero ang totoo, naa-amaze ako kasi hindi niya nakakalimutan ang bawat eksena. Kung saan may nakakatakot, kung saan may nakakatawa. Alam niya rin ang kilos ng mga karakter.

May bago kaming ginagawa pagkatapos kumain. Gabi-gabi niyang tinatanong si Rommel ng "Teacher, manunuod ba tayo?" Kapag hindi namin pinansin, kukulitin niya kami sa tanong niya. Edi ang gagawin ni Rommel ay ihahanda yung hard drive ko, maghahanap ng subtitle at isasaksak sa TV para lahat kami makapanuod. Magmu-movie marathon kami hanggang sa antukin kami.

Nanunuod siya kanina sa laptop ng Hello, Love, Goodbye nang manuod kami nina Mama at Rommel ng Stardust sa TV. Umepal siya. "Ay napanuod ko na yan, e. Ako yung star dyan. Maganda yan." Tapos kuwento-kuwento siya ng mga tagpo. Nakakainis.

Sabi ko, "Mahilig ka pala sa film. Sige, bibigyan kita ng marami pang film." Syempre niyabangan niya ako. Wag na raw yung mga napanuod niya. Tapos babanatan ako ng "Ate, napanuod mo na yung *insert maraming title*?"

Hindi.



Friday, February 26, 2021

Follow the Instructions

 Tamang throwback lang ng mga moment nung face-to-face class pa. Mukhang matatagalan pa tayo sa stage ng module at online class. Mag-iisang taon na mula nang magka-COVID. Wala pa ring concrete plan ang gobyernong ito.

By the way, story time muna. Bago pa maging ganito ang set-up natin, e matagal nang WFH ang mga guro.

Bago makapagbigay ng mga panuto sa mga estudyante, mangungunsume ka muna sa kasasaway bago sila tuluyang manahimik. Bawat bigkas mo ng mga salita, sasabayan nila ng ingay. Yung iba, nakakunot na yung noo dahil hindi nila maintindihan yung mga sinasabi ng guro nila. Yung iba naman, dedma lang. Mauubos lang ang oras mo kasesermon, tatahimik lang sila saglit saka ulit babalik.

"Naintindihan ba?"

"Opo."

"Wala nang mga tanong?"

"Wala na po."

"Mga paglilinaw?"

"Wala na rin po."

Kaya alam kong alam na nila ang gagawin. Naintindihan daw e. Malinaw daw e.

Matapos mong ibigay ang lahat ng detalye at isa-isahin ang mga importanteng bagay na dapat nilang malaman, marami kang matatanggap na mensahe pagkauwi mo.

"Binibini, ano pong pormat?"

"Ma'am kelan po ipapasa?"

"Pwede po bang i-extend hanggang bukas?"

Magsisisihan pa yang mga yan. Sasabihing ang ingay po kasi nila ganito. Tapos magdadahilan pa sila na ito po kasi yung sabi ng grupo nila ganyan. Ayos na rin talagang mag-deactivate kapag malapit na ang pasahan nila o kaya naman sana ibinigay na lang ang gawain through groupchat. Wala pang ingay. Minsan, hindi mo na alam kung paano susukatin ang pagiging dakila mo dahil hanggang sa bahay ay guro ka.



Thursday, February 25, 2021

Community Service

 Nalaman ko sa mga estudyante ko kapag na-suspend sila sa school ay may tinatawag na community service. Doon sila magseserbisyo sa lugar kung saan sila na-assign: sa canteen, sa bookstores, sa mga office ng school. Depende rin sa kaso nila kung gaano ito katagal.

Pero naisip ko lang, kapag ang teachers ba ay na-suspend, nagseserbisyo rin? 

Ini-imagine ko na pupunta sila sa liblib na lugar hindi para magpa-picture sa kalikasan o para may mai-post sa Instagram kundi para magturo sa mga katutubo. Sa komunidad kung saan ang mga bata at matatanda, hindi marunong magbasa at magsulat. ‘Yong aakyat sa matataas na bundok, tatawid sa ilog, lalakad nang milya-milya. Para maihatid ang edukasyon at maibahagi ang aral.

Sa lilim ng puno. Sa tabi ng dagat. Sa itinayong kubo.

Handa kayang iwan ng mga guro ang marangyang paaralan para sa mas higit na nangangailangan? Ang malambot na upuan, ang malawak na table, ang malamig na faculty room at classrooms, ang kumpletong school supplies? Handa kaya nilang tuparin ang kanilang sinumpaang tungkulin?

Isang magandang hamon ito para sa atin. Bakit hindi natin subukan?



Wednesday, February 24, 2021

Meron talaga Tayong Ex na Kasumpa-sumpa

 Tuwing naaalala kong naging kami ng ex ko, nandidiri ako. Hindi ko rin alam kung bakit ko pinatulan yun. Legit ah! Baka isipin niyong bitter ako, hindi. Kahit kayo, kapag nalaman niyo lahat ng ginawa non sa akin, ay ewan ko lang kung hindi kayo magalit sa kanya.

Dati, takot na takot akong bitawan yung 4 years na relationship namin. Ang dahilan ko, sayang. Matagal na e. Akala ko kasi magbabago pa. Actually, unang mga buwan palang naman namin, nag-cheat na siya. Hanggang sa maraming beses naulit sa loob ng apat na taon. Take note, hindi siya mabait, walang mabuting taong nanloloko, at lalong hindi siya gwapo at matalino. Imagine, pinanghinayangan kong iwan yung ganung klaseng lalaki. Paano ko kaya nasikmurang bigyan ng maraming chances yung paulit-ulit na pagkakamali ano?

That time, aware akong ayoko sa ugali niya. Hindi ko gusto yung pagiging manipulative niya. Siya palagi ang nasusunod, taga-oo lang ako, kahit labag sa loob ko. Sa totoo niyan, ayoko sa kanya. Meron ba nun? Mahal mo pero ayaw mo? O ayaw mo pero mahal mo? Ang tanong, minahal ko ba talaga?

Sa tingin ko, hindi. Baka kaya ko nasabi noon na mahal ko siya dahil siya lang yung nandyan para sa akin. Paano ba naman, lahat ng tao sa paligid ko, kaibigan at pamilya, tinanggal niya. Kaya ang mangyayari, tuwing nalulugmok ako, na siya rin ang dahilan, e wala akong malapitan. Kaya ang sistema, babalik pa rin ako sa kanya. Ang tanga 'di ba?

Baka nga, hindi ko talaga siya minahal. Kumbaga kung meron man akong buburahing panahon, e yun yung nakilala at nakasama ko siya. Ako siguro yung babaeng hindi siya papasalamatan. Meron kasing mga mag-ex na nagte-thank you sa isa't isa. Dahil kahit papaano e may naiambag sa buhay nila, na pinasaya sila, na natuto sila. E ako, ano namang ipagpapasalamat ko, thank you sa anxiety ha, sa sama ng loob, sa bugbog, sa toxic na relasyon, ganon? No thanks.

Buti na lang, isang araw, bigla na lang akong nagising sa katotohanan. Na isang araw, bigla na lang akong hindi nagparamdam at nagpakita sa kanya. Ang sabi niya, ako raw yung may kasalanan kung bakit kami naghiwalay. Ako raw ang nang-iwan.

Kelan pa naging kasalanan ang matauhan? Kelan pa naging mindset ng tao na kapag ikaw ang nang-iwan e ikaw ang masama? Hays! Masarap lang palayain ang sarili. Duh!



Tuesday, February 23, 2021

Continuation ng Pagtalon Ko sa Jeep

 Itinayo ko ang sarili. Puno ng dugo at putik yung siko, tuhod, at tagiliran ko. Kung minamalas nga naman, hindi ko na nga nabalanse ang katawan, tumilapon pa ako sa medyo baha na gutter. Nakatingin sa akin lahat ng taong sakay ng mga jeep na nagdaraan, may ibang nagulat, nagtaka, tumawa. Sa isip-isip siguro ng mga iyon, tatanga-tanga ako dahil nalaglag ako sa sinasakyan ko. Pinagpag ko lang ang mga dumi at saka naglakad. Wala akong pakialam kung nakatingin sa akin lahat ng mga estudyanteng nakakasalubong. Ang naiisip ko lang ng oras na iyon, pinaghandaan ko ang quiz bee, pero hindi ang sitwasyong ito.

