Sunday, January 31, 2021

Ang Totoong Resignation

 Nung nagsimula yung lockdown, nakikita ko sa ilang mga co-teacher ko na may mga pinapagawa na sila sa mga estudyante nila sa online. Ako, nagpagawa lang ako ng groupchat sa messenger. Para doon ako mag-a-update kung paano ang magiging sistema ng school. Atleast kahit papaano ay pwedeng freedata sa messenger. Na mayroon pa rin kaming koneksyon kahit wala kaming mga load.

Wala akong pinagawa sa mga estudyante ko na performance tasks at written works. Ang hiningi ko lang sa kanila ay yung requirements nila sa akin bago kami mawalan ng pasok. Ginamit ko lang yung messenger para i-announce sa kanila kung sino na yung mga nakakumpleto. Nangangapa pa ako kung paano kokolektahin ang mga bagay-bagay sa online at paano gagawin ang tambak na paperworks nang nakaharap lang sa computer.

Dahil nga wala akong pinagawa sa mga estudyante ko, nagulat na lang ako na yung isa kong co-teacher nasa loob na ng GC ng mga section na hawak ko. Baka pinakiusapan siya. Nag-iwan ng activities na kailangang ipasa sa binigay na petsa. May ilan ang nagpasa, pero mas maraming nag-chat sa akin ng:

“Ma’am, pwede po bang late magpasa dahil madaling araw lang po kasi mabilis yung data ko.”

“Ma’am, hindi na po kasi ako makapasok sa link. Pwede po bang sa inyo na lang i-send?”

“Ma’am, paano po yung mga hindi nakapagpasa?”

“Ma’am, babagsak po ba ako dahil hindi po kasi ako maka-online?”

Iisa lang naman ang mga daing namin. Pare-pareho ng mga pangamba. Wala kami ng mga materyal na kinakailangan para mairaos ang school year na ito.

Tatlong beses akong pinuntahan sa bahay ng admins para ipatapos sa akin yung trabaho ko. Kasagsagan ng total lockdown kung saan bawal bumisita at pumunta kahit saan, nang tatlong beses nila akong gulatin na nandyan na sila sa tapat ng bahay namin. Noong una, coor ko lang. Nung pangalawa, kasama ng coor ko ang principal. Nung pangatlo, kasama ng principal yung prefect of discipline namin. Hiyang-hiya ako sa mga magulang ko at sa mga kapatid ko, dahil hindi ko naman kailangan pang dalawin pa para lang tapusin ang naiwang trabaho. Ang nasa isip ko pa nun, kahit kailan ay hindi ako pinuntahan ng teacher ko nung nag-aaral pa ako tapos ngayong nagtatrabaho na ako saka pa ako na-home visit.

Tinanong nila ako bakit hindi ko raw magawa-gawa, isang lang naman ang sagot ko sa utak ko, wala akong mabilis na internet at wala akong magandang laptop. Hindi ko naman na kailangan pang sabihin sa kanila. Dahil kung nakakaintindi sila ay sa umpisa palang nauunawaan na nilang nasa krisis tayo. Lahat naman tayo nasa adjustment period pa lang. Paunti-unti, natapos ko naman lahat ng pinagawa nila at naipasa ko na rin sa kanila kahit pa hindi nila ako pinasahod sa huling cut-off ko.

Hindi naman ako umalis sa school dahil nag-apply ako sa ibang school. Gusto ko lang magpahinga. Gusto ko lang ng mapayapa. Gusto ko na makatulog nang mahimbing. Sa dami ng umalis, bakit parang naramdaman ko na ako lang yung hinabol nang ganito?




Saturday, January 30, 2021

Teacher's Table

 Kung meron man siguro akong nami-miss sa face-to-face na klase, yun siguro yung mesa ko. Naiiyak ako sa tuwing naaalala ko yung last moment ko dun. Yung akala ko magre-resign na ako. Hindi nga natuloy, nagka-COVID naman.

Kamusta na kaya yung mesang yun? Hindi ko lang makalimutan nang huli kong sulyapan yun.

Tahanan ng mga guro ang mesa niya. Ito ang pahingahan ng assignments, test papers, written works, at performance tasks na hindi pa natsetsekan. Ang saksi sa mga iniiwang liham ng mga estudyante habang wala siya. Ang tumatanggap ng mga memos mula sa admins. Ito ang sumasalo ng mga suntok, sipa, antok at luha.

Hindi nauubusan ng laman. May dumadagdag kada araw. Sa harap mo, nakadikit doon ang maraming sticky notes na palaging nagpapaalala sa 'yo at sangkaterbang reject na papel na nakakahinayang itapon. Nakahilerang mga sapatos at bundok-bundok na folder sa ilalim. Tasa, salamin, susi, mga hindi mabilang na basura sa gilid. Hindi ka na makakilos dahil halos lahat na ng gamit mo sa bahay dinala mo na.

Sa huling pagkakataon, sinulyapan mong muli ang mesa mo. Blangko. Wala nang kalat. Lumawak na ang espasyo. Bitbit mo na ang lahat ng gamit. Tanging tungkulin na lang ang naiwan.



Friday, January 29, 2021

Resignation Letter

 Isang taon na rin pala ang nakalipas nang i-send ko 'to sa groupchat ng lahat ng estudyante ko. Palagi kong pinapalakas yung loob nila kaya ayokong makita nila akong mahina. Hindi pala sa lahat ng pagkakataon, matatag ang guro. May panahon din pala ng pagsuko.

Mga Mahal,

Sa tuwing nagtatanong kayo kung ayos lang ako, wala naman akong pagdadalawang isip na sumagot ng oo. Mabigat lang naman talaga ang mundo, palagi tayong pinapipili ng mga bagay na bibitawan. Sa hindi mapakaling isip: nakakapagod ang buong araw at masyadong maikli ang gabi. Kailan ba tayo nakatulog nang mahimbing? Kay tagal ko rin yon hiniling. Sakaling hindi niyo na marinig ang ritmo ng takong na umiikot sa klasrum, o ang ingay ng bolpen na paulit-ulit pinipindot: mga tunog na nalilikha kapag wala na akong masabing salita, baka nga, baka lang, nasa iba na akong paglalakbay. Dahil ang guro, hindi robot, darating din sa puntong maghahanap ng mahabang breaktime. Magkaiba man na tayo ng landas sa mga susunod na araw, tandaan niyong hanggang sa huli, kayo pa rin ang dahilan ng aking pagkapit.

-Bb.

Tho, hindi natuloy yung pag-alis ko. Ganun naman e, mas aalalahanin mo yung kapakanan ng mga estudyante mo kahit pagod na pagod ka na sa sistema.



Thursday, January 28, 2021

Hindi Kami Umabot sa Ranking

 Hindi kami pumasa nung nagpa-rank kami ni Rommel sa public school. Konting-konting puntos na lang e. Expected naman yun. 

Grabe yung naranasan namin sa pag-apply. Naalala ko, nung tinawag na ako, ang unang hiningi sa akin e yung TOR ko. Inabot ko. Hinahanap niya yung GWA ko dahil wala dun. Buti na lang na-compute ko bago kami pumunta. Malaking puntos pala sa pagpapa-rank yung GWA mo nung undergrad. Bumagsak na yung balikat ko, kasi hindi naman ako naging matinong estudyante nung college. Dos lang ako no. At saka, akala ko tinitignan lang yung GWA kapag fresh grad. Paano kaya yung sampung taon nang nagtuturo o lagpas pa, tapos ngayon lang naisipang lumipat sa public, sa tagal ng experience niya, bibigyan siya ng grade ng DepEd sa kung paano siya naging estudyante noon.

Hiningi din yung mga certificates ng seminar na napuntahan ko, 2 days ang minimum. Edi ligwak na yung mga isang araw lang. May mga naibigay naman ako, sayang daw yung 7 days, 10 days, 12 days, 1 month kong workshop kasi ang maximum lang daw ay 5 days, yung maximum lang daw yung magiging point nun, pero itatanong niya raw kung paano gagawin dun. May mga hindi rin tinanggap dahil wala sa certificate yung date kung kelan nagsimula o kelan natapos. Hindi rin tinanggap yung magkakahiwalay na certificate, ang sabi ko, magkakasunod po yung date nyan at iisa lang yung title ng inset, hiniwa-hiwalay lang ng organizer yung topic kaya marami yung cert. Ang sabi niya, dapat isa lang daw.

Ang last na hiningi ay yung certificate ng nanalong contest, isa lang naibigay ko. Nalaman ko kay Rommel na may mga hiningi sa kanya na hindi hiningi sa akin. At may mga hiningi sa akin na hindi hiningi sa kanya. Ang sabi namin sa isa't isa, sa susunod na lang namin itatanong dahil pinapabalik din naman kami para ayusin yung CD.

Nung bumalik kami, nauna si Rommel. Ang tagal niya sa loob. Tinanong niya kung kasama pati published works, ang sabi sa kanya, oo pero hindi kasama yung sa school paper. Ang tingin siguro sa kanya ay school paper adviser na ipe-flex ang dyaryo ng school niya. Edi pinakita ni Rommel yung mga picture ng libro na nandun din siya. Hindi tinanggap dahil dapat photocopy. Ayaw pang maniwala na nasa National Book Store yung iba.

Kaya nung ako na at tinanong ako anong ipapa-update ko, sabi ko published works din. Pinakita ko yung mga anthology (with ISBN) na nandun mga sinulat ko. Nilabas ko yung mga libro na nandun ako at yung iba e picture lang dahil wala akong kopya ng mga librong yun. Ang sabi sa akin, may point daw yun pero idi-divide daw yung makukuha kong puntos kung ilan yung contributor ng libro. Kelangan ko pa raw bilangin kung ilan yung kasama kong author para malaman ang score ko sa bawat libro. Kaya ang sabi ko, wag na lang. Which is mali yung sinabi niya. Walang nakalagay na ganun sa DepEd memo.

Huli kong pina-update ay yung speakership. Sabi sa akin, dapat yung may mga pirma lang ng principal. Marami-rami rin yun. Tapos biglang sabi niya, dapat daw ang attendees ay teachers, hindi students, hindi orgs. Kaya isa lang naabot ko. Kinuha niya. Nakita niyang may pirma ng Principal IV ng isang public school. Tinanong niya ako sinong participants nun, sabi ko, teachers po. Hindi ko alam kung ganun ba talaga sa division office nila, kasi nalaman ko sa mga kaibigang public school teachers, lahat ng certificates tinatanggap kahit sa org/club lang galing.

Tapos tinanong niya ako kung may ia-update pa ako. Sabi ko, wala na po. Ganito pala sa feeling kapag back to zero no? Nakakahina kasi parang wala na kaming pag-asa. Hindi kami binigyan ng pagkakataon.



Wednesday, January 27, 2021

Hindi Kami Teacher "Lang"

 Nagtanggalan ng teacher sa dating school na pinagtuturuan ko. Hindi lang pala teachers, pati mga maintenance. Nagbawas sila ng mga empleyado. Ang sabi, konti lang daw ang mawawalang faculty dahil mas madaling tanggalin ang mga janitor kasi nga hindi naman daw nagtuturo. Hindi ko alam kung bakit pa kailangang sabihin yun. Pampalubag-loob? Kahit kailan ay hindi ko tatanawing utang na loob iyon. Dahil sa totoo lang, parehong mababa ang tingin nila sa janitors at teachers. Bihira lang ang institusyong mayroong pagpapahalaga sa mga empleyado nila. Hindi ko maipinta yung mga mukha ng co-teachers ko nang sandaling iyon. Nakakunot ang mga noo, bakas ang inis at pangamba. Mga nakatikom yung mga labi pero maraming gustong sabihin. Nagtitinginan lang kami. Mga mata lang namin ang nag-uusap. Walang nagtaas ng kamay. Walang tumayo. Walang gustong kumontra dahil baka kung sino ang magsalita ay siya ang mauuna. Ang tanging nagawa lang namin ay makinig. Ganun naman ang mga may pwesto sa taas, ang gusto lang nila ay makinig tayo pero kahit kailan naman hindi nila tayo pinakinggan. 