Nung may nakita akong guard na naka-duty, nakiusap ako kung pwede bang makihugas. Tinanong niya ako kung anong nangyari. Hindi ko alam yung isasagot ko. Hindi naman yun ang inaasahan kong tanong. Hindi kasama yun sa nirebyu ko. Kaya ang sinabi ko na lang, tumalon ako sa jeep dahil hinoldap kami. Nataranta siya sa narinig niya. Pinahiram niya ako ng extra t-shirt. Inabót niya rin sa akin yung cellphone niya para tawagan ko raw yung Mama ko. Tumawag na rin siya ng mga pulis.

Nasa loob ako ng sasakyan ng pulis. Marami-rami din silang tanong pero pagod na akong sumagot dahil baka mawala sa utak ko yung mga inaral kong sagot para sa quiz bee. Dinala nila ako sa presinto para magpa-blotter. Hindi ko naman na kailangan non, kako. Ang kailangan ko ay makapunta sa school dahil may laban pa ako. Hinatid nila ako hanggang PUP pero hindi sa venue ng contest, sa university clinic. 

Sunod-sunod yung tanong ng mga nurse at doctor sa clinic kung anong nangyari sa akin habang fine-first aid nila ako. Akala nila nung una sinaksak ako sa tagiliran. Lumilipad na yung isip ko nang sandaling iyon. Nanghihinayang ako sa lahat ng inaral ko dahil hindi na nila ako pinapunta sa quiz bee. Sayang dahil hindi ako nakalaban. Pero parang nakalaban na rin, dahil nakakota ako sa dami ng mga tinanong sa akin tungkol sa nangyari.

Ginawan na nila ako ng endorsement sa ospital. Kailangan ko raw magpa-medical. Wag raw akong manghinayang sa laban na hindi natuloy, mas manghinayang daw ako kung may mangyaring masama sa akin. Magpahinga na lang daw ako at hintayin si Papa na dumating. Sa emergency room ako dinala. Akala naman nila, nahulog ako sa jeep habang tulog. Iisa lang din ang tanong nila sa akin ng mga nasa ospital, kung anong nangyari. Kung nasa quiz bee ako, malamang ay perfect na ako. 

Sinisisi ko ba yung guard, mga pulis, mga nurse at doktor dahil hindi ako natuloy yung laban ko sa quiz bee? Hindi. Tumulong lang naman sila. Sabi nila, sana raw hindi na lang daw ako tumalon. Aanhin ko naman daw yung laptop, camera, phone, at pera kung nabagok o nasagasaan ako.

Sinisisi ko ba yung mga holdaper? Hindi. Tama ba yung ginawa nila? Hindi rin. Kung isasalang sila sa quiz bee, alam nilang mali yun, yun nga lang, baka kasi wala namang binigay sa kanilang choices. Kaya yun lang ang naging sagot nila.

Sinisisi ko ba yung sarili ko? Kung hindi lang ako nag-inarte sa pagsakay? O kung hindi ko inagahan? O kung hindi ko na pinilit sarili kong makaupo sa unahan? Hindi. Pinili ko naman yun. Kung tatanungin ulit ako kung gagawin ko ulit yung pagtalon sa jeep, siguro oo. Baka kasi yun talaga ang sagot sa pagkakataong iyon. Yung hindi pinaghandaan. Yung hindi nirebyu. Kahit alam kong mali. Hindi ko na hinintay pang tumunog ang buzzer. Iniangat ko agad ang board. Naging sigurado ako sa sagot nang hindi pinag-isipan kung maaari ko bang ikamatay yon. Pressured naman tayo palagi tuwing sumasagot. Natataranta. Minsan hindi naman kailangang palaging tama yung sagot lalo na sa mga biglaang sitwasyon.



Monday, February 22, 2021

"Teacher Ka Lang", "Teacher Ka pa Naman"

 Kapag nakagawa tayo ng mali, palagi nilang sinasabing teacher ka pa naman. At kapag nakagawa naman tayo ng tama, palagi nilang sinasabing teacher ka lang. Kailan kaya darating ang araw na kapag sinabing teacher ka, wala na dapat karugtong na “lang” at “pa naman”?

Ang guro ay hindi perfect. Hindi machine. Hindi robot. Kaya kahibangan yung sinabi ng DepEd na ang function daw ng guro ay magtrabaho at hindi magpahinga. Kapag sinasabi nating pangalawang tahanan ng mga estudyante ang eskwelahan, bakit hindi maaaring ituring ng teacher na pangalawang tahanan ang faculty room? Ang paaralan?

Ang guro ay mabuting anak, masipag na kapatid, mapagmahal na magulang. Araw-araw gumagawa ng lesson plan. Gabi-gabing napupuyat sa kakaaral ng ituturo. Matagal gumawa ng exam pero mabilis lang hulaan ng mga estudyante ang sagot. May mga hindi man pagkakaunawaan ang mga guro at estudyante, pero wala naman sa pagitan namin ang digma. Ang totoong kalaban ay ang sistema at institusyong nagpapahirap sa mga tinanggal na empleyado, sa mga minaliit na asignatura, sa mga gaya ni Lola. Marami pang Precious, mga working student, mga nagkopyahan, maiingay na huhulmahin sa loob ng klasrum, para paglabas nila, handa na sila.

Sa mga guro, hindi ka lang basta teacher, ikaw ang tagapaglikha ng mga kakampi ng bayan at ikaw ang dahilan kung bakit may mga propesyonal sa ating lipunan. 

Hindi ka teacher lang, teacher ka.



Sunday, February 21, 2021

First Day

 Excited lahat ng estudyante kapag first day. Bagong school uniform, bagong sapatos, bagong bolpen, bagong notebook, at kung ano-anong mga bagong gamit.

Kaming mga teacher, bago rin naman lahat. Bagong marker, bagong eraser, bagong ink, bagong correction tape, bagong class lists, bagong forms, bagong syllabi, bagong lesson plans, bagong class records, bagong mga mukhang kailangang matandaan.

Dahil bagong school year, naghahanda rin kami bago kami humarap sa inyo. Maraming beses din naming pinaasa ang mga sarili namin sa pangakong, pramis hindi na ako male-late. Na pramis, hindi na ako a-absent. At pramis, gagalingan ko na. Papasok kami sa klasrum nang bago.

Yung mga estudyante, nae-excite dahil may iba. Sabik sila dahil bago ka. May bago silang kaharap, may bago silang natututuhan, at may bago silang kayang gawin. At kapag tumagal, hindi na sila makikinig, kasi nga hindi ka na bago.

Nauubos yung concealer dahil sa eyebags, kumukupas yung lipstick sa tuwing nagdi-discuss, napupudpod yung takong sa kakaakyat-baba dahil magkakalayo yung klasrum. Ganun naman, tinatapalan natin lahat para lang huwag magmukhang luma.

Kaya lang, hindi naman natin pwedeng hilingin kung pwede lang maging bago palagi dahil sa susunod na taon, may bago na silang paboritong teacher. May bago na silang gustong subject. At ito naman ang nakaka-excite sa pagiging luma, makikita mo silang bitbit-bitbit yung mga bagong karanasan at kaalaman galing sa 'yo na dadalhin nila hindi lang sa first day.

Sigurado ako, hindi yun maluluma.