Ang dahilan ng tanggalan, konti lang ang nag-enroll. Malaki ang nawalang estudyante kaya malaki rin daw ang lugi. Kalagitnaan ng June sinabi sa amin yun habang may inset kami. June na pero inset palang namin. Sana sinabi nila nang maaga para nakapaghanap-hanap na ako ng pwedeng apply-an. Paano naman ako makakakita ng bagong pagtuturuan kung lahat ng school nagsimula na? Kaya lahat kami nabigla sa announcement. Sino namang hindi mawiwindang? Baka isa sa mga katabi ko ang mawala o baka ako mismo ang alisin.

Dapat daw tanggalin na yung maraming late, pala-absent, at yung hindi magaling magturo. Hindi na raw kailangan ng school yung mga ganun. Tatanggalin ka na, pinagsalitaan ka pa. Parang basura lang ang tingin sa mga guard, canteen staff, janitor, at teacher, itatapon na lang kapag hindi na kailangan. Hindi nila alam na yung mga lakas ng mga manggagawa ang nagpapayaman sa kanila. Nakayuko lang ako habang pinapakinggan yung sermon. Ang alam ko ay nasa inset ako, nandito ang mga guro para ma-develop kami, hindi para dautin ang propesyon namin. Sinisisi nila ang kakayahan ng teachers kung bakit maraming estudyanteng hindi na nag-enroll sa school namin. Hindi nila alam na maraming nawalang estudyante dahil taon-taon tumataas ang tuition.

Sa Filipino Department ang maraming tinanggal, tatlo. Sa lima o anim na nawalang faculty, kalahati ang mula sa kagawaran namin. Patlang ang mga mukha ng co-teachers ko. Lahat kaming naiwan hindi nagpasalamat na hindi kami inalis. Wala ni isa sa amin ang may gusto sa nangyari. Nakita ko yung tatlo kong kaibigan sa CR. Umiiyak. Wala akong binigkas na kahit anong salita, pinili kong manahimik na lang kaysa mali pa ang masabi. Hindi ko pwedeng sabihing ayos lang yan, o hayaan niyo na, dahil may mga pamilyang umaasa sa kanila. May mga kapatid o mga anak na magugutom sa mga susunod na buwan. Mga yakap lang ang kaya kong ialok. At alam kong wala namang silbi yun para sa kanila sa oras na iyon.

Wala akong nasagot sa tanong nilang, bakit kami ang tinanggal? Sa dami nga naman namin, bakit sila pa? O bakit kasi kailangan pang may alisin? Wala naman yatang iniwang sagot sa kanila ang admin. Sa dalawa lang ako sigurado: dahil Filipino subject lang naman o baka Filipino teacher lang. Palaging karugtong ng Filipino ang salitang “lang”. Kasi nga ito lang daw kami.

Baka pwede silang magturo ng ibang subject, sabi ko sa coor ko. Para dito pa rin sila. Bakit hindi sila bigyan ng PE (Physical Education), MIL (Media and Information Literacy) o FCL (Filipino Christian Living)? Baka kaya naming ituro yan sa wikang Filipino. Kaso, ang sabi sa akin, hindi raw yun pwede. Dapat daw ang hawak nila ay major nila. Ang pinagtataka ko ay, bakit noong mga nakaraang taon, pinagtuturo nila ng Filipino subject ang hindi naman Filipino major? Ganoon ba yun, hindi pwedeng magturo ng kahit anong subject ang Filipino teacher pero kayang ituro ang Filipino ng kahit sinong teacher? Maliit ba talaga ang espasyo sa paaralan ng asignaturang Filipino at ng mga guro sa Filipino?

Tatlong taon din ako sa Senior High bago ako tuluyang mapagod. Madaling iwasto yung mga batang makukulit dahil yun naman ang trabaho ko, pero mahirap ituwid ang sistema. Nagtanggal sila ng mga empleyado tapos ibabato nila sa mga natirang teacher ang dapat teaching load ng mga inalis. Palagi nila kaming sinisilaw sa mga katagang, may bayad naman yan. Aanhin naman namin ang pera kung unti-unti na kaming namamatay. Sinubukan ko namang humindi. Hindi ko naman yata kayang magtiis sa lugar kung saan masama ang magpaliwanag at mali ang tumanggi. Wala naman akong nagawa. Yung pasok ko, 7am hanggang 6pm, meron akong walong section na hawak, 50 students sa isang klasrum, meron akong dalawang class advisory. Ginawa nila akong coor ng community service na hindi ko naman na nagawa. Oo nga naman, mas makakatipid sila na magdagdag lang ng sahod kaysa magbayad ng bagong basic salary. Tapos sasabihin ng iba na, bakit yung iba kaya, ikaw hindi? Hindi naman kami pare-pareho ng lakas. Hiwalay pa dyan yung mga paperworks na pinapagawa, na mas niraranggo nila ang teacher ayon sa bilis at dami ng mga natatapos na papel kaysa sa kanyang pagtuturo. 

Dati, hinahabol ko yung perfect attendance at ang hindi ma-late, pero ngayon, ang hinahabol ko na lang ay pahinga. Gusto ko na lang magpahinga. Nakakatawang isiping kapag late, may kaltas. Pero kapag overtime, thank you lang. Kaya tuwing sahod, automatic na may bawas na yun, pero yung ilang buwan naming sub at overload wala pa rin. Kay bilis nilang magkaltas, kay tagal nilang magdagdag. Kaya kapag may half day ako, talagang umuuwi agad ako. Dahil gusto ko ring magpahinga. Makabawi man lang sa sarili.

Saludo ako ngayon at nagpupugay sa mga kaibigan at kasamahan ko doon dahil marunong silang makinig. E kailan naman kaya sila papakinggan?



Tuesday, January 26, 2021

Hindi Ko naman Pangarap maging Teacher

 Hindi ko naman talaga gustong maging teacher. Kahit ilang beses pang sinabi sa akin ng mga tito at tita ko na magiging teacher daw ako paglaki. Sigurado na sila. Na nakikitaan daw nila ako. Kaya ko raw magpasunod ng mga bata. Pero, hindi ko talaga gustong maging teacher. Siguro dahil marami na akong naririnig na kuwento kina Papa at sa mga kapatid niya tungkol sa pagiging teacher ng Lola ko sa Masbate.

Hindi raw nag-i-stay si Lola sa bahay nila, hindi ako sigurado kung sa bayan ba siya nagtuturo o sa liblib na lugar. Iniiwan daw sila kahit bata pa sila. Umuuwi lang daw si Lola tuwing weekend. Iisa lang ang kuwento ng mga tito at tita ko, na nasasabik sila kapag umuuwi si Lola. Hindi ko alam kung saan sila nasasabik, sa yakap ng isang ina o sa kartong may lamang pancit kanton at mga de-lata na dala-dala ni Lola para may makain sila sa buong linggo. Yun lang daw kasi yung inaasahan nila para hindi magutom. Masuwerte na raw kung may dalang karton, dahil minsan daw, wala.

May araw na umuwi si Lola. Atat na atat silang buksan yung karton. Lahat sila nakapalibot. Pagtanggal ng takip, sanggol yung nasa loob. Bangkay ng bunso nilang kapatid. May karton din palang hindi nakakasabik. Mga ilang linggo rin siguro silang hindi nakaramdam ng gutom.

Dahil bata pa ako noon nang marinig yung paulit-ulit nilang kuwento, pwede kong itanong na, bakit hindi na lang iniwan sa magkakapatid yung baby? Bakit kailangan pang isama? At saka, pwede namang hindi muna magturo si Lola dahil kakapanganak lang ‘di ba? Na ako rin naman ang nakasagot sa mga tanong ko, dahil walang magpapadede, walang mag-aalaga nang maayos, at kapag titigil sa trabaho ay may sandosenang anak na kakalam ang sikmura. Kalunos-lunos sa isang nanay na mawalay ulit sa huling anak. Kaya ayokong maging teacher dahil mabigat pala yung responsibilidad. Isa kang ina na piniling malayô sa mga anak para magpakaina sa loob ng paaralan. 

Nagkapamilya na at nagkaanak yung mga anak ni Lola, teacher pa rin siya. Nung lumipat sila dito sa Maynila, palagi niya akong sinasama sa pinagtuturuan niya sa Parañaque. Grade 2 ako nang first time kong makatuntong sa public school. Masikip yung klasrum, sira-sira yung mesa at upuan, hindi gumagana yung electric fan. Sumisingaw ang asim, nakaririnding sigawan, masakit sa tenga ang tunog ng dumadaang eroplano, may tumatakbo sa harap, may nagbabato ng chalk, may umiiyak sa sulok, may nakatuntong sa mesa, mga batang isiniksik sa maliit na silid. Mga estudyanteng sabik sa kahon ng karunungan.

Paano nga ba maging ina sa lagpas pa sa sandosena?



Monday, January 25, 2021

Ipinapangako Ko, Hindi na Ako Iinom

 Ngayon lang ako nalasing nang ganito. Hindi naman talaga ako malakas uminom. Malakas lang akong magyaya at mamulutan pero maarte ako sa alak. Gusto ko ng masarap. Soju lang talaga. Pass kapag hindi. Sa totoo lang, tagakuwento lang ako. E kahapon, gin lapad yung binili. Sino bang may gusto ng gin? Sinarapan na lang ni Rommel yung timpla. Sino bang aatras di ba?

Umiinom lang naman ako kapag kasama ko mga pinsan ko, dito lang sa bahay. Hindi ko naranasang makipag-inuman sa labas, sa kaibigan. 20 years old ako unang nakatikim ng alak. Sumuka rin ako. 2018 yung sumunod na sumuka ako dahil sa alak. At ito.

Kagabi, I mean, kanina, kung ano-ano raw mga pinagsasabi ko. Ang huling naalala ko, nagkukuwentuhan kami ng nakakatakot tapos nakatulog ako sa balikat ng pinsan ko. 

Nagising ako kanina, umiikot yung paningin ko. Nakakalulà. Tumayo ako para umihi, pagbalik ko sa kwarto dala ko na yung tabò. Tapos dun ako sumuka. Sinabi ko kay Rommel na sumuka ako. Sabi niya, kaninang madaling araw ka pa sumusuka.

Tapos ito na yung mga kuwento nila:

1. Iniinom ko raw yung tagay na hindi naman para sa akin.

2. Ang dami raw natapon na alak. Binubuhos ko raw sa sahig yung laman ng baso at binubuksan yung gripo ng tower kahit walang basong nakasaló.

3. Pinapatigil na raw ako ni Rommel pero ang sabi ko raw, kaya ko pa.

4. Lapis raw yung una kong hinanap. Sabi ko raw, magsusulat ako. Sabi ko rin daw na magbabasa ako dahil hindi ko pa tapos basahin yung pang-week 3 ko.

5. Habang nagsusulat daw ako sa kwarto e bigla akong sumuka. Nasukahan ko raw yung notebook ko.

6. Pagkatapos daw linisin ni Rommel, sumuka daw ulit ako. Mas marami daw.

7. Pinalitan daw ako ng damit ng pinsan ko dahil may suka at tinago niya na raw yung notebook ko. Hiningan ko raw siya ng tubig dahil nauuhaw ako, tapos binuhos ko raw sa sahig.

8. Sinisisi ko pa raw yung pinsan ko na siya yung sumuka. Ang sabi ko pa raw, "Pinalitan lang niya ako ng damit para kunwari ako yung sumuka."

9. Sinabihan ko raw si Rommel ng "Di ba sabi niyo magdadagat tayo?" tapos bigla raw akong nag-dive dun sa tinapon kong tubig.

10. Ang kulit-kulit ko raw kasi hinahanap ko yung notebook at lapis ko. Paulit-ulit daw ako. Ayaw ko raw tumigil. Ang sabi ko raw, tatapusin ko yung assignment ko kay Bob Ong.

Tawa ako nang tawa. Ang alam ko lang talaga, mahimbing na akong natutulog.

Ito pala yung nakasulat dun notebook ko:

"Ang una kong hinanap, lapis. Gusto ko ng lapis. Kanina pa ako ginigising ni Rommel. Palagi naman akong nagyayaya ng inom, pero ngayon lang ako uminom ng ganito. Basta alam ko marami akong naisuka. Umiikot lahat ng nasa paligid ko. Hindi ko na alam yung nangyayari. Basta alam ko lasing ako. Hindi ko na alam yung mga sinasabi ko, mga ginagawa. Nagrereklamo na si Rommel sa akin. Hindi niya raw alam kung paano lilinisin. Kasi limang gin. Nagrereklamo si Rommel. Ngayon lang daw siya naglinis ng suka. Sabi ko naman susuka ako, pero pinaalis niya ako sa CR. Limang gin, hindi naman ako malakas uminom. Wala pa akong assignment kay Bob Ong, sinusulat ko palang. Patay daw kami kay Papa. *Sabi ng prof, ano daw yung kayang isulat pag lasing? Edi wala."

*Tanong yan ni Sir Rogelio Ordoñez sa klase naming Malikhaing Pagsulat nung college ako, What can you write when you are tipsy?




Sunday, January 24, 2021

Future Baker

 Kay Anisha talaga ako na-inspire mag-bake. Tiga-tikim at tiga-kain lang ako ng mga ginagawa niyang desserts.

Gumawa siya ng ice cream noon. Kapag pagod na siyang asarin yung mga ate niya, ito yung madalas niyang kinabi-busy-han. Napatikim niya na rin sa amin yung cupcake, cookies, pizza at banana cake nung nakaraan.

Si Rommel palagi yung assistant niya. At palagi niyang inuutusan bumili ng mga ingredients. Tapos pag tinanong kung nasaan ang pera, mag-aabot siya. At hahabol ng salita si Anisha, "Pero utang mo sa akin yan."

Sa youtube niya lang napapanuod yang mga yan. Nakita ko siya one time, ilang beses binabalik at hinihinto yung video. Sinusulat pala niya. Malay ba niyang pwede namang i-search sa google at i-print. At hindi na kelangang putol-putulin ang video para isulat yung recipe. Lahat yun nakalagay sa booklet niya. May iba pang salita don na hindi niya alam i-spell kaya siya na lang nag-imbento ng spelling.

Talo pa ako. Mas naunang natuto sa kusina. Gusto niya naman daw subukan gumawa ng milk tea next time.

Ngayon, siya na yung nakikitikim at nakikikain sa mga desserts gawa ko.





Saturday, January 23, 2021

Sana Magkaroon na ng Mabilis na Internet Connection sa Pilipinas

 Ngayon lang kami hindi nagkaproblema sa internet dahil meron na kaming wifi. Nung nakaraan, salitan kami tuwing may klase kami sa Creative Writing. Hindi kami magkandaugaga kung anong device yung gagamitin namin dahil napuputol at humihinto yung signal, data lang kasi ang gamit namin.

Naalala ko nung mga unang araw ng pasukan. Naririnig ko siyang nagtuturo na. Tapos nanahimik, akala ko nagpa-breaktime. Maya-maya, kumatok siya sa pinto ng kwarto. Tinanong ako kung may signal daw ba ako. Ang sabi ko, nawala. Siya rin daw nawala sa klase. Ilang minuto rin bago siya nakabalik. Nag-sorry sa mga naiwang estudyante. Sinabi niyang nasa kanya ang problema, mabagal ang internet. Bumalik siya sa pagdi-discuss, nakailang sorry din sa kanya yung mga estudyante niya dahil kailangan nilang ipaulit yung sinabi niya dahil nagloloko rin ang connection nila. 

Wala e, tayo ang nagso-sorry sa kasalanan ng sistema.

Isa lang ang maipapayo ko sa mga guro at mag-aaral: maging mas mapagpatawad pa tayo sa isa't isa. Marami-rami na akong nakikitang post na mainit ang ulo ng ibang teacher sa kanilang mga estudyante, at may ibang mga estudyante na sinasadyang inisin yung teacher nila. Hindi naman tayo ang magkalaban dito.



Friday, January 22, 2021

Bisnag: Isang Tradisyon tuwing may Namamatay

 Napatingin kaming magkakapatid nang makarinig kami ng mga pilantik sa labas. Tumakbo kami papunta dun para malaman kung anong meron. Ang nasaksihan namin e mga tito ko at mga lalaking pinsan na sinasampal yung hita ng bawat isa. Alam naming hindi sila naglalaro lang. Malakas yung mga hampas, bumabakat, nagmamarka. Isa siguro yun sa hindi ko malilimutan. Bago sa mga mata namin ang makapanood ng mga taong nagpapaluan sa isa’t isa. 

Bago lahat ng mga nakita naming magkakapatid nung minsan kaming umuwi sa Kabugao, Apayao. Mula sa paliko-likong daan, bako-bakong kalsada, matataas na bundok, malawak na palayan, malalim na ilog, masaganang mga puno, magkaibang-magkaiba sa mausok, masikip, at magulong lugar. Bagong karanasan sa amin ang probinsya. Biglaan yung pagpunta namin dahil namatay yung kapatid ni Mama. Si Amang yung sumalubong sa amin, bakas ang pighati sa mukha niya, na iba ang pakiramdam na mas nauna pang pumanaw ang anak niya. Nasa likod niya yung tita ko, namamaga rin yung mga mata dahil sa walang tigil na pag-iyak. Hindi pa kami nakakapasok sa bahay ay tumangis na rin si Mama. Kami namang magkakapatid, nakatingin lang sa kanila. Bata pa kami noon, hindi pa namin alam ang pakiramdam nang mamatayan at hindi pa namin alam ang konsepto ng kamatayan.

Tinanong namin si Mama kung ano yun at para saan yung nakita namin. Bisnag daw ang tawag doon. Isang tradisyon tuwing may namamatay. Bilang pakikiramay at pagdadalamhati. Mga lalaki raw ang madalas gumagawa nito. Salitan daw ang dalawang lalaki sa pagpalo ng hita ng isa’t isa.

Pero hindi ko alam kung bakit nila yun ginagawa. Maganda yung paliwanag ni Mama sa amin, paraan daw ito para ilabas yung nararamdamang sakit ng mga naiwang kaibigan o kamag-anak. Kaya raw lalaki ang madalas na naggaganun ay dahil sila naman itong palaging tinatago yung luha at kahinaan. Hindi raw katulad ng mga babae na iiyak lang nang iiyak e maiibsan na ang sakit. Sa ganitong paraan daw naipapahayag ng mga lalaki yung emosyon nila, na hindi naman sila palaging matatag.

Dahil mga musmos pa kami noon, tinanong namin minsan kung pwede ba naming gawin yung Bisnag. Hindi sila pumayag. Ang sabi ng pinsan ko sa amin, hindi pinaglalaruan ang tradisyon. Ang sabi ng tita ko, ang marka ng hampas ay ang bakas ng sakit ng pagkawala ng tao: naiiwan, tumatagal, may oras ng paghilom. Hindi raw dapat gawin yun kapag walang pinaglalamayan.

Alam kong higit pa sa mga hampas at marka yung sakit ng mawalan ng mahal sa buhay. Kung pwede ko nga lang ipapalo yung hita ko noon, para hindi na ako nagtago ng lungkot, at hindi na nagpigil pa ng luha.



Thursday, January 21, 2021

Hedgehog Mom

 Lagpas isang taon na rin pala simula nang mag-alaga ako ng mga hedgehog. Yung sa akin ha. Hindi galing kay Papa. Hindi sa amin ng mga kapatid ko. Sa akin lang. 

Meron na kaming hedgehog dati. Hindi lang namin alam kung paano aalagaan. Feeling ko kasi kapag lumapit ako, tatalsik sakin yung mga tusok-tusok niya sa balat. Parang sea urchin. Parang matigas na rambutan. Kaya yung pinsan ko lang yung nag-aalaga.

Pero ngayon, alam ko na kung paano. Bago ko sila kinuha, matinding research ang ginawa ko. Maraming beses akong nag-Google para sa ibang details. Nagtanong-tanong din ako sa mga nag-aalaga nun. Nag-join ako sa mga group para mabasa yung ilang discussions.

Para akong nanay na nagkaroon ng obligasyon. Malupit na maintainance. Nangangain ng oras. Nakakaubos ng laman ng bulsa. At challenge sa akin na paamuhin sila. Hindi tulad ng kuting at tuta, hahaplos-haplusin mo lang yung balahibo. Kapag ginawa mo sa hedgehog yun, para kang humaplos ng cactus o ng stem ng rose. Totoong masakit kapag hinawakan mo sila. Ang sabi nila, masasanay din daw yung mga hedgehog sa akin, pero ang totoo, ganun pa rin naman yung sakit, nasanay lang ako.

Uma-umaga akong nagre-refill ng pagkain at tubig nila. Gabi-gabing nagkukuskos ng bahay, kainan at tubigan na hindi ko man lang ginawa sa mga kawali at kaldero namin. Sinisingil ako ng kapatid ko ng 50 pesos kada araw sa tuwing pinapabantay ko sa kanya. Hindi na ako gaanong naglo-load ng supersurf kasi pinambibili ko ng superworms nila. May time pa nga na kelangan kong mamili kung yung tortillos chips o yung chipsi (brand ito ng kusot, yung kusot ay yung kahoy na parang tinasahan). At ayun nga, chipsi ang nagwagi. Yung isang kilong pagkain nila, halaga ng sampung kilong bigas. Tinuturuan nila akong magtipid para gumastos sa kanila.

Para silang jowa na araw-araw mong susuyuin. Pang-amoy at pandinig kasi ang malakas na sense nila. Kaya dapat palaging may bonding. Kahit kilala na nila ako, minsan sinusungitan pa rin. Baka dahil nakagawa ako ng ingay o kaya ay nag-alcohol/pabango.

Basta, masaya akong nandyan sila para sa akin. Nandito lang din naman ako para sa kanila.



Wednesday, January 20, 2021

Action Star

 Paborito kong sumakay sa harap ng jeep. Sa tabi ng assistant ng tsuper. Wala lang, ang sarap kasing magmuni-muni, tapos may hangin effect pa. Marami nang dumaan na jeep kaso hindi bakante sa harap. Sabi ko sa sarili ko, maaga pa naman. Pwede pa akong maghintay ng ilan pang minuto at may oras pa para magrebyu para sa interschool quiz bee. Inagahan ko talaga yung pasok, excited ako e. Sa dami ng estudyante sa department namin, isa ako sa mga napili na lumaban. Syempre, ayoko ring ma-hassle. Baka sakaling magkaaberya sa byahe, may sobra akong oras. Mahirap na, baka ako pa yung dahilan kapag na-disqualify yung team namin.

Sa tapat ng Adamson ako naghihintay ng jeep pa-Quiapo. Ilang jeep din ang dumaan bago ako nakasakay. Pwede naman akong hindi umupo sa harap kaso gusto kong sulitin yung oras ng byahe ko na nagrerebyu. Marami-rami na rin akong mababasa mula Dasma hanggang PUP. Kapag sa likod kasi, hindi ako makakapag-aral. Tiyak na mas marami ang oras ko sa pag-aabot ng bayad at pagbabalik ng sukli, magiging instant assistant ako ng tsuper kung sakali, at obligasyon ko ring magsabi ng “Para!” kapag hindi narinig ng driver yung pagpara ng pasaherong bababa.