Saturday, February 20, 2021

It's All about my Body

 Palagi akong hindi confident na humarap sa ibang tao. Nahihiya ako sa itsura ko. Alam ko namang hindi ako maganda. Wala naman talagang meron sa akin. Tapos, mas nanlulumo ako, kapag nakakakita ako ng ibang babaeng perfect tignan. Kaya siguro nagkakagusto ako sa babae. Attracted ako sa katangian ng iba na wala sa akin. Hindi ko sinasabing kelangan maging maganda ng babae ah. Lahat naman tayo maganda sa sarili nating mga paraan.

Ang hindi ko lang maintindihan sa ibang tao, yung mga negative sa mga taong gusto lang din naman magpaganda. Naranasan ko rin kasing matukso ng mga kakilala ko. Lahat yata ng meron sa akin ay kapuna-puna. Hindi ko nagawang maglugay ng buhok nung elementary gaya ng mga kaklase ko dahil buhaghag yung buhok ko. Nasabihan din ako ng mga tropa ko na hindi ako makita sa dilim dahil sa kulay ko. Madalas akong magtakip ng ilong dahil sabi nila malaki. Nabansagan din akong kalansay at flat-chested. 

Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ako nagre-react kapag sinasabi nila sa akin yun. Hindi ko alam kung tumatawa rin ba ako kapag tinatawanan nila ako. Dahil kahit kelan, hindi yun nakakatawa. Basta ang alam ko, deep inside, naiiyak ako dahil bakit parang kasalanan ko pang hindi pumasok sa taste nila yung itsura ko, na hindi na ba ako tao para sa kanila? Lahat naman ng binanggit ko, hindi masakit sa mata. Binulag lang tayo ng standards ng lipunang ito. Alam din naman natin na higit pa sa physical appearance ang pagiging tao.

Kung bibigyan siguro ako ng pagkakataong sagutin yung tanong sa mga pageant na, "If ever given a chance, what part of the body would you like to change?"

Magiging totoo na ako sa sarili ko.

1. Taon-taon talaga akong nagtyatyaga na pumunta sa salon.

2. Nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob na ipa-microblade yung kilay ko. 

3. Kinaya kong tapalan ng tattoo yung mga peklat ko.

4. Kapag nakaipon, ipapaayos ko talaga yung ilong ko. Why not? Soon!

Ayun lang siguro. Mahal na mahal ko yung fit ng katawan ko, pati yung boobs at pwet ko, lalo na yung kulay ko. Hindi ko naman gusto maging maganda para sa mga mata ng mapanghusga, ginagawa ko yun para sa sarili ko.

Ang point ko lang, kung may mga babaeng piniling manatili sa pagiging natural at simple, go lang. At kung may mga babaeng tulad ko na gusto lang din sigurong maging confident, go lang din. May mga babaeng may make-up, meron ding wala. May mga babaeng nagbi-bikini, meron ding hindi. Ang babae, pwedeng gawin lahat ng gusto nang hindi dapat isipin ang sasabihin ng iba. Our bodies, our rules. Babae kami. Tao rin kami. LAHAT KAMI BEAUTY QUEEN.



Friday, February 19, 2021

Ang Hiwaga ng 6th Floor

 Mag-iisang taon na ang quarantine sa Pilipinas. Wala pa ring concrete plan ang gobyerno. Yung ibang mga bansa, nakapag-vaccine na. Tayo, nasa face mask at face shield pa rin. Nakaka-miss pumasok sa school. Kung hindi ako nagkakamali, ito yata yung huli kong moment sa klasrum.

Nalalagutan ako ng hininga kapag umaakyat sa 6th floor. Isang hakbang ko pa lang, ramdam ko na yung pagod. Maiisip ko bigla, para pala akong isang model na ginawang runway ang klasrum habang nagtuturo. Maayos ang tindig. Chin up. Titignan sa mata ang mga nasa paligid. Ngingiti.

Paglabas, tititigan ang mga hagdan. Kelangang panindigan ang postura sa loob ng klasrum. Kahit gusto nang bumagsak ng mga balikat. Kahit gusto nang yumuko. Pumikit. Umiyak.

Pero maririnig mo ang takong na nasa ritmo. Hakbang ng kanan, hakbang ng kaliwa. Ilang ulit. Aaliwin saglit ang sarili. Kanina ka pa umaakyat pero wala ka pa rin sa kalahati. Pataas nang pataas, pabagal nang pabagal, pabigat nang pabigat.

Nasa tapat ka na ng pinto ng next class mo, hihinga nang malalim. Inipon na lahat ng nasa loob: pagod, lungkot, sakit, dismaya. Sabay bato sa hangin.

Papagpagin ang mga alikabok sa damit at palda. Susuklayin ang buhok gamit ang mga daliri. Maayos ang tindig. Chin up. Titignan sa mata ang mga nasa paligid. Ngingiti.



Thursday, February 18, 2021

Para din Tayong Punò

 Kung nakapagsasalita lang ang punong ito, ikukuwento niya siguro kung ilang mga batang nangunguha ng gagamba ang naligaw sa talahiban, o nakabisa niya na ang mukha ng mga nagja-jogging sa umaga, o biláng na biláng niya na ang mga sasakyang nagdaraan sa buong araw. Tiyak na mas marami pa siyang gustong balikang alaala.

Mag-isa na lang ang punong ito ngayon. Saksi siya kung paano winakasan ang buhay ng mga kasama niya. Matagal na sila rito sa lugar na ito. Inilagay sila roon ng Maylikha upang doon mamuhay nang tahimik at payapa. Kaso, ginalaw sila kahit hindi naman sila umiimik. Siya na lang ang naiwan. Marahil ang silbi niya na lang ay para magbantay ng lupaing hindi na niya na pag-aari. Inangkin siya gaya ng pag-angkin ng kapitalista sa lupang kinakapitan niya. Sinabitan ng karatula.

Parang mga tao.

Mga mahihirap.

Mga katutubo.

Pinapalayas sa mga tahanan, kung hindi ide-demolish ang lugar e pinapatag ang bundok, para pagtayuan ng establishments. Establishments na may pekeng nature sa loob. Pinutol ang mga puno at talahib para paglagyan ng artificial trees at artificial plants.

Hindi tumitigil ang mga land grabber hangga't may nakikita pang espasyong pwedeng pagtayuan ng subdivision at ng mga shortcut na kalsada na silang mayayaman lang ang nakakadaan. 

Tapos tayong ordinaryong mamamayan, nagsisiksikan sa tinirâ nilang kapirasong espasyo.

Kung patuloy nilang aariin at aangkinin ang para sa lahat ng tao, saan na tayo pupunta at pipirmi?



Wednesday, February 17, 2021

Ganito ang Pakiramdam maging Proctor

 Mag-proctor ang pinakaayaw ko sa lahat. Feeling ko ang bagal ng galaw ng mga kamay ng orasan. Katumbas ng isang oras ang isang araw. Parang nag-i-slowmo ang lahat tuwing exam. Ang sakit sa mata ng bawat tagpo.

Ang gagawin ko lang naman ay magbantay. Mag-iikot-ikot. Paulit-ulit na pag-iikot. Lahat na yata ng parte ng sahig natapakan ko na. Matutulala ka na lang. Maski ang isip, mag-iikot-ikot, labas sa loob ng klasrum. Maaalala ang tambak na papel, bayarin, pangarap, kasalanan, pagkukulang. Ito ang panahon para lasapin ang mga problema. Babalik ka na lang sa sarili dahil may narinig kang ingay sa gilid.

"Sinoman ang makita kong nakikipag-usap at lumilingon sa katabi ay kukuhaan ko ng papel." kahit ilang beses mo pang ipaalala pero meron pa ring matitibay na gagawin yun.

"Kung may tanong kayo, sa 'kin niyo itanong, 'wag dyan sa tabi niyo," mataas na tono ko. "Kung gusto niyong itanong yung sagot, lumapit kayo sakin, ibibigay ko." pang-aasar ko.

Sukatan lang naman ang exam kung may natutuhan sila. Yung iba, papasok sa room nang hindi nag-aral o hindi man lang nakinig sa teachers nila, parang mga mandirigmang walang dalang armas sa gyera. May iba namang sasamantalahin kapag may kakatok at hinahanap yung proctor, para silang mga buwayang nag-aagawan sa isang manok. Yung mga leeg biglang nagiging flexible pero kapag tinawag mo hindi naman magawang maiangat ang ulo o hindi makalingon. Ngayon ko nga lang nalaman yung silbi ng glass board, para kahit nakatalikod ka sa kanila, nakikita mo sa repleksyon yung mga batang nagiging giraffe o kaya naman nanghahatak ng papel ng iba. Parang gusto mo na lang pikitan.

Tahimik sa klasrum kapag exam, pero hindi payapa. Tahimik pero matinik. May mga kahulugan ang mga galaw at titig. Kapag tatayo ka sa harap at iiikot ang mga mata, parang may mga konsensyang nakaangkas sa mga estudyante, na anytime na may gawin silang hindi ayos ay may tatapik sa kanila. Pero hindi nila yun papansinin. Marami silang style para makakuha ng mga sagot. Kung nakakapag-video lang ang mga mata, baka may compilations na yung mga teachers ng #BestCheatingTechniq­ues o #StudentsCaughtCheat­ing tapos ia-upload sa YouTube, tapos mapapanood ng mga magulang, kapatid, kaibigan, kakilala nila. Magsu-subscribe yung mga estudyante mula sa iba't ibang schools para makapasa o makagradweyt. Aabot ng million views. Yayaman tayo sa vlogging at hindi sa teaching.

Kaya ayokong mag-proctor e. Kasi imbis na ako ang nagbabantay sa kanila, parang ako pa yung binabantayan nila: kung saan ako pupunta, kung kanino ako lilingon, at kung kelan ako yuyuko.



Tuesday, February 16, 2021

Takot Ka rin ba sa Recitation?

 Nung unang taon ko ng pagtuturo, mas maraming kuwento yung mga estudyante ko na hindi ko malilimutan. 

Recitation ang isa sa pinakakinatatakutan ng mga estudyante. Parang katapusan na ng mundo. Lalo na kung pangalan mo agad yung unang tinawag.

May iilan na alam ang tamang sagot. May ibang nanghuhula. At hindi mawawala ang tatayô lang at hindi magsasalita. Pero iba ito sa karaniwang mga estudyante.

"Nahihiya po kasi ako. Takot po akong magkamali. Takot po kasi akong magsalita. Takot po kasi akong makipag-usap. Sorry po."

Halata sa mga mata niya na kinakabahan siyang mag-share sa harap. Mahiyain. Mahinang-mahina ang kanyang boses. Bilang na bilang lang ang mga salitang binibitawan niya. Bihira lang daw siya makausap ng mga kakase niya. Iilan lang din ang mga kaibigan niya.

Nilapitan ko siya, kinausap. Nag-iingay ang puso ko para sabihin sa kanyang marami siyang kaibigan, maraming pwedeng makinig sa bawat kuwento niya. Na hindi masama ang magkamali. Na hindi bawal ang magsalita.

Makalipas yung isang linggo, nakita ko yung pagbabago sa kanya. Natututo na siyang makitawa. Hindi na siya nakaupo sa sulok. Nakikisalamuha na siya.

Kaya mas nagulat ako nung sinabi niyang "Ma'am, pwede po bang ako na yung mag-lead ng prayer?"

Natahimik ang puso ko.



Monday, February 15, 2021

Introduce Yourself

 Mahirap naman kasi talagang kabisaduhin ang mga mukha ng mga estudyante lalo na yung mga pangalan nila. Sa apat na daang bata ba naman yung hawak mo, yung iba dyan magkakamukha pa. Minsan, napagbabaliktad ko pa yan. May panahon pang magtatawag ako sa klase, nakailang ulit na ako wala pa ring sumasagot. Yun pala yung binanggit kong pangalan ay taga-kabilang section. Masarap din magpalamon sa lupa kapag ganung pagkakataon. Sinusubukan ko rin namang huwag tumingin sa class record pero ayoko nang magkamali. Idagdag mo pang may lalapit na bata sa akin para magpaalam.

Sasabihin kong "Walang problema. Magpaalam ka sa adviser mo." Tapos sasagot yung bata ng "Ma'am, ikaw po yung adviser ko."

O 'di ba? Aminado naman akong mahina talaga akong magkabisa ng pangalan at itsura pero marami naman na akong kilala. Bawat mag-aaral, may tatak. Kilala ko kung sino yung laging maaga, laging late, mga maingay, at mga tahimik. Markado bawat isa.

Kaya kung sasabihin mo sa sarili mong hindi ka naman kilala nina mam at ser, nagkakamali ka. Kilala ka nila. Ikaw ba, paano ka nagpakilala sa kanila? Sa pagiging mahusay o sa pagiging pasaway?


Sunday, February 14, 2021

Nang dahil sa Drumsticks

 Mautak lang siguro talaga si Rommel para itago yung drumsticks ko. Sabay kaming pumunta sa event. Galing ako sa rehearsal kaya dala ko yung drumsticks. Ang sabi niya, ilalagay niya na muna sa bag niya para hindi ko yun hawak-hawak. Pumayag naman ako para hindi na rin ako mahirapang magbitbit.

Maraming beses ko namang ni-remind sa kanya na kukunin ko yung drumsticks. Pero ang sabi niya kapag bababa na ako sa sinasakyan namin. Hanggang sa nakalimutan ko nang kunin sa kanya.

"Naiwan ko yung drumsticks ko. Gagamitin ko yun sa susunod na araw."

"Ibibigay ko bukas."

"Hala, paano?"

"Kita na lang tayo."

Pumunta ako. Akala ko iaabot niya lang yung gamit ko. Nagulat ako dahil niyaya niya akong kumain sa labas. Sabi ko, sige. May magagawa ba ako? Nandun na ako. Sa sobrang mahiyain ko, hindi ako marunong humindi. Feeling ko kasi nakaka-offend ang tumanggi.

Binigyan niya ako ng maraming libro. Basahin ko raw. Ang daldal niya. Nguya lang ako nang nguya habang nakikinig sa kanya. Ang dami niyang gustong ikuwento at i-share sa akin. Actually, hindi ko alam kung paano ako dapat mag-react sa kanya. Buti na lang masarap yung burger at fries.

"May pumoporma ba sa 'yo?" biglang tanong niya sa akin. Hindi ako prepared. Nalunok ko lahat ng kinakain ko.

Hindi ko naman siya type dati. Kuya ko lang talaga siya. Mataas yung respeto ko sa kanya. Tinitingala ko siya gaya ng mga estudyante niya at ng mga kaibigan namin. Kaya napatigil talaga ako. Hindi ko kasi alam kung saan nanggagaling yung ganung klaseng tanong. Pahiwatig ba yun? May patutunguhan ba 'to? Wala naman talaga dapat ako sa lugar na yun nang oras na yun. Ako yung tipo na kapag niyaya sa labas e hindi sumasama. Nagkataon lang na may kukunin ako sa kanya.

At maraming beses pa kaming nagkita at nagkasama, hindi dahil kumain ulit kami sa labas. Kundi, nagkakataon na pareho kaming speaker sa mga seminar/workshop, at nagkakasabay sa line up. Oo, ang kulit-kulit niya. Pero darating din pala ako sa puntong pagbubuksan ko ng pinto ang kumakatok na pag-ibig.

Sabi sa akin ni Rommel, nagpapasalamat talaga siya sa drumsticks ko. Ibang klase no? May nahahanap tayo sa mga bagay na nawawala.

Happy Valentine's Day, kahit araw-araw naman tayong umiibig.



Saturday, February 13, 2021

Kapag Tumahimik na si Teacher

 Iba pa rin kapag face-to-face class. May mga gabing kapag umuuwi ako sa bahay galing sa trabaho, gusto ko lang tahimik yung paligid. Pansin kong ang sensitive ng mga tenga ko sa mga ingay: sa TV, sa mga tahol ng aso, sa mga kapatid kong naghaharutan, sa mga binabatong laruan, sa bukas/sara ng pinto, sa mga nahulog na kubyertos, sa yapak. Sinisita ko sa bahay ang sinomang lumikha ng maliliit na tunog.