Ilan din kaming nag-unahan para makaupo dito sa harap. May dahilan din kaya sila? Sa tingin ko panalo na agad ako kahit hindi pa nagsisimula yung contest. Pag-abot ko ng bayad ko, kinuha ko agad sa bag yung reviewer. Ilang page palang yung nababasa ko, nakarinig na ako ng ingay sa likod ng jeep. Nung una hindi ko lang pinapansin. Pero parang mas lumakas yung ingay. Hindi pa ako nakakalingon nang buo sa likod e nakita kong may malapit na baril sa balikat ko. Nakatutok sa driver. Holdap daw, sabi nung may hawak ng baril. Nawala na sa utak ko lahat ng inaral ko. Ang iniisip ko lang e kung paano ililigtas ang laptop, camera, phone, at pera ko. Pinapanood ko sa rear mirror yung nangyayari sa likod. Parang hindi ko naman talaga alam yung gagawin ko. Pakiramdam ko nasa quiz bee na ako na hindi pa natatapos ang tanong ay may sagot na ako, TALON! Bumagsak ako sa tapat ng Sta. Isabel. Ayoko na sa unahan. Ayoko na manguna. Nakatulala lang ako sa papalayong jeep. At may mga tao rin palang may dahilan kung bakit sila sa likod umuupo.



Tuesday, January 19, 2021

Pet Lovers

 Hindi na ako naging close sa mga hayop simula nang mamatay si Andy. First year high school ako nung magdala yung tito ko ng isang poodle na parang may halong pomeranian sa bahay. Maliit siyang aso, color gold. Kumikinang ang kulay niya lalo na kapag natatamaan ng liwanag. Parang palagi siyang nakangiti. May maikling buntot. Malambing. Takot sa laruang baril. Walang takot sa paputok. Kasabay namin siyang kumain at matulog, kasamang manuod at sumayaw. Lahat kaming magkakapatid, close sa kanya. Wala pa siyang isang taon sa amin. Nakokonsensya pa rin ako hanggang ngayon. Ako kasi yung nagsama sa kanya para sunduin yung kapatid ko. Para makapaglakad-lakad din siya. Muntik sakmalin ng asong ulol yung kaibigan ng kapatid ko, pinalagan ni Andy. Nilapa siya nito. Pinanggigilan. Binali-balibag. Saksi kaming magkakapatid kung paano unti-unting pinapatay ng malaking aso ang mumunting Andy. Umiiyak kami habang humihingi ng tulong sa mga kaibigang nasa paligid namin. Nanuod lang sila. Inawat ng isang hindi kilalang tambay ang dalawang aso. Binuhat ko si Andy. Kinagat niya ako. Bago siya malagutan ng hininga. Iyak lang ako nang iyak.

Nagdala si Papa ng bagong poodle, si Lyka. Nasundan ng pomeranian, si Bela. Ng magkapatid na bulldog, si Jandie at Barack. Ng terrier. Ng pug. Ng maltese. Hanggang sa naging bente na sila. Trenta. Kwarenta. Singkwenta. Nadagdagan nang nadagdagan hanggang hindi na mabilang at hindi ko na maisa-isa ang pangalan. Gusto namin sila. Pero ni isa sa aming magkakapatid walang naging close sa mga yun. Baka kasi dala-dala pa rin namin ang sakit. Takot pa rin kaming lahat.

Si Papa talaga ang mahilig mag-alaga sa amin. Naalala ko kasi dati, bago kami magkaroon ng mga aso, meron kaming myna, si Kyaw. Merong parrots, si Rose at Jack. At maraming-maraming love birds. Maliban sa mga ibon, sobrang dami din naming flower horns, yung isdang malalaki yung ulo na parang may intsik na sulat sa katawan nila. Sinasama ako ni Papa sa petshop kapag magde-deliver siya.

Lumipas ang dekada. Ako naman ang susubok ngayon. Kay Salt, Pepper, Oreo at Caramel. Sa kanila nauubos ang oras ko. Sa kanila lang ako nagiging masipag. Hinuhugasan ko yung lagayan nila ng pagkain at tubig, yung bin, yung hide, nilalabhan ko yung towel nila at mga tela nila, na hindi ko naman ginagawa sa bahay namin. Naaaliw din sa kanila yung mga kapatid ko. Sila ang nag-aasikaso kapag wala ako. Sa kanila nagkakaroon ng silbi ang oras ko kaya hindi na ako madalas nakahiga, umiiyak, balisa.

Nakuha ko si Salt sa may-ari nang buntis. Hindi niya alam. Hindi ko rin alam. Akala ko tumaba lang sa akin. Walang naka-survive sa anak niya. Yung unang dalawang hoglet, namatay sa kanya. Nung in-abandon niya yung dalawang natira, ako ang nag-handfeed. Ilang gabi akong puyat. Ilang umagang nalilipasan ng pagkain. Kelangang padedehin, kelangang lagyan ng hot compress. Kilala na nila ako. Close ko na sila. Isang linggo lang, sumuko na yung isa. At yung isa, almost four weeks yung handfeeding.

Nag-chat sa akin yung kapatid ko na patay na yung panghuling hoglet. Nasa bakasyon ako. Kasabay kong umiyak yung mga batang nagwawala dahil pinapaahon na sa dagat ng mga nanay nila. Alam ko namang mamamatay na siya, akala ko bago ako magbakasyon o pag-uwi ko. Iniisip ko na lang na baka pinili niya na lang na hindi ko siya maabutan.

"Ilibing niyo na lang. Ilibing niyo ah. Dahil nilibing ko yung tatlo niyang kapatid." yan lang nai-reply ko sa chat.

Kung yung tatlo, iniyakan ko. Mas nakakaiyak pala dahil mas matagal yung bonding namin. Hindi ko ma-imagine na yung kamay kong nag-aabot ng tubig at pagkain ay ang kamay na naghuhukay na ng lupa para sa kanya. Yung sakit na naramdaman ko kay Andy. Pwede nang i-multiply sa apat.

Last year, pagkagaling ko sa trabaho. Binigyan ko agad si Salt, Pepper, Oreo, at Caramel ng superworms. Binilhan ko pa sila ng fleece blanket. Ire-ready ko na rin sila dahil nagpa-sched ako sa vet ng annual check up sana nila. Sabi ng bunso kong kapatid, "Wawa." habang tinuturo yung kulungan ni Caramel. Ang ibig sabihin niyang kawawa ay may umiiyak. Pinakinggan ko, may umiiyak nga. Pagkaangat ko sa takip ng bin, akala ko may bubwit. Hoglet. Muntik akong mahimatay. Tapos may apat pa sa loob ng hide. Bago siya kunin siniguro kong hindi siya buntis. Tinanong ko yung may-ari. Sabi, hindi. Nakatadhana ba ako sa mga hedgehog na buntis? Handa na ba akong masaktan nang five times? Natatakot ako.

Sa limang hoglets ni Caramel, tatlo ang naka-survive: Cookie, Cream, at Rock. Nag-birthday na sila nung nakaraan lang.

Alam kong masayang mag-alaga, dahil alam naman nating ang mga hayop ay mas marunong pang magmahal at maawa kaysa ibang tao. Kung bakit ba natin palaging inihahambing ang masasamang tao sa hayop. Wala naman talagang asal-hayop. Baka hindi lang natin mai-apply ang asal-tao. Dahil ang hayop ay hayop. Hindi ka sasaktan kung hindi mo sila sasaktan. Pero ang tao, hindi ka kakagatin pero kaya kang paulanan ng masasakit na salita. Kaya kang bigyan ng sugat sa loob. Kayang kang patayin. Kahit wala kang ginagawa sa kanila. Kaya siguro imbis na sabihing "Kasingsahol mo ang hayop!" o "Animal ka!" ay pwede na nating sabihing "Tao ka talaga!" Dahil choice ng tao na hindi magpakatao. 



Monday, January 18, 2021

May Presyo ba ang Medalya?

 Pinakita sa amin ni Papa yung picture nung batang tine-train niya at sinabi niya yung improvement mula day 1 hanggang week 2. Masaya si Papa dahil nakikita niyang determinado at pursigido yung baguhang siklista. Palibhasa kami, hindi namin sinundan yung yapak niya. Ginawa na lang tuloy niya kaming assistant.

Ako palagi ang pinapa-edit ni Papa ng budget proposals nila nung naging head coach siya. Hindi kasi siya maalam sa computer at printer kaya kaming magkakapatid ang katuwang niya sa mga papeles.

Nalaman ko na hindi lahat tinatanggap, kasi raw walang budget. Narinig ko kasi silang nag-uusap ni Mama, minsan late dumarating kaya inaabonohan nila, minsan kanya-kanya silang gastos para makapunta sa seminar o makalaban sa ibang bansa. Kung walang pera ang atleta, hindi makakasama, kaya pinag-aambagan na lang nila.

Meron pa, yung mismong mga atleta, sila pa ang humihingi ng permit sa sarili nilang venue. Kasi may iba rin daw na gumagamit dun. Wala silang choice na lumipat dahil may nagzu-zumba o ginagamit para sa pagtitipon ng mga religious groups kahit sila ang nagpa-reserve. Kesa sa hindi sila makapagpraktis.

Elementary ako nang makita ko si Papa sa TV. Atleta palang siya nun. Iniinterbyu ng ABSCBN. Pumunta rin ang GMA sa bahay para interbyuhin siya. Sinibak kasi sila sa Philippine Cycling dahil sa pagsiwalat ng korapsyon. Nag-request sila ng magaganda at bagong equipments, tapos peke at luma ang binigay sa kanila, kulang-kulang pa.

Nakapanood ako ng 23rd SEA Games, year 2005, dahil may laban si Papa. Ang ganda at ang linis ng Pilipinas dahil tayo ang host. Matingkad ang kulay ng Amoranto Sports Complex dahil bagong pintura ang lahat. Pagkatapos ng SEA Games, back to normal ulit. Lumipas ang mga taon, kupas na ang pintura, kinakalawang na ang mga bakal, tapyas-tapyas na ang oval at velodrome.

Kung talagang gustong magpabida ng gobyerno, araw-araw nila sanang tulungan ang manlalaro natin at ayusin ang venue (hindi sa paraang pagpapatag ng mga bundok at pagpapalayas sa mga katutubo para gawing stadium), hindi yung kung kelan lang tayo host. Aanhin naman nila ang 50 million na kaldero o kung anong bagay na hindi naman nila magagamit sa laro nila. Bakit kasi sila nagtatalaga ng mga taong wala namang alam sa sports.

Sa totoo lang, maraming Pilipino ang lumalaban sa loob at labas ng bansa, kaso hindi naman nila kinikilala kapag talo. Saka lang naman nila sinusuportahan at pinagmamalaki kapag nagkamit na ng medalya.



Sunday, January 17, 2021

Carly, Carly, Walang Papa

 Nakita namin sa bag ni Carly yung picture nila ni Buloy, naka-ziplock. Nakita niya sigurong pakalat-kalat dito sa bahay. Baka gusto niyang iuwi sa bahay nila. Ito yung unang picture nila limang taon na nakalipas at hindi na nasundan pa.

-

"Mamita, tawagan mo nga yung totoong Papa Buloy ko. Tapos ipakita mo ako." bigla na lang sinabi ni Carly kay Mama. Napayakap na lang siya sa apo. May araw din na may nakita si Carly na picture ni Buloy nung baby pa, sabi nung mama niya. Palagi raw binabalik-balikan ng bata yung picture dahil palagi raw nagugulo yung drawer. Gusto man naming magpakita ng latest photos ng Papa Buloy niya e wala kaming maipakita dahil binlock niya kaming lahat.