Sa mga klasrum:

Ugong ng aircon.

Sabay-sabay na pagpindot nila sa ballpen.

Limang beses mo na siyang tinawag hindi pa rin makalingon dahil mas malakas pa ang boses niya.

Malakas na hampasan ng mga lalaki.

Mga tunog ng phone na nakalimutang i-silent.

May tambol nang tambol sa desk.

Nakatatlong ulit ka na sa instruction pero may mga nagtatanong pa rin kung ano ang gagawin dahil mas inuna pang makipagkuwentuhan bago makinig.

Sa nakakairitang tunog ng pagkuskos ng mga sapatos sa sahig.

Hagikgikan ng mga babae.

Nasasapawan nila ang boses mo.

Ikaw na lang ang matatahimik. May mga ingay din palang parang hindi na natin naririnig. Ang kaya ko lang namang gawin ay magtimpi at ipunin ang lahat sa loob. Mayroon na namang karga-kargang mas mabigat pa sa mga exams at projects ng mga estudyante.

Kaya dala-dala mo ulit hanggang tahanan ang mga pagsitang hindi nabitawan sa loob ng klasrum.



Friday, February 12, 2021

Teacher Kami, Hindi Teacher Lang

 Grade 2 ako nung pina-squat kami ng teacher ko tapos naka-arms forward na may nakapatong na libro dahil hindi kami gumawa ng assignment. Ang tagal nun, kami pa ang pinagbilang niya ng minuto. Grade 6 naman ako nang palabasin kami sa klasrum dahil hindi kami nag-advance study, isang klasmeyt ko lang yung natira sa loob. Nung hayskul, pinagbabato ng teacher ko sa harap namin yung komiks ng iba kong klasmeyts kasi obvious na obvious na that day lang ginawa yung project. Tapos kapag hindi kami nakakasagot sa recitation, nakatayo lang kami hanggang matapos ang period niya. Sa college, harap-harapan kaming minumura ng prof namin kapag mali yung steps namin sa sayaw o hindi kabisado yung script sa dula.

Sa kanila ako natutong gumawa ng assignments, na mag-aral, na gumawa ng project pagkasabi agad ng teacher, na mag-recite, na magsalita sa harap, na mas galingan pa lalo. Pero hindi ko sinasabing tama yung ginawa nila ah.

Takot kasi kami sa teacher namin. Pero ngayon, yung mga teacher na ang takot sa mga estudyante. Sige, hindi na kami magagalit, hindi na kami sisigaw, hindi na namin papansinin yung mga estudyanteng habang nagtuturo ka ay pagala-gala sa klasrum. Hindi na kayo mapupuyat dahil kami na rin ang gagawa ng homeworks niyo. Pwede na rin kayong mag-ingay at matulog sa school. Tapos kapag exam, sagot na agad yung ibibigay namin. Kami na rin yung sasagot sa sarili naming tanong kapag recitation. Para hindi na kayo mapagod at mahirapan, sabihin niyo na lang kung anong grade ang gusto niyo, ibibigay namin.

Ang alam ko kasi, dapat palaging magkatuwang ang guro at ang mga magulang. Hindi palaging si teacher ang may kasalanan kung bakit ganun ang attitude ni bata. Kapag tamad, kasalanan ni teacher. Kapag bagsak, kasalanan ni teacher. Kapag hindi pumapasok, kasalanan ni teacher. Kapag hindi na-home visit, kasalanan pa rin ni teacher. Palaging pinagtatakpan ng ilang nanay at tatay ang pagkakamali ng anak nila kaya isinisisi na lang kay teacher. Pinagtataasan nila ng boses ang taong nauubusan ng boses sa mga batang hindi naman nakikinig.

Parang walang kakampi ang mga guro. Kelangan niyo lang naman sila kapag bilangan ng boto. Ito ang lipunang ang baba ng tingin sa kanila. Pinapatay. Hindi tinataasan ang sahod. Pwedeng makulong dahil nagpa-assignment. Nilalagay sa CR. Tinatanggalan ng lisensya. Pinapa-Tulfo. Kasi nga, teacher lang daw.



Thursday, February 11, 2021

Ang Survey ni Student

 May lumapit sa aming crew habang kumakain. Tinanong kami kung pwedeng magpa-survey. Tapos bago niya pa lang iabot yung marker at papel, nagsalita ulit siya.

"Ma'am Ansh."

Napatitig ako sa kanya. Hindi ko siya namukhaan nung lumapit siya dahil may suot siyang sumbrero. Tinignan ko yung mukha niya. Nginitian ko. Sa likod ng mga ngiting yun ay may nagsasabing "Shet Anshe, alam kong nakalimutan mo na pangalan niya."

"Uy!" sabi ko sabay lipat ng mga mata ko sa nameplate na suot niya. Naalala ko na!

Pinakilala ko siya kay BF na dati ko siyang student.

"Working student ka?"

"Opo, Ma'am."

"Ang galing. Anong araw ka nasa school?"

"Wednesday, Thursday, Friday, Saturday po."

"Tapos dito ka pag wala sa school? Wow, ang sipag mo."

Sa isip-isip ko, nakakahiya kasi kilala niya pa ako tapos ako nakalimutan ko yung pangalan niya. Hindi ko lang talaga siya natandaan sa pangalan pero kilala ko ang mukha niya, na alam ko ang apelido niya, kung anong batch niya, kung anong anong strand at section niya. Na may kapatid din siyang naging estudyante ko rin. Na kapareho rin ng strand at section niya. Na tahimik siyang bata, na magandang babae, at masipag at matalinong estudyante.

E weakness ko talaga ang pag-memorize sa mga pangalan. Hindi ko man maalala, pero kilala ko kayo, at palagi ko kayong kinukuwento.



Wednesday, February 10, 2021

Ang Akala ni Anisha sa pagiging Teacher

 Palaging nanggugulo si Anisha tuwing nagtutupi at nagpa-pack kami ni Rommel ng items ng 8-bit Baybayin at Lakambini. Ang dami niyang mga tanong. Ang dami niyang gustong sabihin.

"Babae ba mga bumili nyan?" unang tanong niya.

"Ano sa tingin mo?" habang tinuturo ko yung blouse at dress.

"Pwedeng sa lalaki. Sa bakla." sagot niya.

Oo nga no? Hindi ko naisip na open siya doon. Nakaka-proud.

"May pangbata ba dyan?"

"Pwede ba yan sa bata?"

"Anong color na kayo?"

"Nalabhan na yan?"

"Naplantsa na yan?"

"Bagay ba sakin yan?"

"Ito ba yung na-photoshoot niyo?"

"May bumili ulit?"

"Mauubos na?"

Kaya ayoko talaga siyang pansinin pag may ginagawa kami. Kahit gaano pa karami yang kuda niya, hindi ko siya iniimik. Kasi kapag sinagot ko, tatagal pa. Pero gagawa at gagawa talaga siya ng paraan para pansinin namin.

"Ganyan ba talaga pag teacher, may binebenta?" banat sa amin. Natahimik ako.

Syempre, Anisha. Konti lang yung kità namin sa pagtuturo. Tapos konti rin kità namin sa pagsusulat. Ang mahal ng tuition ni Ate Maria mo. Nakakaubos ng pera. Sabi ko.

Mga bagay lang naman ang kaya nating ilako. Hanggang dun lang. Mas pipiliin natin yun kaysa itinda ang dangal at puri sa mga kapitalista at mapang-abusong kompanya at institusyon.

"Kaya wag kang magulo, para mapuntahan at mabili mo na lahat ng gusto mo." biro ni Rommel.

Tuwang-tuwa si Anisha sa narinig niya. Weh? Totoo? Tanong niya. Tapos nakangiti.

"Oo nga!"

"Buti na lang ikaw naging boyfriend ni Ate."

Ito ang unang pagkakataon na kumampi si Anisha kay Rommel. Wow.

"Gagawin na sigurong mataas na building ni Ate yung bahay natin. Lalagyan ng Kidzania, KinderCity, 7/11, marami pa."

Ambisyosa talaga. Hindi naman nagiging milyonaryo/­bilyonaryo ang mga nagtuturo at nagsusulat.

Nung napagod na siyang mangulit. Niyaya niya si Rommel. Nagpapatulong. Binanggit ang mga ingredients at recipe ng yema at pastillas, mga gusto niyang i-try. Pati ang mga gagastusin. Dahil isa sa pangarap niya e makapagtinda ng gawa niyang cupcake, banana cake, cookies, at ice cream, sa canteen ng school nila.

Masaya siyang gumagawa sa mesa. Nakangiti. Tapos bigla niyang sinabi, "Sana maging teacher ako para makapagbenta rin ako."


Tuesday, February 9, 2021

Kapag Nawalan ng Papel ang Manunulat

 Walang papel ang manunulat sa loob ng isang tahanan. Yung isa kong kapatid, masipag maglinis ng bahay. Yung isa, masipag maghugas. Yung isa, masipag maglaba. Kapag ipagmamalaki kong masipag akong magsulat, malamang ay titingin lang sila sa akin at ipapamukhang wala iyong ambag sa pamilya namin. Bakit naman wala? Pareho lang namang kumikilos ang mga kamay namin. May ginagawa. May nililikha. At kapag idadahilan ko yun, sasabihin lang sa akin nina Mama at Papa, “Gawa, hindi puro salita.”

Ako lang naman kasi itong walang naitutulong sa bahay namin. Hindi ako marunong sa mga gawaing bahay. Kapag sinabi kong ako na ang bahala, sigurado akong palpak pa. Hindi rin ako masyadong inaasahan dahil alam nilang mahina ang katawan ko, hindi ko kayang bumuhat ng mabibigat na bagay at allergic ako sa alikabok. Nakakatawang isiping akala ng iba ay dahilan ko lang yun, pero totoo yun. At sa totoo lang, may mga pagkakataon namang nagsisipag ako sa gawaing bahay, ayoko lang nang may nakatingin. Dahil ayokong pinapanood nila yung mga maling kilos ko.

Sa aming magkakapatid, ako yung wala talagang ginagawa sa bahay. Ako ang madalas pagalitan nina Mama at Papa, kahit yung mga kapatid ko nagagalit din sa akin dahil wala naman talaga akong naitutulong. Hindi ko naman pwedeng gawing walis ang lapis, gawing sponge ang papel, at gawing sabon ang pambura. Lahat ng gamit ko sa pagsulat ay walang ambag sa paglilinis ng bahay namin.

Ang sabi ng iba, walang halaga ang mga materyal na bagay na bigay ng ibang tao. Wala raw hihigit kapag inalayan ka ng akda ng isang manunulat. Dahil ang isang sulat ay mula sa puso at pagpapatunay na ikaw ang nasa isip niya. Sa dami ng naging sulat ko, kahit kailan hindi ko naging paksa sina Mama at Papa. Mahirap isulat ang hindi kabisado. Hindi ko sila ganoon kakilala. Ayokong magkamali. Paano ko nga naman sila susulatan kung tatlong salita hindi ko man lang naibigay sa kanila sa buong buhay ko?

“Mahal ko kayo.”

Hindi rin naman nila ako kilala. Dahil hindi rin naman ako nagpakilala. Kung papaano ko hinuhubaran ang sarili ko sa mga sulat ko ay katumbas ng pagtatago ng pagkatao ko sa kanila. O baka naman kasi, ako lang ang hindi naging totoo sa kanila?

Sina Mama at Papa ang kritik ko. Hindi ng mga sulat ko, kundi ng buhay ko. Palagi silang may komento sa bawat maling pagpapasya at pagkabagsak ko. Ang hirap nilang basahin. Hindi ko alam ang teoryang ilalapat. Nauubusan ako ng kuwit dahil kulang na lang ay bawal huminga sa tahanang ito. Batugan ang turing nila sa akin dahil wala raw akong ibang ginawa kundi humilata. Sa isip-isip ko, marami. Sa mga akda ko, kaya kong maglinis, kaya kong maghugas, at kaya kong maglaba. Higit pa roon, kaya kong lumipad, at kaya kong pumunta kahit saan. Pero ako lang ang may alam nun. Tamad pa rin ang tingin nila sa akin.



Monday, February 8, 2021

Balang Araw sa Music Museum

1. Hayskul ako natutong maggitara. Tuwing wala pa yung teacher namin o kung wala kaming klase, tinuturuan kami ng mga kaklase naming marunong maggitara. Nakaka-miss lang yung panahong nagbibitbit ako ng gitarang walang case mula sa bahay hanggang school. Tapos pag umuuwi ako, tinuturo ko sa elementary kong kapatid lahat ng natutuhan kong kanta sa araw na yun.

2. Pinauwi sa akin yung beatbox ng kaklase ko. Halos araw-araw kaming nagja-jamming ng kapatid ko, dahil nga marunong na siya kahit papaanong maggitara.

3. Music yung isa sa mga choice ko nung nagsagot ako ng form sa dream school ko. Kaso ang sabi nila wala raw pera dun. Alam niyo na, ganun mga linyahan ng matatanda. Sana itigil na ang ganung kaisipan. Hindi yun totoo.

4. May banda-bandahan kami nung college ako. E walang bassist kaya ako na lang daw. Sa loob lang ng speech lab yung praktisan namin. Ilang araw din kaming pinanuod ng mga silya, mesa, headphone, microphone. Sila yung unang audience namin. Isang beses lang kaming nakatugtog sa stage. Pagkatapos ng performance na yun, naging busy na kaming lahat sa dulaan.

5. Nag-drums ako sa talent showcase nung pageant sa CAL. Tuwing vacant ko, dumidiretso ako sa speech lab; pag walang pasok, nagre-rent ng studio; at dumayo pa ako sa Antipolo para puntahan yung nagtuturo sa akin.

6. May araw na nagtaka si Mama dahil dala ko pareho yung beatbox at gitara. Mula Dasma hanggang PUP. Madalas kasi akong mag-uwi ng kung ano-anong instrument ng kaibigan tapos kapag mismong performance na, ayun dyahe.

7. Dalawang beses akong kinuhang drummer. Before gig, nag-rehearse pa kami. Inabutan kami ng traffic. Pagdating namin, tapos na yung gig. Hindi kami nakatugtog.

8. Pagkagradweyt ko, may tinutugtugan kami dito ng mga tropa ko. Walang drumset dun kaya may dala-dala akong beatbox. Malapit lang dito sa amin kaso nagsara din yung shop nila.

 9. Bumili ako ng piano keyboard. Kaso tuwing nagpapraktis ako, nanggugulo sa akin yung mga kapatid ko at pamangkin. Mas marami pa akong naaral na nursery rhymes kaysa mga kantang gusto ko.

10. Mula sa libreng concert/gig hanggang sa may bayad (hangga't kayang pikitan), nandun ako. Lalo na kung mga kaibigan yung nasa line up. Suporta!

(Bonus. Galing ako sa praktis nang una kaming magsabay ni Rommel papunta sa isang spoken word event. Ang sabi niya sa akin, ilalagay niya na muna sa bag niya yung drumsticks. Pero ang totoo, sinadya niyang wag ibalik sa akin para may dahilan daw para makipagkita pa ako sa kanya.)

Sabi ko, balang araw, makakatugtog din ako sa malaking entablado. Kahit sa Music Museum lang. Kaso, baka hanggang pangarap lang yun. Baka hindi para sa akin yung music. Hindi naman ako magaling. Lahat naman na sinubukan ko. Baka dun ako nagkamali. Pinanghinaan agad ako ng loob. Sinimulan ko lang kasi. Alam kong nawalan ako ng oras at panahon pero hindi pa naman huli para hindi ituloy di ba?