Hindi naman talaga hinahanap ni Carly yung papa niya kasi wala naman siyang pake, ni hindi nga niya nakita sa personal. Sa isip-isip namin, pag lumaki 'to, malamang e magsisimula na siyang magtanong-tanong. At masyado naman yatang napaaga. Nakakalungkot dahil hindi dapat nararamdaman ng sinomang bata ang mawalan ng ama. Hindi naman kelangan ni Carly yung totoong papa niya, marami na siya nun. Ang mga lolo niya, mga tito, step-dad. Mas marami pa siyang kelangan habang lumalaki at tumatanda, sana kahit yun man lang maibigay sa kanya ng totoong papa niya.

-

Pinuntahan namin si Buloy bago magpasko, dun sa inuupahan nilang apartment. Nagbakasakali lang kami. Hindi namin alam kung nandoon ba o wala. Kung patutuluyin ba kami o hindi. Limang taon na rin kasi namin siyang hindi nakakasama tuwing pasko. Hindi lang pala pasko, araw-araw. Napag-uusap-usapan naman namin siya minsan dito sa bahay, umaasa na may balita tungkol sa kanya. Palagi namin siyang niyayaya na bumisita dito pero siya itong ayaw magpakita.

Matagal kaming naghintay sa tapat ng apartment nila bago niya sagutin yung tawag galing sa kasama naming pinsan. Ang sabi niya, nasa bahay lang daw siya. Lumipat na raw sila pero malapit lang din doon. Icha-chat niya raw yung address. Pagkababa ng tawag, hindi address yung nakuha namin, cellphone number ng girlfriend niya. Yun daw ang tawagan namin dahil nasa trabaho "raw" siya. Maraming beses naming tinawagan pero walang sumasagot.

Kaya kami na lang yung nagtanong-tanong sa mga nakakakilala sa kanila. Itinuro kami sa dalawang apartment. Pinuntahan namin pero wala doon. Umaasa pa rin kami dahil gusto rin naming makausap yung kapatid namin.

Ilang oras kaming nagpaikot-ikot. Yung nandun na kami pero hindi namin siya nakita, o nakamusta man lang. Ganito pala maghanap ng mga taong nagtátagô.

-

5 years old na si Carly, kapag tinatanong namin siya kung nasaan ba yung papa niya, isa lang sagot niya, 

"Umalis."



Saturday, January 16, 2021

Alipin ng Trapik

 Nakaka-miss bumyahe, sumakay sa jeep. Ilang taon na rin palang nakakalipas. Naalala ko itong senaryo na 'to.

Palagi akong nabubuwiset sa mga tao kapag nasa byahe. Sila ang sinisisi ko kapag naiirita ako sa oras. Maaga naman akong umaalis pero palagi akong nagmamadali. Kung meron lang sanang makapagbibigay ng solusyon sa trapik, tatanawin kong utang na loob, hindi lang ako, lahat ng tao.

Maarte ako sa pagpili ng jeep na sasakyan ko. Ayoko sa masikip. Ayoko sa hindi pinapasukan ng hangin. Ang gusto ko, yung komportable ako. Na kahit sa byahe man lang, hindi ako alipin. Sa likod ng drayber ang paborito kong pwesto. Doon ako sasandal saka iidlip. Para makapagpahinga.

“Bayad po.” May narinig akong boses sa malayo. Sa dulo ng jeep. Sa malapit sa babaan. Magkalayo kami. Dalawa lang kaming pasahero. Anong gagawin ko? Nakita niyang wala nang ibang tao maliban sa amin. Tumingin ako sa paligid. Baka kasi namamalik-mata lang ako. At baka sakaling umatras ang braso niya at mahiyang makisuyo. Pero hindi. Natalo ako. Edi ako, isang split para makuha ang bayad niya. At isa pang split para maiabot sa drayber ang barya. Habang siya, nakangisi, padungaw-dungaw na lang sa bintana. Sa sobrang arte ko, nasobrahan yata sa luwag itong jeep, hindi ako naging komportable.

Si Manong Drayber, chill lang. Mabagal ang andar. Pakarag-karag. Parang namamasyal sa kalsada. Lahat ng subdivision, hihintuan. Hindi lang pala basta hihinto, tatambay. Dalawa palang kasi kaming pasahero niya kanina, kailangan niyang punuin. At ako, punong-puno na.

“Manong, hindi na kasya. Hindi pa ba tayo aalis?” iritang sabi ko pero tinignan niya lang ako. Ang ginawa niya, inandar naman niya. Kaso lumiko sa gasolinahan. Kung hindi ba naman nang-aasar. Nagawa pang bumili ng kendi at nakipagdaldalan sa takatak boy. Sabagay, wala naman itong pakialam sa oras. Ang trabaho lang naman niya ay bumyahe, magsakay ng pasahero, kumita ng pera at hindi magmadali para maihatid kami sa mga pupuntahan namin.

Alam ko namang late na ako. Naipit na kami sa matinding trapik. Ngayong oras pa kasi nila napiling maglagay ng aspalto sa daan. Meron namang gabi, merong madaling araw, merong tanghali, merong hapon. Maraming oras para gawin iyon, pero alam kong hindi ito ang perpektong oras sa pag-aaspalto. Lahat ng mga manggagawa, ito ang oras ng pagpasok; lahat ng estudyante, ganitong oras pumapasok. Hindi ba nila iniisip na mas marami kami kaysa kanila? O baka ako lang din ang hindi nag-iisip? Na ang oras na iyon ang simula ng trabaho nila? Na nagtatrabaho lang din sila. At baka sabihin nila sakin, bakit hindi ka pumasok nang gabi? O madaling araw? Tanghali? Hapon? Oo nga, pare-pareho lang pala kaming alipin. Wala kaming choice, kundi magpaalipin.

Habang naghihintay ng pag-usad, ito ako tagaabot ng bayad at sukli ng mga pasahero. Pinili kong umupo sa likod ng drayber, kaya dapat piliin ko rin na maging instant assistant niya. Hindi ko naman na kailangang mag-split pa para kunin ang mga barya. Ang gagawin ko lang naman, iabot. Hindi naman talaga ako nakapagpahinga. Wala pa ako sa trabaho ko, pero pagod na agad ako.

Ito na yata ang pinakamalas na araw. Tumirik pa ang jeep ni Manong. Malayo-layo pa kami. May bumaba nang dalawang pasahero para itulak ang jeep, kaso may humarang. Isang traffic enforcer. Tiniketan niya yung drayber. Kung bakit daw nagbaba ng pasahero sa hindi naman babaan. Hindi naman bumaba, nagtulak lang, sabi ng drayber. 

“Kuya hindi mo pa kami nasusuklian.”

“Kukunin ko na rin po yung pera ko.”

“Ibalik mo na lang yung bayad namin.”

Kitang-kita ang pagkairita at pagmamadali ng mga pasahero. Yung braso kong kanina lang ay nag-aabot ng barya, ngayon ay nagbabalik na ng bayad.

Yung drayber at enforcer, parehong kailangang kumota. Hinayaan ko na lang silang magkotahan ng mga hanapbuhay. Parehong nagtatrabaho. Parehong alipin. Gaya ko.

Hindi naman pala nakakabuwiset ang mga tao sa byahe. Sa pagmamadali kasi ang dami nating nilalagpasan. Pero kapag binagalan, mas marami pala tayong napapansin. At isa na sa napansin ko, na hindi lang pala ako ang alipin sa mundo. Hindi lang ako ang gustong maging komportable. At hindi lang ako ang gustong makapagpahinga.



Friday, January 15, 2021

Lente

 Palagi mong hinihiram yung mga kamera ko. Sabi mo, turuan kita. Duda ako, malabo kasi yung mga mata mo. Mahihirapan kang makuhaan ako. Mahihirapan kang makuha ang loob ko. Pero makulit ka.

Nandyan ka ngayon sa harap ko, hinahanap ang perpekto kong anggulo kasama ang dagat, ang mga bulaklak, ang mga ulap, nakatitig ka sa mga mata ko habang ipinapakita ang ganda ng mga likha ng Diyos. Natutuhan mong timplahin ang mga kulay. Natutuhan mong balansehin ang liwanag at dilim.

Nagkamali ako. Hindi naman pala talaga malabo yung mga mata mo. Kasi, nakita mo ako. Anumang bilis o bagal, pilit mong hinuhuli ang aking mga ngiti, mga hindi alam na sandali. Lumalabo na ang lahat ng nasa paligid pag ako na ang sinusulyapan mo.

Nakuhaan mo ako. Nakuha mo ang loob ko. Hindi ka tumigil. Nauubos ang baterya pero may puso kang palaging gumagana. Nabubura ang mga alaala pero hindi ang mga nakatatak sa isip mong saya. Napapagod ang lente pero hindi ang mga mata mong palaging nakatitig sa aking ganda.

Ngayon, alam ko na kung paano mo tignan ang mundo mo. Ang mga pitik sa kamera ay ang mga pintig sa bawat isa.



Thursday, January 14, 2021

Perks of Being a Panganay, Perks nga Ba?

 Masaya maging panganay. Lahat bago.

Ganun siguro kapag unang anak, sabik yung mga magulang. Kaya syempre, lahat ng gamit ko, dapat bago. Damit. Sapatos. School supplies. Mga laruan. Ang hindi ko siguro malilimutan, yung nagpatahi pa sila ng magiging costume ko sa UN at yung sobrang tela nun, yun ang ginagamit naming kurtina hanggang ngayon.

Hindi lang naman mga gamit ang bago. Kundi mga karanasan bilang magulang. Lahat ng school activities, present sila. Pinasali ako sa singing contest kahit hindi naman ako kumakanta. Sinabak ako sa pagsayaw nang walang praktis-praktis kasi alam nilang kabisado ko ang Macarena. Naranasan ko ring magpahanda sa school dahil birthday ko. Biglang pumunta si Mama sa school nung breaktime namin, surprise ba. Ang saya-saya ng mukha niya na para bang siya yung may birthday. Tuwing fieldtrip, ipapatabi nila ako sa mga estatwa, mga rebulto, mga gusali para lang mapiktyuran ako kahit nakasimangot ako. 

Masaya maging panganay. Lahat bago.

Hindi pala palaging masaya. Ilang kurot at palo ang natanggap ko sa tuwing nag-aaral kami ni Mama. Siya ang unang tutor ko, sa kanya ako natutong magbasa at magsulat. Bawal akong magkamali kasi masisigawan ako. Kaya natakot na akong magkamali. Umiyak din ako nang pagalitan ako ni Papa. Bawal akong gumawa ng mali kasi papatayuin niya ako sa harap ng pader nang matagal. Kaya natakot na akong gumawa ng mali.

Na-pressure ako. Pero doon ako natuto.

Masaya maging panganay. Lahat bago.

Lahat ng pinaglumaan ko, mga kapatid ko yung sumasalo. Secondhand. Ako ang inuutusan para humiram ng mga isusuot nila tuwing may program sa school nila at ako na rin ang pinapa-attend kapag pinapatawag yung mga magulang. Ako na rin ang gumagabay sa kanila kapag may mga projects, assignments, at exams. Siguro napapagod din ang mga magulang kasi hindi na bago. O baka naman ito ang role ko bilang panganay. O baka rin naman, ako lang ang naninibago dahil ako ang panganay.

Masaya maging panganay. Lahat bago.

Mga gamit lang naman ang bago.

Pero ikaw, naluluma.



Wednesday, January 13, 2021

Saan Galing ang Pangalan Mo?

 Palaging may nabubulol o nahihirapang magbigkas ng pangalan ko, kasunod nun, itatanong nila kung saan daw galing yun. Kakaiba raw e. Kumpara sa mga pangalan ng kapatid ko, yung isa junior, yung isa pangalan ng isa sa pinakamahusay na siklistang babae, yung isa lugar ng pinagsemplangan ng tito kong nagba-bike, yung isa binaliktad na pangalan ni Mama, at syempre yung isa, ang pinakamahalaga at special sa amin. Kung titignan, sakin lang yung wala lang.

Ang sabi ng Mama at Papa ko, galing yung pangalan ko sa isang rag doll. Manikang parang yarn yung hibla ng buhok. With bangs at pasumbrero, naks. At sa bandang laylayan ng damit ay may nakalagay na pangalan.

Maswerte na nga lang ako at hindi pa uso ang Barbie, Bratz, o si Chucky nung time na yun. Hindi ko yata kakayanin kung sa mga manikang yun pinulot ang pangalan ko. 

Nag-joke pa nga minsan yung mga tita ko na buti na lang daw Ansherina, dahil ang plano pala talaga ay Macarena. Ito yung usong-uso nung ipinanganak ako. At madalas ko na ring marinig ngayon. Jusko.

Dati, gusto kong maayos palagi yung pagbanggit sa pangalan ko. Ngayon, wala na akong pake kung tawagin akong Angelina, Czarina, Ariana...

Wala naman tayong karapatang mag-inarte sa itatawag satin. Kahit maganda pa yan o pangit. Mas palagi namang pinagbabatayan yung prefix o suffix. Kung may Dr., Engr., Archt., sa unahan o LPT, MA, PhD sa dulo. Ang totoo naman talaga, palaman lang yung pangalan natin. At yun ang nakakalungkot.



Tuesday, January 12, 2021

The Cyclist Wannabe

Ilang araw nang may tine-train si Papa na siklista. Pumupunta dito sa bahay tuwing tanghali hanggang hapon. Nakikita namin na nag-e-enjoy siyang magturo at maging guide ng batang yun.

Alam niyo ba, gusto ni Papa na maging atleta kaming magkakapatid. Kaya nung nag-aaral kami at naging varsity sa mga school, sinuportahan niya lahat ng sports na hawak namin. Binilhan niya ako ng mga sapatos para makatakbo nang maayos, bola naman ng basketball kay Buloy, bola ng volleyball kay Buninay, at raketa at maraming shuttlecock kay Maria. Pero ni isa walang sumunod sa yapak niya.

Siklista si Papa noon. Kaya bata pa lang kami, may bike na kaming magkakapatid. Hindi ko makakalimutang senaryo yung pinasakay niya ako sa mataas niyang bike na may maninipis na gulong. Nakakatakot. Pero ang sabi niya, nakahawak lang siya sa likod ko. Tapos naramdaman kong tinulak niya ako, binitawan. Lumuha talaga ako nun. Habang siya, tumatawa. 

Nang maging coach siya, ginigising niya kami sa madaling araw para mag-jogging. Pati kami required sa stretching. Pero hindi pa rin kami nagtagal sa mga sports namin. Kahit na ganun, ipinakilala niya pa rin kami sa ibang laro. Pinagsuot ng gear ng taekwondo. Tinuruan ng galaw ng arnis. May bola rin ng golf sa bahay, may raketa ng table tennis, may gloves pangboksing, may bola ng sepak. Nag-set up din siya ng court na may net sa likod ng bahay namin. Para hindi na raw kami lumayo.

Wala namang nagpatuloy samin. Feeling ko napagod na siya. Ang totoo, hindi naman siya nagsawa. Kami lang ang tumigil.






Monday, January 11, 2021

Wala Kaming Wifi sa Bahay

 Kinabitan na kami ng internet ngayon. Parang nakaluwag yung dibdib ko. Halos anim na taon na rin kasi akong palaging naglo-load ng mobile data. Ginagamit ko lang naman yung internet kapag magse-send ng email. Malay ko bang magkakaroon ng COVID. Tapos saka pala kakailanganin iyon di ba? Edi sana noon pa nagpakabit na kami ng wifi.

Naalala ko bigla, pakiramdam ko nawalan ako ng silbi nung magsimula yung quarantine. Lahat ng meetings namin ng mga co-teacher ko, puro video call. Hindi ako makapasok dahil sobrang bagal ng data ng phone ko. Wala naman kasi kaming wifi kagaya ng sa kanila. Maraming beses ko namang sinubukang pumasok sa chatroom kaso nadi-disconnect din. Kaya ang nangyayari, wala akong nalalaman sa mga napag-uusapan. Pakiramdam ko, napag-iiwanan ako dahil lang sa wala akong mabilis na internet. Pagdududahan ko na lang ang sarili, kasama pa ba ako dito? Hindi ako makasabay sa kanila, kung ano yung mga pinag-usapan o kung ano yung mga ipapagawa o gagawin. Kaya nagpakabit ako ng wifi noong June dahil hindi ko naman na kayang tiisin yung na 1 mbps na mobile data. Inabot na ng isang buwan, walang dumating na mag-i-install. Nag-message ako ulit sa kanila at pagkalipas ng isang linggo, may pumunta dito. Kakabitan na raw kami. Sabi pa nila, ire-resched daw nila, at babalik daw sa ibibigay nilang schedule. Tumanggi ako dahil marami akong nababasang review na matagal bago sila ulit bumalik.

Tinanong ko sila kung makakabitan sa araw na yun, oo, sabi nila. Umalis sila saglit para tignan yung linya, kaya inayos na namin yung area kung saan ilalagay ang router at telepono. Inusog ang mga cabinet at sofa. Sa wakas, makakapagtrabaho na nang maayos.

Pagbalik, sabi nila, hindi raw nila kami makakabitan. May sira daw yung box. Kelangan daw muna nilang ayusin yun. May nag-aayos naman na raw nung araw na yun. Pag naayos daw babalik agad sila para ilagay ang connection namin.

Sabi ko, baka pwede nang ikabit. Sabi nila, pwede naman daw pero walang signal. Tinanong ko kung paano yung mga user nila dito sa amin, ganun din daw, walang internet sa kanila. 

Babalik daw sila sa susunod na linggo pero hindi na sila bumalik. Nalaman ko rin sa mga kapitbahay naming na may internet sila, hindi naman daw nawawala yung signal na kabaligtaran ng sinabi ng pumunta sa amin.

Hindi naman na sila bumalik, nakatanggap na lang ako ng message nila sa akin na cancelled na ang request ko. Pwede naman daw akong mag-reapply after 2 months. Ayos lang naman. Kaso hindi naman yata makapaghihintay ang mga trabaho ko at mga estudyante ko.

Sinubukan ko rin yung LTE nila, mabilis maubos yung mb. Wala na akong choice kundi bumili ng prepaid wifi, sa parehong kompanya. Hindi na kelangan ng magkakabit dahil isasaksak lang. Nakuha ko ito dahil naka-sale sila. Sa halagang isanlibo ay mairaraos na ng guro ang mga module na kelangang matapos bago mag-deadline. Pinikitan ko na lang ang 200 pesos na load para sa 24mb. Hindi na masama. Ang naging problema ko lang dito ay tuwing madaling araw lang mabilis. At alam kong walang klase ng hatinggabi hanggang madaling araw.

Wala akong nahanap na internet bago magpasukan dahil ang dami ring nagpapakabit. Mahaba ang pila sa pagproseso. Saktong-sakto rin ang balitang may isang celebrity na nagreklamo sa bagal ng internet nila at ora-mismo, pinuntahan at binigyan ng tugon ang hinaing niya. Humihingi ako ng pasensya na isa lamang akong guro, at hindi artista. 

Kaya, pinagtyagaan na lang namin yung prepaid wifi, hindi naman talaga patas ang mga kapitalista sa mga ordinaryong tao. Nakakadismaya dahil kung kelan nagpasukan ay tinanggal na nila ang sale nila sa router. At yung 200 pesos ay 12mb na lang. Wala na yung 15 pesos nila per mb. Kung bakit kasi palaging sinasamantala ang mga mahihirap at naghihirap.

Ang set-up namin nung nakaraan, kanya-kanya kaming load ng mobile data kaysa paghatian ang mabagal na connection na nasasagap sa wifi. Araw-araw muna kaming pupunta sa tindahan sa tuwing nauubusan ng mb. 

Nalulungkot ako. Dahil alam kong maraming guro at mga estudyante ang walang internet connection sa bahay. At alam ko ang pakiramdam ng paglo-load araw-araw para lang maisalba at mairaos ang school year na ito.



Sunday, January 10, 2021

*Pagiging Guro din pala ang pagiging Bata

 Nung bata ako, atat na atat akong tumanda. Lagi akong sinasabihang "Bata ka pa, marami ka pang kakaining bigas." Na nangangahulugang may mga bagay na 'di pa pwede o kayang gawin ng mga bata. Pero nung lumaki ako, may mga bagay din palang 'di na kaya o pwedeng gawin ng matatanda. Na hindi na ako pwedeng maglaro ng patintero't tumbang preso kasi iba na yung nilalaro ko, yung tinatakasan ko, yung buhay. Na hindi ko na pwedeng kantahin yung "Nanay at tatay..." para sundin lahat ng gusto ko. At hindi na ako pwedeng magtrick-or-treat o mamasko dahil hindi palaging may magbibigay ng pera o hindi palaging nandyan si ninong at ninang, kasi kailangan ko rin palang tumayo sa sarili kong mga paa.

Nung bata ako, marami akong paulit-ulit na tanong gaya ng mga nakakasalamuha kong mga bata. Tatanungin nila ako ng:

Ano po ba ang mauuna, itlog o manok? 

Kung bakit nauunang isuot ang pants kesa brief ng mga super heroes? 

Kung kamag-anak ba ni Spongebob ang mga Minions? 

Kung tomboy ba ang asawa ni Marie kasi nagpa-panty? 

Kung may buko ba talaga ang papaya? 

O kung paano naging anak ni Mr. Krab ang balyenang si Pearl?

Ngayon, nauunawaan ko na kung bakit kahit kailan hindi sinagot ng mga magulang ko ang mga tanong ko. Marahil hindi nila alam ang sagot o marahil wala talagang sagot.

Nung bata ako, naiinggit sakin yung kaklase ko dahil may relo ako. Lagi siyang nagpapabili sa yaya niya kahit hindi siya marunong bumilang. Hindi ko alam kung bakit interesado talaga siya. Pero nung lumaki ako, nalaman kong nanlilimos pala siya ng oras sa mga magulang niya at ang relong iyon ang simbolo na sana kahit sa materyal na bagay man lang, may oras ang mga ito sa kanya.

Nung bata ako, ang tanging problema ko lang ay kung anong tsokolate ang aking bibilhin, kung ilang kendi pa ang kaya kong kainin, at kung ilan pang matatamis na sisira sa aking mga ngipin. Pero nung lumaki ako, nalaman kong hindi lahat kayang bilhin, na hindi lahat may nakakain, at higit sa lahat marami pang bagay ang nasisira, hindi lang ang mga ngipin.

Nung bata ako, lagi ko sinasabing gagalingan kong mag-aral para maraming tatak na star ang ibibigay sakin ng mga teachers ko. Dumating pa sa puntong sana permanente na lang yun parang tattoo. Dahil kung balang araw na hindi na ako magaling, atleast may star pa rin. Pero nung lumaki na ako, hindi pala talaga yun ang sukatan ng pagiging matalino at magaling. Napagtanto kong hindi pala basta-basta nakukuha ang bituin.

At ngayong nasa pagitan na ako ng "Papunta ka pa lang" at "Pabalik na ako", napagtanto kong ang mga binibigay na aral ng matatanda ay pilosopo sa mga bata at ang mga binibigay na pilosopo ng mga bata ay aral sa matatanda. Ganun pala talaga, napagtanto kong pagiging guro din pala ang pagiging bata.