Hindi man ako nakatugtog sa Music Museum, nakatula naman ako dun. Hanggang ngayon lumulutang pa rin yung pakiramdam ko. Siguro sa ngayon, okay na muna sa akin yun. Dun na muna ako sa kaya ko.



Sunday, February 7, 2021

Papel at Anim na Kuwerdas

 "Gusto mo lang ang pagtugtog, mahal mo ang pagsulat."

Seryosong sabi ko sa 'yo nang papiliin mo ako kung tutugtog ka na lang ba o magsusulat. Para kang nalagutan ng kuwerdas pero napunan ang blangkong tanong ng puro tintang sagot. 

Wala naman sa akin kung alin sa dalawa yung nais mong seryosohin. Sa kung alin ang gusto at mahal mo. Sa isa lang naman ako sigurado, na mga kamay ko lang ang nandito sa tuwing ayaw kang hawakan ng pluma at ng mga instrumento. 

Pero wala naman kasi ako sa pagitan ng musika at panitikan. Ang alam ko lang ay kung paano bibigyan ng himig ang oras nating walang sukat at hindi magtugma-tugma. Ang alam ko lang din ay kung paano lalapatan ng mga salita ang nakabibinging ritmo ng lungkot.

Ganun pala talaga pag gusto at mahal mo. Kaya tiniis ko ang mga paltos ng mga daliri sa tuwing kinakalabit ang gitara, bawat sakit. Kinabisa ko na rin ang balarila at retorika, bawat hirap. Ginusto at minahal ko pareho.

Para kung sakaling tanungin mo ulit ako, maliban sa mga nota at letra, maidadagdag na ba sa pagpipilian ang pangalan ko?



Saturday, February 6, 2021

Ikalawang Araw

 Inabot na tayo ng madaling araw sa byahe habang nakasandal ako sa balikat mo. Parang kailan lang, tinatawanan pa kita nang sinabi mong "Gusto kita at mahuhusgahan mo ba ang nararamdaman ko para sa 'yo?" May pagtanggi mula sa akin noon tapos ito tayo ngayon, magkasama. Sabi mo pa ngang ako ang sumalba sa araw mong papalubog nang walang paalam, na ako ang pinakamagandang nangyari sa buhay mo. Syempre, kinilig ako. Biruin mo, masyadong biglaan ang pagdating mo sa buhay ko. Kaya nga hindi ko masyadong maintindihan ang oras tuwing magkasama tayo, bumabagal pero masyadong mabilis, tumitigil pero masyadong maikli. 

Tapos nagulat ako kasi bigla kang tumingin sa akin at sabay sabing "Ang ganda mo." Humalakhak ako at sumagot ng "Hala! Baliw!" Tapos nagsalita ka ulit, "Ang sagot dyan ay salamat at mahal kita." Edi biniro kita ng "Yan din ba ang isasagot ko sa gusto ko na sinabihan akong maganda?" Tapos tumahimik ka. Hindi mo alam na yung boses mo ang pinakamatamis na narinig kong nagsabi sa akin nun. Dahil sa bawat titig at mga bulong mong winiwika yun araw-araw, maniniwala ako. At kung balang araw na ikaw na lang ang magsasabing maganda ako, maniniwala pa rin ako.

Saan na ba tayo nakarating? Saan na ba umabot ang pag-ibig natin? Ilang beses na ba tayong natrapik sa EDSA? Ilang beses na ba tayong binaha sa Espanya? Ilang beses na ba tayong naligaw sa Marikina? At ilang beses na ba tayong ginabi sa kalsada? Lahat yun hindi natin napansin dahil alam mong sang-ayon ang mundo sa atin. Ikaw ang sumalba sa naghihingalo kong damdamin, ikaw ang sumalo sa mga pumapatak kong luha, at ikaw ang nagpatahimik sa nag-iingay kong mga desisyon. Hindi mo alam na sa bawat kapit mo sa mga kamay ko ay siyang pagbitaw ko sa mapait na nakaraan. Pinainit mo ang nanlalamig kong tiwala. Kaya dito ka lang sa tabi ko, samahan natin ang isa't isa.

Mahaba pa ang ating lalakarin, marami pa ang ating pupuntahan, at malayo pa ang ating lalakbayin. Hindi ako mapapagod, kahit saan, kahit kailan. Ikaw ang aking magiging kapaguran at kapahingahan. Basta't nandyan ka palagi. Basta't magkasama tayo palagi. Sumilip man sa subangan ang araw at buwan at pareho nang namahinga sa sulnopan, lisanin man tayo ng dapithapon at bukang-liwayway, basta tayo, mananatiling nakasandal sa isa't isa, magkasama. 

At ngayon, inabot na naman tayo ng papalubog na araw at nagagalak ako dahil ikaw pa rin ang kapiling hanggang sa pagtitig ng buwan.



Friday, February 5, 2021

Naging Tanga rin Ako sa Pag-ibig

 Naging tanga rin ako sa pag-ibig. Ginago. Bata pa naman ako nun, first year college. Ewan ko ba bakit ko pinagtyagaan ng apat na taon yung ganung klaseng lalaki. Lahat ng nasa paligid ko, halos isumpa na siya. 

Siya yung tipo ng tao, kung tao nga ba, na hindi niyo gugustuhing makasama. Swear.

Bawal lumabas.

Bawal makipag-usap sa iba.

Bawal maging maganda.

Bawal magsuot ng daring.

Basta lahat bawal.

Pero pagdating sa kanya, lahat pwede.

Maliban sa manipulative e babaero pa. Imagine, buwan-buwan, iba-ibang babae. Ikaw na niloko, ikaw pa may kasalanan. Kesyo may lalaki raw ako. Nilalandi ko raw klasmeyt ko. Pinagnanasaan ko raw yung FB friend ko. Jowa ko raw yung bespren ko. Type ko raw mga kaibigan niya. Lahat ng lalaki, pinagselosan. Wala e, takot sa sariling anino si gago.

Akala ko kasi ganun yung pagmamahal, pagsasakripisyo. Ang maniwala sa taong mahal mo kahit mali at masama. Pero kung ganun lang din naman palagi, maituturing mo pa bang pag-ibig kapag nagdurusa ka na?

Ang totoo talaga, ako lang yung naging kawawa. Nabulag. Hindi naman ako naging masaya. 

May araw ba na hindi ako umiyak? 

Kelan ba kami naging ok?

Akala ko ba ayoko na?

Mahal ko ba talaga?

Akala ko nagmahal na ako noon. Hindi pala. Hindi nasusukat ang pagtangi kung gaano ka kaseloso o kahigpit sa partner mo. Hindi makasarili ang umiibig.

Wala naman nang dapat pang panghawakan pa. Sino bang gustong kumapit sa lungkot, sa sakit, sa sama ng loob, sa bigat ng pakiramdam, sa muhi, at sa galit? Tiyak akong nang iwan ko siya, hindi naman siya yung pinalaya ko. Kundi ako. Alam kong nakalimutan ko lang mahalin yung sarili ko.



Thursday, February 4, 2021

May Secret Ako, Sasabihin Ko

 2010 nung una akong maoperahan. May kinuhang taba sa likod ko. Kasinglaki ng puso ng manok. Gising ako dahil minor operation lang naman pero inabot ng 2-3 hours bago tuluyang naalis ng mga doktor yung bukol. Mas nauna pang natanggal yung anaesthesia kaya ramdam na ramdam ko yung tusok ng karayom sa likod ko at kung paano dumadaan yung sinulid sa balat ko. Kahit tinurukan ulit ako ng pampamanhid nang dalawang beses, e hindi na tumalab.

1-inch lang ang pilat. Pwede naman daw wag nang ipatanggal, sabi ng doktor. Masisira lang daw ang likod ko dahil magkakapeklat. Kapag nagdalaga raw ako, hindi ako makakapag-swimsuit. Sa isip ko, gusto ko nang maalis yun baka delikado at nasa isip ko rin noon, hindi naman ako magbi-bikini.