*Paborito kong isinulat taong 2016, 25 years old na ako at totoo ngang nasa pagitan na ako ng "Papunta ka pa lang" at "Pabalik na ako"



Saturday, January 9, 2021

*Kaya na Mag-isa ni Precious

 First time kong sinama si Precious sa tindahan. Ayaw niyang umalis dun dahil gusto niyang magpabili. Marunong na talaga siya. Parang kelan lang nung pinanganak siya, sabi ng doctor sa amin na meron daw siyang down syndrome. Kaya pinaghandaan talaga namin yung paglaki niya, binigay ang lahat ng atensyon at pagmamahal: 

1. SPED teacher ang first job ko. Alam kong malaki ang tulong nito kay Precious, dahil may mga estudyante akong may down syndrome gaya niya. Malaki ang gastos sa schooling at therapy, kahit papaano pwede naman muna naming gawin sa bahay.

2. Kaedaran niya ngayon yung mga naging estudyante ko noon. Sinabi ko kay Mama, marami pa rin siyang hindi mage-gets at masasabi. Kako, baka doon palang magsisimula yung development sa kanya.

3. Five years old na siya pero baby pa rin namin siya. Pero minsan para naman siyang mas matanda sa aming magkakapatid.

4. Masaya kami nung una namin siyang marinig magsalita. Taon-taon, parami nang parami yung mga salitang kaya niyang bigkasin. Mula phrases hanggang sentences. Ngayon, naiirita na kami kasi ang daldal niya.

5. Ate lang ang tawag niya sa lahat ng ate niya. Ngayon kaya niya na kaming tawagin sa pangalan namin. Kaya niya ring i-identify lahat ng gamit namin. Pinapagalitan niya kami kapag ginagamit namin ang hindi sa amin.

6. Sa dami ng tito, tita, at mga pinsan ko, kaya niyang isa-isahin yung pangalan, pati mga alaga nilang aso. Nakakatuwa na nare-recognize niya yung mukha ng ibang tao kahit ang sabi nila mahina raw ang memory nila.

7. Binilhan ko siya ng maraming educational toys. Nakita ko siyang ginagamit niya sa luto-lutuan. Sinabi ko sa kanya na binilhan ko siya nun para aralin hindi prituhin. Tinawanan niya lang ako.

8. May isang beses, tinuruan ko sila ni Carly at Vaineber (si Precious ang mas matanda sa kanila), nakikinig sa akin yung dalawa. Si Precious, wala sa focus. Mas marunong pa siya sa teacher.

9. Straight lines ang unang kaya niyang i-drawing. Hanggang sa nasundan ng bilog. Triangle at square. Heart. Hanggang sa napuno na niya lahat ng lumang notebook ni Anisha ng iba't ibang shapes. Lahat yun, natutuhan niya lang dahil na-observe niya lang sa amin.

10. Kinakantahan namin siya ng alphabet, hanggang ABCDE palang ang kaya niya. Sinusulat namin sa notebook yung pangalan niya, letter P at letter R palang ang kaya niya nang paulit-ulit. Kaya alam na namin kung sino ang nag-vandal sa pader, mesa, sahig, upuan, kapag may PR na nakalagay.

11. Hindi niya talaga mabuo yung number 1-10. Sa tuwing nagbibilang kami, hindi niya kami sinasabayan, imbis na gayahin niya ang 123, dinudugtungan niya kami ng 4.

12. Kapag ipapakita na namin sa kanya yung flashcards ng mga hayop at prutas, kukunin niya yun sa amin. Magsisimula na siyang magsalita, "Oh ano 'to?" Gusto niyang siya ang nagtuturo, ayaw niya nang tinuturuan.

13. Kapag nagbabasa si Anisha, kumukuha rin siya ng libro at nagbabasa kahit hindi naman siya marunong. Nakatabi rin siya kay Mama at Anisha tuwing nagsasagot sila ng module. Palagi niya ring bitbit yung bag niya. Dapat kasi papasok na siya kaso nagka-COVID. Ina-assume niya na nasa school siya ngayon. Ilalabas doon ang DIY pencil case niya, kukuha ng lapis at notebook. Kapag natapos siya kelangan mong tsekan yung ginawa niya. At paulit-ulit siyang magpapatsek. 

14. Binilhan ko siya ng very good stamp para tatatakan ko siya kapag sinunod niya yung sinabi ko. Sabi ko mag-drawing siya ng tao. Sabi niya, ge. Hawak niya lang yung ballpen tapos mga tatlong minuto, may pinakita siyang drawing na tao. Tatatakan ko na siya pero yung drawing e lapis ang gamit. Luma niya na palang drawing iyon. Sabi ko sa kanya gayahin niya na lang pangalan niya na sinulat ko. Seryoso siyang nakaharap sa notebook. Pinatsek niya sa akin. Hindi niya sinulat ang pangalan niya. Dinugtungan niya ng katawan, kamay, at paa ang letter O sa pangalan niya, para magmukhang tao. Hindi ko siya tinatakan.

15. Pumasok siya sa kwarto at nakita niya sa computer table yung pangtatak ko. Nalaman ko kay Mama at sa mga kapatid ko na tinatakan niya yung buo niyang katawan. Pagkatapos non, binalik niya rin naman sa akin yung pangtatak.

*Title ng isinulat ni Rommel na kuwentong pambata inspired kay Precious na inilathala ng Chikiting Books ng Vibal




Friday, January 8, 2021

My Forever *Quilldren

 Tinanong ako ni Rommel kung hanggang ilang taon nabubuhay ang hedgehog. 3-5 years, sabi ko. Sa hayop lang talaga kami hindi magkasundò. Ayaw niya raw magkaroon. Sa tuwing nai-imagine niya raw kasing may alaga siya, ang naiisip niya agad ay paano kung mamamatay na.

“Maikli lang pala yung buhay nila ano?” tanong niya.

“Oo. Ang ine-expect ko pa nga ay 1 year lang. Atleast bago ako kumuha, ni-ready ko na yung sarili ko sa pwede kong maramdaman.” sagot ko.

“Pero bakit nag-alaga ka pa rin?” habol niya.

“Dahil gusto ko. Masaya kaya! Hindi naman ako nag-alaga para alalahanin agad yung katapusan.” kako.

Pero ang totoo, pareho lang naman kami. Natatakot ako araw-araw. Hindi naman talaga ako handa para doon. 

-

1. Nasa bakasyon ako nang ibalita sa akin na namatay na yung hoglet na hinandfeed ko. Awang-awa sa akin si Rommel dahil hindi niya alam kung paano ako papatahanin. 

2. Nung namatay yung dalawang hoglet, bumili agad ako ng dalawang hedgehog. Hindi ko kinaya. Sa tingin ko nagkulang ako. 

3. Tuwing may nakakawala sa kulungan e hindi ko ma-imagine na hindi ko na makikita.

4. May mabawas lang sa timbang nila, naka-ready na agad yung treats, vitamins, dextrose powder.

5. Agad-agad akong pumupunta sa vet kahit wala akong pera. Kesa naman yung wala akong ginawa tapos sisisihin ko ulit yung sarili ko.

-

First birthday ng mga bunso ngayon: Rock, Cookie, at Cream. Habang lumilipas pala yung mga araw, palapit pala nang palapit yung palugit. Kung bibigyan ako ng wish tuwing birthday nila, araw-araw kong hihilingin na sana habambuhay ko silang kasama. Kasi hindi ko talaga kakayanin.

*Para kina Salt, Pepper, Caramel, Oreo, Cookie, Cream, Rock




Thursday, January 7, 2021

Bakit Maraming Bahay si Carly?

 Sinabi ni Carly na isama ko raw siya ulit sa maraming bola sa KinderCity kapag wala nang COVID.

-

Bumalik na ulit si Carly sa kanila. Nandito lang naman siya sa amin kapag bakasyon. Ako palagi yung nagsusundo sa kanya dahil sa akin lang siya pumapayag sumama. Pero paminsan-minsan, pahirapan. Kelangan ng matinding lambing at kumbinsi. Sanlaksang pambobola: maraming laruan, maraming kendi, maraming kalaro. Naaawa ako minsan kasi iiwan niya yung mga tao sa kanila para pumunta sa amin. At naaawa rin ako kapag iuuwi na namin siya sa kanila tapos ayaw niya pang umuwi.

-

Ang sinasabi lang niya, "Marami akong bahay." Napapaisip ako kung nagtataka kaya siya kung bakit minsan nandito siya sa amin. Ang gusto niya pa nga kapag nandun kami sa kanila at uuwi na kami kasama siya e dapat kasama rin lahat ng tao sa bahay nila. At kapag susunduin siya dito sa bahay namin, gusto niya lahat kami dito e kasama sa kanila. Gusto niya kaming pag-isahin, siguro.

-

Wala na sigurong mas bibigat nung marinig namin yung sinabi niyang "Marami akong papa." Totoo naman, marami siyang papa. Nandyan yung dalawa niyang lolo na tinuring niyang unang mga papa. Yung mga tito niya na nagbantay at nagpatahan sa kanya tuwing nasa work yung mama niya. At yung step-dad niya na kasama nila at binibigay yung mga kelangan niya. Ang wala lang naman talaga dito e yung totoo niyang papa.

-

Masaya si Carly dito sa bahay namin. Kaso may mga gabing umiiyak siya at nagyayaya umuwi sa kanila. Pwede naman naming hindi na siya kunin sa bahay nila. Kahit dalaw-dalawin na lang sana. Kaso baka lumayô ang loob. Ang nakakatakot lang talaga, kapag lumaki na siya at hindi niya na kami madalas makita, baka sa susunod, hindi niya na kami makilala, o baka marami na rin siyang dahilan para hindi na sa amin sumama.



Wednesday, January 6, 2021

Hoy, Hoy, Buloy

 Akala ng iba, babae lahat ng kapatid ko. Dahil puro babae nga naman yung nakikita nila tuwing nag-a-upload ako ng photos. Two years ago nung nagkaroon kami ng latest and last family picture na kumpleto kaming lahat, galing kami sa labas para mag-celebrate ng birthday. Minsan lang kami magpiktyur dahil minsan lang kasi talaga kami makumpleto. Baka late yung isa, baka may ginagawa, baka umalis. Nagkakaroon lang naman kami ng family picture noon kasi required lang sa mga form na sinasagutan ni Papa.

Ang daming nagugulat kapag nalalaman nilang may lalaki pala kaming kapatid. Pinuntahan namin si Buloy nung nakaraan sa inuupahan niyang apartment. Kampante kami na makikita namin siya. Magpapasko naman, kako. Panahon ng pagmamahal at pagpapatawad. Pero nagkamali kami.

Alam kong hindi kami ok ni Buloy. Away-magkapatid lang yun, lumipas na. Kapag pumupunta pa siya dito noon after ng bangayan namin, nagkakausap naman kami. Hindi ako galit sa kanya. Wala namang dahilan para magalit sa kanya. Ganito talaga minsan ang Ate. Ang sarap lang tuloy balikan noong mga bata pa kami, nagbubugbugan kami pero nagkakaayos din naman. Ngayon, iba na. Hindi na kayang buoin ang winasak ng muhî at sama ng loob niya.

Mabuting kapatid si Buloy. Sinasamahan niya kami nina Buninay at Maria kapag pumupunta kami sa SM o maggagala o lalabas lang ng bahay. Pakiramdam naming magkakapatid e safe kami dahil may lalaki kaming kasama. Pero hindi ko sinabing mabuti siyang ama.

Ayos lang naman sa akin na hindi niya na ako ituring na ate pero sana wag niya kalimutang maging kuya kina Anisha at Precious. Na sa kabila ng lahat ay anak pa rin siya nina Mama at Papa. Na may tahanang naghihintay sa kanya. Nandito pa rin yung mga gamit at mga damit niya. Nakahanda pa rin yung mga camera. May mga nakatambak na film ng instax na uubusin para masulit at makumpleto ulit kami sa family picture.



Tuesday, January 5, 2021

May Pangalan ba ang Lungkot?

 Kapag may pinapasok na aso sa bahay, natutuwa ako. Gusto kong akin na lang sila. Ariin. Kaso alam kong hindi pa ako handa. Ayoko na kasi ulit maramdaman yung nangyari nung nakaraan.

May binigay na tuta sa akin si Papa last year. Palagi akong kinukulit ni Anisha kung anong ipapangalan ko sa kanya. Ang sabi ko, hindi ko pa alam. Ang sabi ko, saka na. Pero ang totoo, palagi akong natatakot magbigay ng pangalan lalo na kung hindi pa sigurado. May malaking bahagi kasi sa atin kapag may pangalan na, mas malapit na sa puso. Andy sana. Pareho kasi sila ng balahibo at kulay. Magkamukha kasi sila.

Hiningi ko siya kay Papa. Siya yung pinili ko kasi pagkapanganak pa lang sa kanya, color orange na agad yung balahibo niya. Madalas kasi brown or dark brown, saka lang nagiging orange kapag napalitan na yung balahibo. At saka siya lang yung naka-survive sa kanilang magkakapatid pagkapanganak sa kanila.

Ang sabi ko, kapag natapos ang lockdown, iuuwi ko na siya. Ibibili ng kulungan, kama, lahat ng pangangailangan niya. Excited akong angkinin siya. Laruin. I-baby.

Siya yung pangalawang asong aalagaan ko sana pagkatapos ni Andy. First year hayskul ako nang mamatay si Andy. Nilapa ng aso ng kapitbahay. Simula non, ayoko nang mag-alaga ng aso.

May araw na pinuntahan ako ni Anisha. Ang sabi niya, "Ate, mamamatay na yung tuta mo." Ayokong maniwala. Kasi palagi niya lang akong niloloko. Lumabas kami pareho. Nakita ko siyang nakahiga. Kung paano yung pagkakahiga ni Andy bago mamatay. Nilapa raw ng nanay, sabi ni Papa. Dumidede pa kasi siya. Hinawakan ko siya kahit ang sabi ni Papa wag kong hawakan, gaya rin ng ginawa ko kay Andy. Hindi na gumagalaw yung ulo niya. Nakadilat lang. Humihinga pa. Kaparehong-kapareho at kasabay na kasabay ng paghinga ni Andy, hinga ng nag-aagaw-buhay.

Hinaplos ko siya ulit. Namaalam. Tumalikod na ako. Hindi ko na hinintay. Alam ko na ang mangyayari. Nakita ko na iyon dati.

Ayoko na talagang mag-alaga ng aso. Ang daya. Iniwan na naman ako ni Andy.




Monday, January 4, 2021

*Another Carlo is King, not Guieb, but Jazul

 May pumuntang batang siklista sa bahay kanina. Hindi na bago sa amin yun. Madalas kasing may mga bumibisitang siklista kay Papa, lalo na yung mga nag-uumpisa palang. Maliban sa nagpapamigay si Papa ng mga jersey at gulong, malamang ay sabik silang makarinig ng kuwento ng karanasan niya sa pagbibisikleta at tiyak may mapupulot silang advice at tips.

Kung ako siguro ang pagkukuwentuhin tungkol sa kanya, ito yung sasabihin ko:

1. Hindi nakapagtapos ng college si Papa. Late na nalaman ni Lola na matagal na pala siyang hindi pumapasok. Pinangbili niya ng bike yung dapat na tuition fee niya.

2. Sinasabi sa amin na nung bata pa siya, bakal na bike lang ang ginagamit niya sa national level.

3. Maliliit pa kami nung mapanuod namin siya sa Baguio, sakto na nung nagbakasyon kami doon ay doon din ang finish line nila. Nandun lang kaming magkakapatid sa gilid. Hinihintay siyang dumaan. Hindi na namin siya napuntahan dahil pinadiretso agad sila sa hotel. Ang mahalaga, napanood naming natapos niya yung lap.

4. Minsan inutusan niya kaming magdala ng maraming tubig. May dadaan daw na laro sa tapat ng subdivision namin. Abutan daw namin ng tubig lahat ng dadaang siklista.

5. Natutuwa siya kapag nakakakita ng batang nagba-bike sa daan. Kapag naka-motor kami, hinahabol niya mga yun. Tatanungin at yayayain kung pwedeng i-train.

6. Kelan lang, dinala niya kami sa karinderya sa Antipolo na kinakainan niya noong nagsisimula palang siya dati. May mga nakadikit na lumang pictures ng mga siklista, pati mga tarpaulin. Doon ang naging pahingahan ng ilang mga nagba-bike.

7. Nung time na yun, may batang siklista na nandun sa karinderya. In-order-an niya ng makakain at maiinom. Ganun din daw ang ginagawa sa kanya noon ng mga idol niya.

8. Kapag wala siyang pera pangbili ng pagkain, inaakyat niya lang yung mga puno sa Rizal at kumukuha ng prutas. Ayun na raw ang ginagawa niyang pangtawid-gutom.

9. Ninakaw dati yung bike niya. Inakyat sa bakod namin. Umalis siya kasama yung kapitbahay namin para hanapin yung bike. Hindi siya umuwi nang gabing yun. Ilang araw din bago niya nakita. Natuntong nila yung bahay nun. Naawa siya. Binigyan niya ng pera yung kumuha dahil binalik pa rin sa kanya yung bike.

10. Tuwing final lap sa Luneta, mula umaga hanggang hapon, nanunuod lang kami ng laban nila. Hindi ko pa ma-gets noon kung paano sila nag-uunahan sa finish line e paiko-ikot lang naman sila sa grandstand.

11. Nung bata ako, tuwing tinatanong ako, o tuwing may sasagutang form, kung anong trabaho ng tatay ko, cyclist ang sagot ko. Hindi ko maintindihan noon kung paano naging trabaho yun.

12. In-expose ni Papa at ng mga kasamahan niya sa Philippine Team ang corruption sa loob ng sports commission, kung paano pinapalitan ng luma at mga pekeng pyesa ang mga bago at original na gamit. May tv at radio station na pumunta sa bahay para interbyuhin siya.

13. Nang maging head coach siya ng Philippine Cycling, kaming magkakapatid ang ginawa niyang tagaayos, taga-type, taga-print ng mga documents niya.

14. Inimpluwensyahan niya rin yung isa kong tito na mag-bike, di tumagal ay nakailang tour na rin siya.

15. Pangarap niyang maging siklista kaming magkakapatid. Pero walang nag-bike sa amin. Kahit ibang sports ang hawak namin, sinuportahan niya kami. Nung nakaraan lang, binilhan ko ng bike yung pamangkin ko, siya ang nag-assemble, baka nga naman, si Carly ang magtuloy ng pangarap niya.

*title ng balitang nabasa ko noong bata ako sa isang dyaryo




Sunday, January 3, 2021

Fan Girl

 Kakatapos ko lang panoorin yung Fan Girl ni Antoinette Jadaone. At masasabi kong naging fan girl din ako. Grade 2 ako noon. Wala akong pinalampas na episode ng Meteor Garden. Ay, meron pala, isang beses lang. Nung gumawa kami ng project ng mga classmates ko. Sobrang sama ng loob ko kasi hindi ko man lang naabutan pagkauwi ko. Kasalanan ng project ko yun e. Hindi pa kasi uso yung youtube noon.

Super crush ko ang F4. As in mula notebook, stickers at kung ano-anong merchandise na may mukha nila. Naalala ko yung tita ko, sinasabi niya sa akin na maraming poster ng F4 sa labas ng school nila. Syempre, dahil idol ko sila e nagpabili ako ng marami. Tuwang-tuwa pa ako kasi pagkaabot niya sa akin may pamaypay din na Meteor Garden. Tandang-tanda ko rin na may album sila worth 300 pesos, hindi ko sigurado yung presyo, na pinabili ko under ng Pepsi Cola. Walang sawa kong pinakinggan nang paulit-ulit. 

Pero hanggang doon lang yun. Hindi pala ganun ang paghanga. Lumipas din yung panahon na kinalimutan ko na sila. Serye lang yun e, natatapos din. May hangganan, kumbaga. Parang isang bahagi lang ng buhay natin na dumaan kaya maglalaho rin sa memorya natin. 

Alaala ko lang yun nung pagkabata na kapag binabalik-balikan ko, natatawa ako. Hindi na ako fan girl ngayon ng kung sinoman. Hindi na ako gagastos sa hindi naman ako kilala. Tinigil ko na ang pagpantasya sa hindi naman totoo.

At kung tatanungin ako kung meron ba akong hinahangaang celebrity, marami. Mga mahuhusay umarte, may tindig, may boses. Hindi yung basta maganda o pogi lang, hindi palaging pa-cute. Gusto ko sila hindi lang sa pagiging artista nila, kundi sa pagiging tao nila.

Marunong makipagkapwa kahit walang mall tour. Marunong magsalita kahit walang presscon. Kumikilos kahit walang nakatutok na camera. Sino namang hindi hahanga sa mga ganun 'di ba? Ginagawa nilang platform ang pagiging artista nila para gawin yung advocacy nila.

Kaya maganda sigurong tanong sa mga celebrity na hanggang ngayon ay tahimik pa rin sa kabila ng pagpatay at kawalan ng hustisya, kung walang binigay na script sa 'yo, anong sasabihin mo?

At kung tahimik pa rin, fan girl ka pa rin ba nila?



Saturday, January 2, 2021

Lahat Tayo Maganda

 Insecure na insecure ako sa mga babaeng sexy. Kaya sinabi ko sa sarili ko, seseryosohin ko na talaga yung workout at diet ko this year. Kahit alam ko namang ilang beses ko nang sinabi yun. Pero palagi ko lang niloloko yung sarili ko.

Payat naman talaga ako, noon. Pero pagkagradweyt ko nung college, nadagdagan ako ng sampung kilo. Hanggang sa magsimula nang magsipaglaki yung mga binti at braso ko. Wala naman talaga akong pake dati. Nagsimula lang akong tumingin sa salamin nung nahilig akong magpunta-punta sa mga dagat. Naadik din akong bumili ng swimsuit.

Tapos syempre, mapapatanong ako, babagay ba sa akin 'tong mga 'to? Kung bakit ba naman kasi iniisip ko pa kung ano yung iisipin sa akin ng ibang tao kapag suot ko na yung bikini.

Saka ko ngayon maaalala na hindi pala sapat yung pagiging sexy. Syempre kapag naka-two piece ka na, dapat maputi yung singit mo at walang buhok yung kilikili mo, yan yung sabi nila.

Kaya siguro magastos maging maganda. Palagi nating gustong i-fit yung sarili natin sa kung ano yung idinidikta ng lipunan, na dapat: walang stretchmarks at pimples, malaki yung boobs at pwet, maputi at makinis na balat, straight at mahabang buhok. Palagi nating tandaan na hindi ito ang pamantayan ng pagiging babae.

Hindi naman dapat sukatin ang babae ayon sa timbang at taas niya. Wala naman tayong kailangang ayusin sa sarili natin. At kung may mga babae mang nakakaramdam ng insecurities gaya ko, alam kong ginagawa namin 'to para sa sarili namin at hindi para sa ibang tao.


Sa Mata ng Bata

  Sa Gitna ng Daan Mga mata nilang kanina pa sumusubaybay sa bawat kong hakbang, nakasara ang mga tainga nila sa bawat kong sigaw. Sa ...