Nung baby palang ako, color violet/green lang daw yun. Parang bálat lang. Pero habang lumalaki raw ako, e lumalaki rin daw yung nasa likod ko. Tapos kumikirot depende sa panahon. Mas masakit kapag mas malamig. Palagi akong pinapa-check up ni Mama at Papa pero hindi matukoy lahat ng doktor kung ano ba yung bukol na yun. Mabuti na lang libre kami sa ospital kaya kahit ilang beses pa kaming magpakonsulta sa mga doktor.

2016 nang makapa kong parang may tumutubo ulit. Kasinglaki ng palad ko, parang mas malaki pa. Kaya mas masakit lalo kapag tag-ulan. Pinaasikaso na sa akin ni Mama at Papa lahat ng papel ko dahil kelangan daw maoperahan ako bago mag-21 years old para walang gagastusin sa operation ko. Kung ano na mga tinurok sa akin, ipinasok ako sa kung anong mga makina, pero hindi pa rin nila matukoy kung ano ba talaga yung taba na yun.

Days before my birthday, nasa operating room ako. Malamig sa loob. Nanginginig yung buong katawan ko. Ang huling naaalala ko, may nilagay silang mask sa akin tapos nawalan na ako ng malay. Nagising na lang akong wala na yung bukol sa likod ko. Ilang buwan din yung lumipas bago humilom yung sugat at bago ako naka-recover. 4-inch na yung pilat.

Tama nga yung doktor. Masisira yung balat ko. Matagal din bago ako nakapag-bikini. Dahil nga, may ayaw akong ipakita sa iba. Yung nakaumbok at maitim na peklat ko. Ang nagawa ko lang ay tapalan yung bagay na matagal kong tinago. Kung paano ko naramdaman yung karayom nung unang opera sa akin e ganun ko naramdaman yung karayom habang nilalagyan ako ng tattoo.

Ang tagal ko ring angkas sa likod kung anoman yung bagay na yun, mabuti na lang kahit papaano e wala na yung alaala niya. Kapag tatalikod ako at titingin sa salamin, hindi ko na makikita kung ano yung bigat at kirot na naramdaman ko noon. Wala na.



Wednesday, February 3, 2021

Kapag May Nagbukas ng Bintana

 Napatanong ako sa sarili, kapag may nagbukas ng bintana ng kotse sa harap ko at pinakyuhan ako, anong mararamdaman ko?

Isa yan sa mga naranasan ng mga manggagawa ng Regent, na kinuwento nila sa amin noon. Bigla ko lang naalala. Ikuwento ko na lang din dito.

Ito yung pagkakasabi ng president ng Regent Food Workers Union, nung mapadaan daw yung sasakyan ng boss nilang si Susan at Ricky See sa picketline, binuksan lang daw yung bintana ng kotse para pakyuhin sila at batuhan ng maraming limang piso.

Dagdag pa niya, dalawang dekada na raw silang nagtatrabaho sa Regent pero mababa pa sa 5K yung nakukuha nila. 12 hours daw silang nagtatrabaho, umaabot pa ng 14 hours. Walang bayad ang overtime. Minsan daw hindi na sila nakakapag-lunch dahil hinahabol nila yung nilalabas ng makinang hindi pinapatay kahit breaktime.

Kinuwento rin nila yung nangyari sa illegal na dispersal at kung paano binuwag ng mga inarkilang goons, at security guards yung welga. 20 regent workers yung hinuli ng mga pulis, yung dalawa e mula sa Defend Job Philippines, tapos isang tricyle driver na hindi naman kasali sa strike, tinawag lang siya ng pulis tapos pinosasan na.

Nung nasa loob daw sila ng kulungan, kuwento ni Mang Basilio, isa lang daw yung balde ng tubig para sa apat na tao. Kasama na roon yung pang-toothbrush. Mismong toothbrush, naghihiraman pa raw sila. Sabay-sabay daw silang naliligo at nagkakahiyaan pa. Yung isang baldeng tubig, hindi pa raw araw-araw. Tapos kapag matutulog sila, patagalid. Kapag gigising, tatayo. At kung matutulog ulit, gigilid lang ulit.

"Mahirap kasi sa kulungan, para kayong mga aso dun, mabaho." habol niya.

Ganyan winawalanghiya, yinuyurakan, at hinaharas ng mga kapitalista ang mga manggagawa.

Ang hirap i-imagine yung ilang araw nila sa selda. Kailan pa ba naging krimen ang magsalita at kumilos para ipaglaban yung sariling karapatan? Ang gusto lang naman nila ay mabayaran nang tama ng kompanyang pinagtatrabahuan nila; makapagpahinga; yung sapat na oras lang ng trabaho sana; na ituring din sana silang tao; na kailangan din nilang mabuhay; may mga anak, kapatid, magulang na umaasa sa kanila para mairaos ang araw-araw. Tiyak namang may dangal sila kumpara sa mga politikong pinapasahod nang malaki ng taongbayan pero wala namang ginagawa, ay meron naman pala, ang magnakaw at maging tanga.

Alam niyo na, pareho lang naman ang mga kapitalista at ang administrasyon natin. Yea, parehong sh*t. Tapos tayong mga ordinaryong mamamayan yung nagdudusa sa mga sh*t nila.



Tuesday, February 2, 2021

Hi Class, Welcome Back to My Channel

 Bakit hindi na lang gumawa ng youtube channel yung mga teacher? Sa atin pa yung copyright at hindi sa school. Tapos i-upload natin dun lahat ng ituturo natin? Tapos sabihin natin sa mga bata, ito na yung link ng lesson natin. Please don't forget to subscribe, like, and share. 

Tapos darating yung time na mamo-monetize na yung account natin. Gawin nating challenge-challenge yung mga performance tasks at written works. Gaya ng sumulat ng tula challenge, o kaya pabilisan mag-compute challenge, o kaya post your dance challenge. Pwede ring surprise quiz prank, o kaya walang assignment prank. Ganun.

Para makabawi man lang tayo ng kità sa mga kapitalistang school na binabaan ang sahod natin kasi nga online lang naman daw, pero hindi nila naisip na nagpakabit tayo ng internet, lumaki yung bill sa kuryente at gumastos ng mga gamit, habang yung tuition nila ganun pa rin kataas kahit online lang naman.

Maituturing din naman nating influencer ang mga teacher. Maayos naman ang content at matututo ka, at saka para maging totoo na rin yung sinasabi nilang mataas ang sahod ng mga guro. Di ba?



Monday, February 1, 2021

Ang Hirap ng Online Class

 May pwede naman talagang gawin ang DepEd at CHED sa panahong ito. Kung nagtanong lang sila sa lahat ng magulang, guro, at mga estudyante. Hindi yung nagpa-online survey lang sila na ang nakasagot lang naman ang mga meron. Hindi naman talaga lahat may materyal na gagamitin. Kahit pa sabihing kumpleto sa gamit: microphone, headset, ringlight, laptop, e hindi naman tayo palaging sigurado kung magiging mabilis o mabagal ba ang signal sa isang lugar. Naisip kaya nila na maliban sa connection ay matututo ba talaga ang mga bata sa ganitong sitwasyon? Base sa mga obserbasyon ko, baka kaya nag-enroll na lang ang mga estudyante ay para hindi mapag-iwanan. At baka kaya sumusunod lang ang mga guro ay para hindi mawalan ng trabaho.

Sa huli, ang mga estudyante at mga guro pa rin ang kawawa. Habang sila, hayahay.

Marami nang nawalan ng hanapbuhay, may hindi pa rin nakakatanggap ng ayuda, may ilan na wala na sa kani-kanilang inuupahang bahay, daan-daan na ang namamalimos sa daan, libo-libo na ang namatay at namatayan. At mayroon pa rin palang mga kagawaran na hindi makatao.



Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...